Biyernes, Setyembre 2, 2022

ANG KRUS NI HESUS AY HINDI DAPAT LIMUTIN

14 Setyembre 2022 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 


"Ang Krus lamang ng ating Panginoong Hesukristo ang siya kong ipinagmamapuri" (Galacia 6, 14). Ang mga salitang ito ni Apostol San Pablo sa ikaanim na kabanata ng kanyang Sulat sa mga taga-Galacia ay nararapat lamang pagnilayan sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Inilaan ng Simbahan ang araw na ito sa pagpaparangal at pagbibigay-pugay sa instrumentong ginamit ng Panginoong Diyos upang iligtas ang sangkatauhan - ang Banal na Krus ni Kristo Hesus. Sabi nga natin sa tuwing dinadasal at pinagninilayan natin ang Daan ng Krus: "Sa pamamagitan ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay, iniligtas Mo ang sangkatauhan." Ang Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus ang nagligtas sa sangkatauhan. Isinasalungguhit rin na walang kaligtasan para sa sangkatauhan kung ang Krus ay wala. Magkaugnay ang dalawang ito - ang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. 

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ang pagligtas ng Diyos. Ang Diyos ay gumamit ng maraming instrumento sa paghatid ng kaligtasan. Subalit, ang pinakadakilang instrumentong ginamit ng Diyos upang maghatid ng kaligtasan ay walang iba kundi ang Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Walang makahihigit o makapapantay sa Banal na Krus ni Hesus. Nagsisilbing sagisag ng tagumpay ng Diyos ang Krus na Banal. Sa Krus na ito ipinako at namatay ang ipinangakong Manunubos na si Hesus na nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Ito ang dahilan kung bakit pinapahalagahan natin ang Krus na Banal ni Hesus. Kung walang Banal na Krus, walang Muling Pagkabuhay at kaligtasang magaganap. Hindi maliligtas ang sangkatauhan kung hindi namatay sa Krus at nabuhay na mag-uli si Kristo. Kaya, mahalaga para sa atin ang Krus ni Kristo. 

Sabi sa Salmong Tugunan para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito: "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D'yos" (Salmo 77, 7k). Isinasalungguhit ng mga katagang ito ang pagpapahalaga sa mga gawa ng Diyos. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Panginoong Diyos ay hindi dapat kalimutan kailanman. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Panginoon ay dapat lagi nating alalahanin at ipagpasalamat. Ang pinakadakilang gawa ng Diyos ay ang pagligtas sa atin sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ni Hesus. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa para sa araw na ito kung paanong iniligtas ng Diyos ang mga Israelita sa ilang. Bagamat pinarusahan ng Panginoon ang mga Israelita noong una sapagkat walang tigil silang nagreklamo sa Kanyang mga kaloob, Siya na rin ang nagligtas sa kanila. Inutusan Niya si Moises na gumawa ng isang ahas na tanso upang ang sinumang tumingin nito ay gumaling at mabuhay, kahit na tinuklaw sila ng makamandag na ahas. Bilang tugon sa pagmamakaawa ng mga Israelita sa disyerto matapos mamatay ang marami sa kanila dahil sa pagtuklaw ng ahas na makamandag, ang Panginoong Diyos ay naghatid ng kaligtasan at buhay sa kanila sa pamamagitan ng ahas na tanso na Kanyang ipinagawa kay Moises. 

Binanggit ni Hesus ang kaganapang isinalaysay sa Unang Pagbasa upang ilarawan kung paano Niya ililigtas ang sangkatauhan sa Ebanghelyo. Katulad ng ahas na tanso sa ilang, itataas at itatampok rin si Hesus. Nangyari ito sa bundok ng Kalbaryo noong ipinako Siya sa Krus na Banal. Si Apostol San Pablo ay nagsalita rin tungkol sa pag-aalay ng sarili ni Hesus sa krus sa Ikalawang Pagbasa. Buong kababaang-loob Siyang tumalima sa kalooban ng Ama na iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. 

Dagdag pa ni Apostol San Pablo sa kanyang Unang Sulat sa mga taga-Corinto: "Sa mga napapahamak, ang aral tungkol sa pagkamatay ni Kristo sa Krus ay kahangalan, ngunit sa atin na mga inililigtas, ito'y kapangyarihan ng Diyos" (1, 18). Dahil dito, ang Krus na Banal ng Panginoong Hesus ay patuloy na pinahahalagahan ng Simbahan. Sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa Kabanal-banalang Krus ng Panginoong Hesus, ipinapakita ng Simbahan na hindi niya nalilimutan ang pagligtas ng Diyos sa tao na tunay ngang kahanga-hanga. Itinuturo rin sa atin ng Simbahan na dapat natin itong gawin araw-araw. Ipagmalaki at pahalagahan ang Banal na Krus ni Kristo Hesus. Ang aral at mensahe ng Banal na Krus ay hindi dapat kalimutan kailanman. 

Huwag nating limutin ang Banal na Krus ni Hesus. Huwag nating limutin ang pasiya ng Diyos na iligtas tayo mula sa kasalanan. Kung tutuusin, maaari naman Niya tayong pabayaang malugmok at mapahamak dahil sa kasalanan. Subalit, ipinasiya Niyang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Ito ang katotohanang dapat nating alalahanin at pahalagahan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento