Huwebes, Oktubre 6, 2022

KABABAANG-LOOB: TANDA NG TAOS-PUSONG PANANALIG AT PAG-ASA SA DIYOS

23 Oktubre 2022 
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 35, 15b-17. 20-22a (gr. 12-14. 16-18)/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 16-18/Lucas 18, 9-14 

Sir John Everett Millais, Parable - The Pharisee and the Publican, Aberdeen Art Gallery, is licensed under CC0 1.0 Universal (CC0 1.0).

Isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggo ang Talinghaga tungkol sa Pariseo at sa Publikano upang ituro ang halaga ng kababaang-loob sa harap ng Diyos. Kapag may lumapit sa Diyos nang buong kababaang-loob upang humingi ng habag at awa, labis na nalulugod at natutuwa ang Diyos. Ang Diyos ay nalulugod sa mga lumalapit sa Kanya nang may kababaang-loob upang humingi ng habag at awa mula sa Kanya dahil ang kanilang kababaang-loob ay tanda ng kanilang pagiging taos-puso. Hangad ng mga may kababaang-loob makamit ang habag at awa ng Panginoong Diyos dahil batid nila ang kanilang mga kahinaan at kailangan nila ang Kanyang tulong. 

Katulad ng nasasaad sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Dukhang sa D'yos tumatawag ay Kanyang inililigtas" (Salmo 33, 7a). Sabi rin ni Hesus na mapapalad ang mga dukhang walang ibang inaaasahan kundi ang Diyos dahil ang kaharian ng langit ay mapapasakanila (Mateo 5, 3). Ang aral na ito ay isinalungguhit ng talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Bagamat mayaman, nagpakaaba ang publikano sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang kababaang-loob. Humingi siya ng habag at awa mula sa Diyos dahil isa siyang mahinang makasalanan (Lucas 18, 13). Sa pamamagitan ng kanyang kababaang-loob at pagpapakaaba, ipinakita ng makasalanang publikanong ito ang kanyang pag-asa sa Panginoon. Ang tangi niyang inaaasahan ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. 

Ang pagiging mahabagin at maawain ng Panginoong Diyos sa mga may kababaang-loob ay isinalungguhit sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Ang Panginoon ay nalulugod sa mga taong may kababaang-loob. Ang kababaang-loob ay isa lamang tanda ng kanilang pananalig at pag-asa sa Diyos. Nananalig at umaaasa lamang sila sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanilang kababaang-loob, binubuksan nila ang kanilang mga puso at sarili sa Diyos. Inihahandog nila ang kanilang mga sarili sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit nalulugod ang Diyos sa kanila. 

Sa Ikalawang Pagbasa, nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa magiging wakas ng kanyang misyon. Sa pamamagitan nito, nagpatotoo siya tungkol sa habag at awa ng Diyos na tumulong sa kanya sa bawat sandali ng kanyang misyon. Habang patapos na ang kanyang misyon bilang apostol ni Kristo, pinagnilayan niya kung paano siya tinulungan ng Panginoon. Ang pagtulong ng Panginoon ay ang tanging dahilan kung bakit si Apostol San Pablo ay nanatiling tapat hanggang sa huli. Kung wala ang Diyos, hindi matutupad ni Apostol San Pablo ang kanyang misyon bilang apostol ni Kristo at matagal na siyang bumitaw at tumalikod sa kanyang pananampalataya sa Diyos. 

Nais ba nating kalugdan ng Diyos? Magpakumbaba. Mamuhay nang may kababaang-loob at sundin ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan nito, nahahayag ang ating taos-pusong pananalig at pag-asa sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento