9 Oktubre 2022
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
2 Hari 5, 14-17/Salmo 97/2 Timoteo 2, 8-13/Lucas 17, 11-19
Ang mga salita ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito ay napapanahon sapagkat nagsasalita ito tungkol sa katapatan kay Kristo. Alang-alang kay Kristo Hesus, si Apostol San Pablo ay nagtiis ng maraming hirap, pag-uusig, at pagdurusa, lalung-lalo na ang mga pisikal na pasakit, habang buong sigasig niyang ginampanan ang kanyang ministeryo bilang apostol at misyonero sa mga Hentil. Sabi pa nga ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na iginapos siya ng kanyang mga kaaway dahil kay Kristo Hesus. Ang lahat ng mga paghihirap at pag-uusig na kanyang tiniis ay kanyang inialay kay Kristo. Kaya naman, patuloy niyang ginampanan nang buong sigasig at katapatan ang kanyang misyon, kahit na nakabilanggo siya noon.
Bakit ipinasiya ng mga banal katulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ihandog pa rin sa Panginoon ang kanilang mga sarili? Bakit pinili pa rin nilang maging tapat sa Panginoon sa kabila ng mga hirap, pag-uusig, at pagdurusang kanilang tiniis habang pinaglilingkuran nila Siya sa pamamagitan ng pagtupad sa mga tungkulin at misyong bigay Niya sa kanila? Ang Unang Pagbasa, Salmong Tugunan, at Ebanghelyo para sa Linggong ito ay nagbigay ng ilang mga halimbawa kung bakit.
Isinalaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito ang ilan sa mga kahanga-hangang gawa ng Panginoon. Sa Unang Pagbasa, ang ketonging taga-Siria na si Naaman ay pinagaling ng Panginoong Diyos na sumunod sa utos ng Kanyang lingkod na si Propeta Eliseo na pitong ulit na ilubog ang kanyang sarili sa Ilog Jordan. Bilang pagtanaw ng utang na loob at pagkilala sa Panginoong Diyos na nagpagaling sa kanya, ipinangako ni Naaman sa wakas ng Unang Pagbasa na wala siyang ibang diyos na sasambahin maliban sa Panginoong Diyos (2 Hari 5, 17). Ang Panginoon ay ang tanging Diyos na kanyang sasambahin at hahandugan. Tanging Siya lamang.
Sampung ketongin ang pinagaling ng Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Subalit, isa lamang sa sampung ketonging ito, isang Samaritano, ang bumalik sa Kanya upang magpasalamat. Pinasalamatan at kinilala ng Samaritanong ito na ang tanging nagpagaling sa kanya mula sa kanyang karamdaman ay walang iba kundi si Hesus. Pinasalamatan niya si Hesus dahil si Hesus mismo ang nagpalaya sa kanya mula sa kanyang kalagayan bilang isang ketonging itinaboy ng lipunan noon. Dahil pinagaling siya ni Hesus, malaya na niyang makakasalamuha ang kapwa.
Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag" (Salmo 97, 2b). Ang mga kaganapang isinalaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito ay ilan lamang sa mga pasilip ng Diyos sa Kanyang pinakadakilang gawa. Iniligtas Niya ang lahat ng tao sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Ito ang dahilan kung bakit ang lahat ng mga banal sa langit katulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay nagpasiyang maging tapat sa Panginoong Diyos sa kabila ng mga paghihirap, pag-uusig, at pagdurusa habang buong katapatan nilang tinutupad ang misyong bigay sa kanila. Sapat na ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos.
Nakakalungkot na mas pipiliin ng maraming tao ngayon na ibigay ang kanilang mga sarili nang buong katapatan sa mga masisikat na personalidad. Kung maka-samba sa mga personalidad na ito, wagas. Nagiging mga diyos ang mga ito, kahit na mga tao lamang sila. Mas halata ito sa mundo ng pulitika. Ang mga pulitikong ito ay hinding-hindi nagkakamali sa kanilang mga paningin. Kahit napakalinaw naman na mali ang ginawa ng mga pulitikang ito, ipagtatanggol pa nila sila. Kahit na garapalan at harap-harapan ang kanilang panlilinlang at pang-aabuso, ipagtatanggol pa rin nila sila. Ang kanilang pasiya ay magbingi-bingihan at magbulag-bulagan sa mga pang-aabuso at panlilinlang dahil ibinenta nila ang kanilang mga sarili sa mga personalidad na ito.
Kanino nating ihahandog ang buo nating sarili? Kanino nating ibibigay ang ating puso at ang ating katapatan? Sa Panginoong Diyos na nagpatunay ng Kanyang katapatan nang paulit-ulit? Sana sa Panginoong Diyos nating ihandog ang ating mga sarili nang buong puso at nang buong katapatan dahil tunay Siyang maaasahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento