30 Oktubre 2022
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Karunungan 11, 2-12, 2/Salmo 144/2 Tesalonica 1, 11-2, 2/Lucas 19, 1-10
Paula Nash Giltner, Zacchaeus the Tax Collector, Good News Productions International and College Press Publishing/Free Bible Images (FreeBibleimages.org), is licensed under CC BY-NC-ND 4.0.
Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang habag at awa ng Diyos para sa lahat. Sa unang bahagi, inilarawan kung paanong hindi naman kinailangan ng Diyos ang lahat ng mga nilalang, lalung-lalo na ang daigdig na ito. Subalit, ipinasiya pa rin ng Panginoon na likhain ang lahat ng mga nilalang, kabilang na ang mundong ito at ang mga taong pansamantalang namumuhay rito, dahil sa Kanyang habag at awa. Ito ang tanging dahilan kung bakit namumuhay tayo sa mundong ito. Mayroon tayong buhay dahil sa habag at awa ng Diyos. Ang ating pansamantalang buhay dito sa mundong ito na ipinahiram sa atin ng Diyos ay isang patikim ng buhay na walang hanggan sa langit. Ginawa Niya ito para sa atin dahil sa Kanyang habag at awa.
Kung paanong nilikha ng Diyos ang lahat ng nilalang dahil sa Kanyang habag at awa, niloob ng Diyos na magkaroon ng pagkakataon ang lahat ng tao dito sa mundo na makapagsisi sa kasalanan at magbalik-loob sa Kanya dahil rin sa Kanyang habag at awa. Ang lahat ng tao sa mundo, lalung-lalo na ang mga makasalanan, ay inaakit at pinpukaw ng Diyos na lumapit sa Kanya. Bagamat tao pa rin ang magpapasiya pa rin sa huli, laging kumikilos ang Diyos upang pukawin at akitin ang puso ng bawat tao. Ginawa ito ni Hesus para kay Zaqueo sa Ebanghelyo sa pamamagitan ng Kanyang desisyong tumuloy sa bahay ng nasabing publikano. Dahil sa pasiyang ito ni Hesus, si Zaqueo ay naakit sa kanyang habag at awa na naging dahilan ng kanyang pasiyang baguhin ang kanyang buhay at magbalik-loob sa Panginoon.
Ang mga salita ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito ay tungkol sa kanyang panalangin at hangad para sa mga Kristiyano sa Tesalonica noon. Hinangad ni Apostol San Pablo na ang Diyos ay kanilang mabigyan ng karangalan sa pamamagitan ng kanilang pagsunod sa Kanyang kalooban. Nais niyang maging bukas sa pagbabagong kaloob ng Diyos ang mga Kristiyanong taga-Tesalonica. Nais niyang maakit sila sa habag at awa ng Diyos na naghahatid ng pagbabago sa kanilang buhay, katulad niya. Ito ang kapangyarihan ng habag at awa ng Diyos. Subalit, nasa tao pa rin ang pasiya kung magpapaakit siya sa habag at awa ng Diyos.
Bagamat nasa tao pa rin ang pasiya kung magpapaakit siya sa habag at awa ng Diyos at magbabagong-buhay, hindi maipagkakaila ang kapangyarihan ng habag at awa ng Diyos. Ang habag at awa ng Diyos ay may kapangyarihang maghatid ng pagbabago sa buhay ng bawat tao. Kayang-kaya ng Panginoong Diyos na baguhin ang buhay ng lahat ng tao sa mundo. Subalit, nasa tao pa rin ang pasiya kung magpapaakit siya sa habag at awa ng Diyos na naghahatid ng pagbabago.
Ipinasiya ni Zaqueo na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos dahil sa habag at awa ng Diyos na ipinakita sa kanya ni Hesus. Nagbagong-buhay si Zaqueo dahil hinayaan niyang akitin siya ng habag at awa ng Diyos na ipinagkaloob sa Kanya ng Nagkatawang-Taong Salita ng Diyos na si Hesus. Magpapaakit at magpapapukaw ba tayo sa habag at awa ng Diyos katulad ng ginawa ni Zaqueo?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento