Biyernes, Oktubre 21, 2022

IISANG HANGARIN

2 Nobyembre 2022 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
[Ang mga Pagbasa ay isang pangkat ng mga Pagbasa mula sa Mga Pagdiriwang ng Misa para sa Yumao]
Karunungan 4, 7-15/Salmo 25/1 Tesalonica 4, 13-18/Juan 5, 24-29 

William-Adolphe Bouguereau (1825–1905), The Day of the Dead, from the Musée des Beaux-Arts de Bordeaux Collection, is under Public Domain ("No Known Copyright") due to its age.

Bukod sa pagiging araw ng pananalangin at paggunita sa mga Kristiyanong yumao, ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan sa pagpapaalala sa atin tungkol sa pag-asang hatid ng pangako ng buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit. Ang pangako ng walang hanggang kapahingahan at buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit ay nais nating matamasa bilang mga Kristiyano. Kaya naman, lagi nating sinisikap na magpakabuti at magpakabanal bilang paghanda sa ating mga sarili na makapiling ang Panginoon sa langit. Ito ang tangi nating hangarin bilang mga Kristiyanong naglalakbay sa mundong ito nang pansamantala. 

Hinangad rin ng mga kaluluwa ng mga kapatid nating yumao, lalung-lalo na ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo, na makapiling ang Diyos sa langit sa wakas ng kanilang buhay sa mundo. Subalit, hindi agad dumidiretsyo sa kaharian ng Diyos sa langit ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo. Ang mga kaluluwang ito ay dinadalisay muna sa Purgatoryo bago sila papasukin sa kaharian ng Diyos sa langit. Hindi natin alam kung gaano katagal ang proseso ng pagdalisay sa kanila sa Purgatoryo. Kaya naman, lagi tayong pinakikiusapan ng Simbahan na laging alalahanin at manalangin para sa mga yumao nating kapatid sa Purgatoryo. Katulad natin, minsan silang umasa at nanalig sa pangako ng Panginoon. 

Ang mga salita sa Unang Pagbasa ay isang pangako para sa mga taong nagpasiyang mamuhay nang may kabanalan habang namumuhay sa mundong ito. Gaano man kahirap itong gawin, ipinasiya pa rin nilang gawin ito. Batid nilang pansamantala lamang ang kanilang buhay sa lupa. Kaya naman, lagi nilang pinagsisikapang maging banal. Dahil sa pasiyang ito, ginantimpalaan sila ng Diyos. Ito ang pangako ng Diyos para sa mga mamumuhay nang banal dito sa mundo. Makakasama nila Siya sa langit magpakailanman. Ang pangakong ito ng Panginoong Diyos ay tinalakay rin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang mga nananalig kay Kristo Hesus ay Kanyang isasama sa kalangitan. Ang pananalig sa Panginoong Hesukristo ay naipapahayag sa pamamagitan ng pamumuhay nang banal. Ang pangakong ito ay inihayag muli ni Hesus mismo sa Ebanghelyo. Sabi ng Panginoong Hesus na pagkakalooban ng buhay na walang hanggan ang mga mananalig sa Kanya. Sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan, naipapahayag ang tunay at wagas na pananalig sa Kanya (Juan 5, 29). 

Noong namumuhay at naglalakbay pa sila sa mundo, laging pinagsikapan ng mga yumao nating kapatid sa Purgatoryo na isabuhay ang mga turo at aral ng Panginoon upang matamasa nila ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa langit. Ayaw nilang mawalay sa Panginoong Diyos magpakailanman sa impiyerno. Dahil sa hangaring ito, lagi silang nagsisikap na maging banal. Ito pa rin ang kanilang hangarin habang sila'y dinadalisay sa Purgatoryo. Kaya naman, laging nakikiusap sa atin ang Simbahan na lagi silang isama sa ating mga panalangin upang matamasa nila ang pangakong ito. 

Katulad ng mga yumao nating kapatid sa Purgatoryo, lagi tayong manalig at umasa sa Panginoong Diyos at lagi nating piliin ang kabanalan upang matamasa natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman sa wakas ng ating buhay sa mundong ito. Lagi rin nating isama sa ating mga panalangin ang mga yumao nating kapatid, lalung-lalo na ang mga nasa Purgatoryo, upang ang pangakong ito ng Panginoon ay matamasa rin nila. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento