15 Setyembre 2022
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35)
Anonymous (attributed to the Studio of Bartolome Esteban Murillo), The Mater Dolorosa (c. Between 1600 and 1699), Photo Credit: National Trust, Tyntesfield, licensed under CC BY-NC-ND.
Inilaan ng Simbahan ang araw na ito sa paggunita sa Paghahapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Isa lamang ang dahilan kung bakit naghapis ang Mahal na Birheng Maria - ang kanyang Anak na minamahal na si Hesus. Ang pag-ibig ni Maria para sa kanyang Anak na si Hesus ay tunay at totoo. Katulad ng mga ina, lagi siyang handang gawin ang lahat mailayo lamang si Hesus sa panganib at kapahamakan. Hindi niya hinangad na masaktan at mahirapan si Hesus kailanman.
Bagamat ninais ni Maria na mailayo sa mga hirap, sakit, panganib, at kapahamakan ang kanyang minamahal na Anak na si Hesus, hindi niya magawa ito. Wala siyang magawa upang ilayo si Kristo mula sa mga sakit, panganib, at kapahamakan. Ito ang pinakamasakit na katotohanan para sa Mahal na Birheng Maria. Nais niyang ilayo si Kristo mula sa panganib, subalit hindi niya magawa ito sapagkat magiging sagabal siya sa pagtupad sa kalooban ng Diyos kapag ginawa niya iyon. Niloob ng Diyos na harapin at tuparin ni Hesus ang Kanyang mapanganib na misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Napakasakit ito para sa Birheng Maria. Ipinahiwatig ito ni Simeon sa Ebanghelyo kung saan inihayag niyang si Hesus ay itinalaga para sa kaligtasan o kapahamakan ng marami na magdudulot ng matinding sakit kay Maria na tila tinarakan na rin ng isang balaraw ang kanyang puso" (Lucas 2, 34-35). Ang mga salitang ito ni Simeon ay nagkatotoo noong nasaksihan ng Mahal na Ina nang buong hapis ang mga huling sandali sa buhay ni Hesus sa Krus sa Kalbaryo.
Maski si Hesus, wala rin Siyang magawa upang baguhin ang plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ito ang pinagtuunan ng pansin ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Unang Pagbasa. Inilarawan sa Unang Pagbasa kung paanong si Hesus ay lumuluhang nanalangin at nagsusumamo sa Ama (Hebreo 5, 7). Bagamat batid ni Hesus na ito ang planong binuo Niya kaisa ng Ama at ng Espiritu Santo, ang pagiging tao ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay namalas. Nakaramdam rin ng takot at pangamba si Hesus sa mga sandaling bago Siya dakpin. Sa mga sandaling iyon, tiyak na inisip rin ni Hesus ang Kanyang Inang si Maria. Subalit, sa kabila ng mga takot at pangamba, binigkas ni Hesus nang buong kababaang-loob at pagtalima sa Diyos Ama: "Mangyari nawa ang kalooban Mo!" (Mateo 26, 39. 42. 44; Marcos 14, 36. 39; Lucas 22, 42).
Ang masakit pa para sa Mahal na Birhen ay nasaksihan niya kung paanong si Hesus na kanyang minamahal na Anak ay pinahirapan at pinatay ng Kanyang mga kaaway. Kung ihahalintulad ito sa panonood ng mga pelikula sa sinehan o panonood sa mga pagtatanghal ng mga mang-aawit o ng iba pang mga alagad ng sining, nakapuwesto si Maria sa harap na hilera. Mula sa simula hanggang sa huli, nasaksihan ng Birheng Maria kung paanong si Hesus ay nagdusa at namatay. Sa alternatibong Ebanghelyo, ipinagkatiwala pa nga ni Hesus si Apostol San Juan at ang Birheng Maria sa isa't isa habang naghihingalo sa Krus.
Hindi hinangad ng Mahal na Ina na mapahamak, magdusa, mahirapan, masaktan, at mamatay ang kanyang minamahal na Anak na si Kristo Hesus kahit kailan. Subalit, sa kabila nito, wala siyang magawa dahil ito ang kalooban ng Diyos. Ito ang aral na nais ituro sa atin sa araw na ito. Kung ang ating pag-ibig, pananampalataya, pananalig, at pagpanig sa Diyos ay tunay at totoo, hahayaan nating mangyari ang Kanyang naisin. Ang ating mga naisin at lohika ay ating isasantabi, isasakripisyo, at ibabasura pa nga upang makakilos ang Diyos at mangyari ang Kanyang kalooban.
Sinong nagsabing madaling manalig at tumalima sa kalooban ng Panginoon? Ano'ng akala ninyo? Hindi madaling gawin iyan. Mahirap at masakit. Subalit, kung tunay ang pag-ibig, pananalig, pananampalataya, at pagpanig natin sa Diyos, gagawin natin ito, kahit napakasakit at napakahirap ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento