Biyernes, Setyembre 16, 2022

PAGTINDIG NG MGA BANAL

28 Setyembre 2022 
Paggunita kina San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir 
Sirak 2, 1-18/Salmo 115/1 Pedro 2, 1-25 (Maaaring laktawan)/Mateo 5, 1-12 

Screenshot: "Daily Mass at the Manila Cathedral - September 28, 2020 (7:30 AM)". YouTube

Ang pagdiriwang ng Paggunita kina San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir, ay isang paggunita sa kagitingan ng mga banal. Itinanghal si San Lorenzo Ruiz sa hanay ng mga banal dahil sa kanyang kagitingan para sa Diyos at sa kanyang pag-ibig at pananampalataya para sa Kanya. Sa halip na isuko at talikuran ang Diyos na tunay niyang minahal, pinaligan, at sinampalatayanan nang buong puso at kababaang-loob upang tumagal ang kanyang buhay sa mundo, ipinasiya niyang maging magiting at matapang hanggang sa huling sandali. Ipinasiya niyang tiisin ang pag-uusig at ang kamatayan alang-alang sa Panginoon. Ito rin ay ginawa ng kanyang mga kasama sa harap ng matinding pag-uusig at kamatayan. 

Buong kagitingang isinabuhay ng unang Pilipinong Santo na si San Lorenzo Ruiz ang mga salita sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Ang halaga ng pananalig at tiwala sa Diyos ay pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa. Isinalungguhit ang katotohanang walang pinabayaan o binigo ang Diyos kailanman. Hindi pinabayaan o binigo ng Diyos ang Kanyang mga hinirang na lingkod kailanman. Ang pag-ibig at awa ng Diyos ay nagbibigay ng tulong at inspirasyon sa Kanyang mga lingkod upang manatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. Ang pag-ibig at habag ng Panginoong Diyos ay sapat na upang pukawin ang Kanyang mga hinirang na lingkod na buong kababaang-loob at katapatan Siyang paglingkuran at ibigin hanggang sa huli. 

Nakasentro sa katotohanang ang bawat Kristiyano ay hinirang at itinalaga sa Diyos ang pangaral ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Ang bawat Kristiyano ay hinirang at itinalaga para sa Diyos at hindi para sa mundo. Gumamit rin siya ng mga matitinding halimbawa upang isalungguhit ang halaga ng pagtitiis at ng pananatiling tapat sa Diyos hanggang sa huling sandali ng ating buhay dito sa lupa. Bilang mga Kristiyano, dapat tayong manatiling tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa huli. Sa pamamagitan nito, mapapatunayan nating autentiko ang ating pananalig at pag-ibig sa Diyos. Tunay nga ba nating minamahal, sinasampalatayan, at pinananaligan ang Diyos? Manatili tayong tapat sa Kanya hanggang sa huli. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus sa simula ng Kanyang pangaral sa isang bundok kung sino ang mga mapapalad sa paningin ng Diyos. Sa pamamagitan nito, itinuro ni Hesus kung paanong ipinapakita ng mga itinuturing ng mga mapapalad ang kanilang pag-ibig, katapatan, pananalig, at pananampalataya sa Diyos. Sa pamamagitan nito, inihayag ng mga mapapalad ang kanilang kagitingan para sa Diyos. Tumindig sila na may taos-pusong pag-ibig, katapatan, pananalig, at pananampalataya para sa Diyos. 

Ipinasiya ni San Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong Santo, na tumindig nang buong kagitingan para sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang magiting na pagtindig para sa Diyos, inihayag ni San Lorenzo Ruiz ang kanyang autentikong katapatan, pananalig, pag-ibig at pananampalataya sa Kanya na unang umibig sa Kanya. Iyan ang tunay na kagitingan. Tumitindig para sa kanyang autentikong katapatan, pag-ibig, pananalig, at pananampalataya sa Diyos. Dahil sa kanyang pagtindig para sa Panginoong Diyos, itinanghal at ibinilang sa hanay ng mga banal sa langit ang unang Pilipinong Santo na walang iba kundi si San Lorenzo Ruiz. 

Nakakalungkot isipin na hindi na ito nakikita sa kasalukuyang panahon. Ang Diyos ay ipinagpalit na. Hindi tila ipinagpalit kundi talagang ipinagpalit na Siya. Ano ang mga pumalit sa Kanya? Mga personalidad na itinuturing na mga bathala na walang ibang hangad kundi ang pansariling interes. Ang mga tao ay lantaran nilang nililinlang. Garapal na sila sa kanilang mga kilos. Nililinlang nila ang mga tao, lalung-lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan, sa pamamagitan ng mga matatamis na salita. Kung tutuusin, mayroon pa ngang mga gumagamit ng pera para lamang utuin ang kapwa, lalo na ang mga mahihirap, at kunin ang kanilang suporta. Tapos, ano'ng gagawin? Wala. Iipunin lamang nila ang lahat ng pera at kayamanan para sa kanilang mga sarili at ng kanilang mga kasosyo. Sariling kapakinabangan lamang ang nasa isipan nila. 

May mga mas masaklap pa diyan. Garapalan na nga ang kanilang panlilinlang, pang-uuto, at pang-aapi sa kapwa na binibihisan nila sa anyo ng pagkakawanggawa, may ilan sa mga sumusuporta sa kanila ang nagtatanggol sa kanila. Nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa mga tunay na intensyon. Sa harap ng kanilang lantarang panlilinlang, pang-uuto, at pang-aapi sa kapwa, nagbubulag-bulagan pa rin sila. Kung tutuusin, ang kanilang pagbubulag-bulagan at pagbibingi-bingihan sa pang-aabuso ng mga personalidad na ito ay kanilang binbihisan bilang katapatan sa pamayanan. Hindi iyan pagtindig at kagitingan para sa kabutihan. 

Si San Lorenzo Ruiz ay isang napakagandang halimbawa ng isang tunay na tumindig nang buong kagitingan. Buong kagitingang tumindig si San Lorenzo Ruiz sapagkat ang Diyos ay tunay niyang inibig, sinamba, pinanaligan, at sinampalatayanan nang buong kababaang-loob at katapatan sa Kanya hanggang sa huli. Iyan si San Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong Santo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento