Huwebes, Setyembre 22, 2022

MUNTING PANANALIG

2 Oktubre 2022 
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Habacuc 1, 2-3; 2, 2-4/Salmo 94/2 Timoteo 1, 6-8. 13-14/Lucas 17, 5-10 

Eloisa Lopez (Reuters), Devotees participate in the Traslacion 2020, Re-shared by ABS-CBN News, Accessed September 18, 2022, https://news.abs-cbn.com/news/01/09/20/duterte-calls-for-compassion-and-selflessness-as-filipinos-join-traslacion-2020

"Dagdagan po Ninyo ang aming pananalig sa Diyos" (Lucas 17, 5). Ito ang hiling ng mga apostol kay Hesus sa simula ng Ebanghelyo para sa Linggong ito. Batid ng mga apostol na kailangang palakihin at palalimin ang kanilang pananalig sa Diyos. Buong kababaang-loob nilang inaamin sa Panginoong Hesus sa pamamagitan ng hiling na ito na napakaliit ng kanilang pananalig sa Diyos. Sa pamamagitan ng kahilingang ito, buong kababaang-loob nilang inamin sa Panginoon na mayroong mga pagkakataon sa buhay kung kailan mahirap para sa kanila na manalig sa Kanya dahil ang kanilang pananalig ay napakaliit. Batid ng mga apostol na nililimitahan sila ng kanilang maliit na pananalig upang buong puso nilang maihandog ang kanilang sarili sa Kanya. 

Ang pananalig sa Diyos ay nais bigyan ng pansin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito. Tinalakay ng mga Pagbasa para sa Linggong ito kung paanong mapapausbong, mapapalalim, at mapapanatiling ang pagiging matatag at sariwa ng pananalig sa Panginoong Diyos. Ang pananalig sa Diyos ay napakahalaga para sa atin dahil ito ang sagisag ng ating ugnayan sa Diyos. Ang ating pananalig sa Panginoon ay isang tanda ng ating pagmamahal at pagsamba sa Kanya. Pinananaligan natin ang Panginoong Diyos na ating iniibig at sinasamba. Nais nating lumalim, lumago, at panatilihin ang katatagan at pagiging sariwa nito upang ang ating pag-ibig at pagsamba sa Diyos ay lalo nating maipahayag. Katunayan, ang katotohanang ito ay binigyan ng pansin sa hiling ng mga apostol kay Hesus sa simula ng Ebanghelyo para sa Linggong ito. 

Sa Unang Pagbasa, nagbitiw ng isang pangako ang Panginoong Diyos bilang tugon sa dalangin at panaghoy ni Propeta Habacuc. Sa mga sandali ng pananaghoy, si Propeta Habacuc ay dumalangin sa Diyos. Ang dalangin ni Propeta Habacuc na nahahapis at nananaghoy dahil sa kawalan ng katarungan sa lipunan noon ay tinugon ng Diyos sa pamamagitan ng isang pangako. Darating ang panahon kung kailan parurusahan ang mga mapagmataas, mapang-abuso, mapagsamantala, at manlilinlang. Ang tugon na ito ng Panginoon ay tinanggap at pinanaligan ni Propeta Habacuc. Sa kabila ng mga katiwalian at kawalan ng katarungan na umiiral noon sa lipunang kinabilangan niya, ang pangako ng Diyos ay pinanaligan ni Propeta Habacuc. 

Inilarawan naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang buhay ng mga nananalig sa Diyos. Ang Panginoon ay hindi nila ikinahihiya. Ang Panginoong Diyos ay buong puso nilang ipinagmamalaki. Sa kabila ng mga hirap at pagsubok sa buhay, sa Diyos pa rin sila kakapit. Katulad na mismo ni Apostol San Pablo. Sa mga sandaling ang mga katagang ito ay kanyang isinulat, si Apostol San Pablo ay nakabilanggo dahil sa kanyang pananalig at pagsaksi kay Kristo Hesus (2 Timoteo 1, 8-9). Ang kanyang pagiging bilanggo para kay Kristo ay hindi niya ikinahiya. Ipinagmalaki niya ito dahil batid niyang ang kanyang mga tiisin sa buhay bilang misyonero ay inihahandog niya kay Kristo. Nananalig si Apostol San Pablo na ang kanyang mga tiisin sa kanyang misyon ay para sa higit na ikaluluwalhati ng Panginoon. 

Paano nga ba nating mapapalaki ang ating pananalig sa Diyos? Ano nga ba ang dapat nating gawin upang maging katulad ng mga pananalig ng mga banal sa langit ang ating pananalig sa Diyos? Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo na hindi ito minamadali. Hindi minamadali ang paglago, pag-usbong, paglalim, at pagpapalaki sa ating pananalig sa Diyos. Magsimula tayo sa maliit. Ginamit ng Panginoong Hesus ang halimbawa ng isang butil ng mustasa na nagiging isang napakalaking puno pagdating ng panahon (Lucas 13, 18; 17, 6). Kahit doon tayo magsimula, sabi ni Kristo. Magsimula lamang tayo sa maliit, tapos paglipas ng panahon, lalalim, lalago, lalakas, at uusbong rin ito kapag lagi nating ibubukas ang ating mga sarili sa Diyos. 

Huwag tayong mag-alala kung maliit lamang ang ating pananalig sa Diyos. Lalago rin ito pagdating ng panahon kung lagi nating ibubukas ang ating mga sarili sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento