Biyernes, Setyembre 9, 2022

HINDI PAGKUNSINTI SA KATIWALIAN

18 Setyembre 2022 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Amos 8, 4-7/Salmo 112/1 Timoteo 2, 1-8/Lucas 16, 1-13 (o kaya: 16, 10-13) 


Marahil nakakalito ang unang bahagi ng Ebanghelyo para sa Linggong ito. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga tungkol sa isang tusong katiwala. Ang katiwalang ito ay nagpakita ng katahusan noong ipinasiya niyang dayain ang among nagtanggal sa kanya sa pamamagitan ng pagbawas sa mga utang ng mga may utang sa kanya. Katunayan, sabi pa nga ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng talinghaga na pinuri pa nga ng among ito ang pagiging tuso ng katiwalang tinanggal niya. Nilustay ng katiwalang ito ang kanyang kayamanan tapos dinaya niya ito sa pamamagitan ng pagbawas  sa mga utang ng mga may utang sa kanya. 

'Di hamak na mas madaling unawain ang ilan sa mga sinabi ni Hesus sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo. Bagamat mahirap tanggapin at sundin ang mga ito, madali namang unawain kung ano ang ibig sabihin ng mga utos at aral na ito ni Hesus. Ilan sa mga ito ay ang Kanyang utos na gamitin ang kayamanan ng sanlibutang ito upang makipagkaibigan at hindi maaaring paglingkuran nang sabay ang Diyos at ang salapi (Lucas 16, 9. 13). Subalit, mahirap unawain at tanggapin ang tila pagpuri ni Hesus sa tiwali at tusong katiwala sa talinghagang Kanyang isinalaysay sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Bakit naman pupurihin ni Hesus ang isang katiwalang tiwali at tuso? 

Sa unang tingin, mukhang dapat tayong mabahala sapagkat tila pinuri ni Hesus ang katiwalang tuso at tiwali sa talinghagang Siya mismo ang nagsalaysay sa mga tao sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Subalit, wala tayong dapat ikabagabag sapagkat hindi naman pinuri ni Hesus ang pandaraya o pagiging tiwali ng katiwalang ito. Kung ang pagiging tiwali at pandaraya ng katiwalang ito ang pinuri ni Hesus, tataliwas Siya sa mga salita ng Diyos na inihayag ni Propeta Amos sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Amos na labis Niyang kinamumuhian at kinasusuklaman ang lahat ng mga umaapi at umaabuso sa mga taong mahihirap. Labis Siyang nalulungkot at nagagalit sa tuwing nakikita Niya mula sa Kanyang kaharian sa langit ang pananamantala, panlalamang, at pag-abuso sa mga taong nasa laylayan ng lipunan. 

Bakit kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang pang-aabuso at pang-aapi sa mga dukha? Sabi sa Ikalawang Pagbasa na hinahangad ng Diyos na iligtas ang lahat ng tao (1 Timoteo 2, 4). Ang biyaya ng kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo Hesus ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng tao. Ang nais ng Panginoong Diyos ay iligtas ang lahat ng tao at matamasa nila ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. Hindi ekslusibo ang biyayang ito sa iilang tao lamang. Para ito sa tanan. Anuman ang kanilang kalagayan o estado sa lipunan, ipinagkakaloob ng Diyos sa kanila ang Kanyang pagpapala. Kaya naman, wala tayong karapatang abusuhin at apihin ang mga mahihirap. Tandaan, hindi Niya inabuso ang mga dukha kahit kailan dahil mahalaga sila sa Kanyang paningin katulad ng ibang mga tao sa mundo. 

Ano ang punto ng talinghagang isinalaysay ni Hesus sa unang bahagi ng Ebanghelyo para sa Linggong ito? Pinupuri ni Hesus ang pagiging mahusay sa pagbuo ng diskarte o paraan ng mga taong katulad ng katiwala. Ang pagiging abusado at pandaraya ng katiwalang ito ay hindi dapat tularan. Huwag nating limutin na ang katiwalang ito ay tinanggal ng kanyang amo dahil sa kanyang pagiging abusado at tiwali pagdating sa salapi. Subalit, ang sinikap ng katiwalang ito ay makuha ang loob ng lahat ng mga dinaya niya dati nang sa gayon ay mayroon siyang matutuluyan. 

Tandaan, hindi pinuri ni Hesus ang katiwalian ng katiwalang sinibak ng kanyang amo sa Ebanghelyo. Hindi pinahihintulutan ni Hesus ang pagpapairal ng katiwalian, pang-aabuso, pang-aapi, at pandaraya, lalung-lalo na kung ang inaagrabyado ay ang mga dukha. Ang katiwalian ay isang uri ng panlalamang at pananamantala sa mga nasa laylayan ng lipunan. Hindi ito kukunsintihin ni Hesus kailanman. Ang katotohanang ito tungkol sa Panginoon ay hindi magbabago kailanman. Ang Panginoon ay tutol sa pang-aabuso, pang-aapi, pandaraya, at panlalamang sa kapwa, lalung-lalo na sa mga maralita. Noon, ngayon, at magpakailanman, tutol Siya sa katiwalian. 

Kaya naman, dapat nang itigil ang katiwalian, pandaraya, pang-aapi, pang-aabuso, panlalamang, at pananamantala ng kapwa, lalung-lalo na sa mga mahihirap. Dapat nang tumigil ang lahat ng mga tiwali, mandaraya, mapang-api, mapang-abuso, at manamantala ng mga mahihirap sa mga gawaing ito. Dapat na ring tumigil ang mga tagasuporta ng mga tiwali, mandaraya, manamantala, mapang-abuso, at mapang-api sa pagbubulag-bulagan, pagbibingi-bingihan, at pagkunsinti sa mga kasuklam-suklam gawaing ito. Kung hindi sila ititigil at pagsisisihan ang mga kasuklam-suklam na gawaing ito at magbabalik-loob sa Diyos, ang Diyos na mismo ang bahala sa kanila. Marahil makakalusot at makakatakas sila sa mundong ito kung saan ang mga batas ay hindi perpekto dahil maaari nila itong baliin at baguhin ang mga ito, subalit hindi sila makakalusot o makakatakas sa paghuhukom ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento