Sabado, Setyembre 24, 2022

ANG DAPAT ASAHAN AT PANALIGAN

16 Oktubre 2022 
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Exodo 17, 8-13/Salmo 120/2 Timoteo 3, 14-4, 2/Lucas 18, 1-8 

John Everett Millais, "Illustration of the Parable of the Unjust Judge from the New Testament Gospel of Luke (Luke 18:1-9).The Parables of Our Lord, 1863, Public Domain.

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tungkol sa pagtulong ng Panginoon. Lagi tayong tinutulungan ng Panginoong Diyos. Ang Diyos ay lagi nating maaasahan. Ang Diyos ay kasama natin sa bawat sandali ng ating buhay sa mundo upang ipagkaloob sa atin ang Kanyang tulong kung kinakailangan. Ang Kanyang pagtulong ay hindi Niya ipagakait o ipagdadamot sa atin. Ang Diyos ay laging handang tulungan tayo, lalung-lalo na sa mga sandali ng pangangailangan. Ito ang dahilan kung bakit palagi tayong pinaalalahanan na umasa sa Diyos. Ang Diyos ay tunay ngang maaasahan. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong tinulungan ng Diyos ang mga Israelita laban sa mga Amalecita. Itinaas ni Moises ang tungkod na ibinigay sa kanya ng Diyos upang tulungan ang mga Israelita sa kanilang pakikidigma sa mga Amalecita. Hindi nanalo ang mga Israelita dahil sa pamahiing nakataas ang mga kamay ni Moises. Ang Diyos ang nagkaloob sa kanila ng tagumpay laban sa mga Amalecita. Itinaas ang mga kamay ni Moises bilang tanda ng paghingi ng tulong sa Panginoong Diyos. Itinaas ni Moises ang kanyang mga kamay upang hingin ang tulong ng Diyos. Nanalangin siya para sa tagumpay ng mga Israelita laban sa mga Amalecita sa pamamagitan nito. Hiniling ni Moises sa Panginoon na tulungan ang mga Israelita, katulad ng Kanyang ginawang pagtulong sa mga Israelita sa Ehipto. Dininig ng Diyos ang dalanging ito. 

Mayroong mga habilin si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang mga habiling ito ay hindi lamang para kay San Timoteo kundi para sa lahat ng mga Kristiyano. Una, huwag limutin at talikdan ang mga aral na itinuturo ng Simbahan at huwag tumigil sa pananalig sa mga aral na ito. Pangalawa, ipangaral ang Salita ng Diyos. Kapag ating sinundan at tinupad ang mga habiling ito, ipinapakita natin ang ating pananalig at tiwala sa Diyos. Si Apostol San Pablo nga, hindi tumigil sa pagsaksi sa Salita ng Diyos, bagamat nakabilanggo siya noon. Ito ay dahil umasa siya sa Panginoon. Hindi siya nawalan ng pag-asa sa Diyos. Nanalig at umasa sa Diyos si Apostol San Pablo. Dahil dito, si Apostol San Pablo ay nanatiling tapat sa Diyos hanggang sa huli. 

Isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo ang talinghaga tungkol sa isang babaeng balong walang sawang humingi ng katarungan mula sa isang hukom na walang takot sa Diyos at walang taong ginagalang upang ituro ang kapangyarihan at halaga ng pag-asa, pananalig, at tiwala sa Kanya. Alam naman natin na ang Diyos ay hindi katulad ng hukom sa talinghaga ni Hesus. Kung ang hukom sa talinghaga ni Hesus ay hindi makatarungan at maituturing na tiwali, ang Diyos ay tunay ngang makatarungan. Sa Kanya lamang matatagpuan ang tunay at ganap na katarungan. Dahil dito, sa Kanya lamang dapat nating ibigay ang ating pananalig at pag-asa. Huwag tayong matakot umasa sa Kanya. Huwag tayong matakot manalig sa Kanya. Kung binigo tayo ng ilang taong nakilala natin noon, hindi tayo bibiguin ng Diyos. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Sa Pangalan ng Maykapal, tayo ay tinutulungan" (Salmo 120, 2). Lagi tayong tinutulungan ng Diyos. Ang Diyos ay laging handang magbigay ng tulong sa atin kung kinakailangan natin ito. Kaya, dapat tayong manalig at umasa sa Kanya. Ang Panginoon ay tunay na maaasahan at mapagkakatiwalaan. Siya lamang at wala nang iba. 

Hindi lahat ng tao sa mundo ay mapagkakatiwalaan. Ito ang katotohanan. Dahil dito, muling itinuturo sa atin ng Simbahan ngayong araw na ito ng Linggo kung sino ang dapat nating pagkatiwalaan. Ang Diyos. Ang Diyos ay dapat nating pagkatiwalaan at asahan. Ibigay natin sa Kanya ang ating pananalig at pag-asa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento