25 Setyembre 2022
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Amos 6, 1a. 4-7/Salmo 145/1 Timoteo 6, 11-16/Lucas 16, 19-31
Delia E. Holden and L. E. Holden Funds, Lazarus and the Rich Man [Painting by Jacopo Bassano, c. 16th century], Cleveland Museum of Art Collection, is licensed under CC0 1.0 Universal (CC0 1.0).
Kapag nalaman ng marami na sa Diyos mismo nanggaling ang mga salitang ito, tiyak na maraming hindi maniniwala. Talagang hindi kapani-paniwala ang katotohanang sa Panginoong Diyos mismo nagmula ang mga salitang ito dahil sanay na sanay na sila sa Kanyang larawan bilang taghatid at bukal ng tunay na kaligayahan at kagalakang walang hanggan. Mayroon ring ilang magsasabing KJ ang Panginoong Diyos dahil tila tinututulan at pinagbubulan Niya ang tao na maging masaya sa buhay na ito. Kahit batid nilang pansamantala lamang ang buhay dito sa mundo, hangad naman natin na makaranas ng kaligayahan. Wala naman sigurong nagnanais na maging malungkot habang namumuhay sa mundo, hindi ba? Iyon lamang, mukhang pinagbabawalan ng Diyos ang bawat isa sa atin na makaranas ng kaligayahan at kaginhawaan habang ang bawat isa sa atin ay namumuhay at naglalakbay nang pansamantala sa mundo.
Ang mga salitang binigkas ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Amos sa Unang Pagbasa ay hindi dapat basahin at unawain bilang isang uri ng pagbabawal sa pagkakaroon ng kaligayahan at kaginhawaan sa buhay. Ang bawat isa sa atin ay hindi namang pinagbabawalan ng Panginoon na magkaroon ng kasiyahan at kaginhawaan habang namumuhay tayo nang pansamantala sa mundong ito. Iyon nga lamang, ang bawat isa sa atin ay ipinagbabawal ng Panginoon na maging gahaman. Hindi natin maaaring solohin at sarilinin ang kaligayahan at kaginhawaan sa mundong ito. Ang oportunidad ng kapwa, lalung-lalo na ng mga mahihirap, na makaranas ng kahit kaunting kaligayahan at kaginhawaan sa mundong ito ay hindi natin dapat ipagkait at ipagdamot sa kanila sapagkat isa na iyang kasalanan sa paningin ng Diyos. Bakit? Sinasamantala natin ang kapwa sa pamamagitan niyon.
Inilarawan ito ng Diyos sa ikatlong kabanata ng aklat ni Propeta Amos. Maliwanag na sinabi ng Panginoong Diyos na ang bayang Israel ay Kanyang parurusahan dahil sa kanilang mga kasalanan laban sa Kanya (3, 2). Ginamit ng mga Israelita ang bawat pagkakataong ibinigay ng Panginoon na makaranas ng pansamantalang kaligayahan at kaginhawaan sa daigdig upang magkasala. Nagpaalipin sila sa kasalanan. Dahil dito, ipinagkait nila ang pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa lahat na makaranas ng ginhawa at saya sa kanilang kapwa, lalung-lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan. Hindi nga magpakailanman ang buhay sa mundo, ipagdadamot pa nila ang kapwa na makaranas ng kahit kaunting saya at ginhawa sa mundo.
Muling pinagtuunan ng pansin ni Hesus ang mensaheng ito sa talinghagang Kanyang isinalaysay sa Ebanghelyo. Pagkamatay ng mayamang lalaki sa talinghaga ni Hesus, napunta siya sa Hades dahil sa kanyang mga kasalanan. Ano naman ang kasalanang ginawa ng lalaking ito? Ang aliping si Lazaro na kapiling na ni Abraham sa Paraiso ay hindi naman niya sinaktan o inagrabyado habang namumuhay siya sa mundo. Bakit siya napunta sa Hades? Hindi nga inagrabyado o sinaktan ng lalaking ito sa anumang pisikal na pamamaraan si Lazaro. Subalit, ipinagkait naman ng lalaking ito mula kay Lazaro ang pagkakataong makaranas ng ginhawa at saya noong namumuhay pa sila dito sa mundo. Araw-araw ngang naglilimos ang pulubing si Lazaro sa pintuan ng kanyang bahay, hindi niya pinansin. Ang lalaking ito na napakayaman ay namuhay na walang pakialam para sa pulubing si Lazaro noong namumuhay pa siya sa mundo.
Kaya naman, ang sabi ni Apostol San Pablo kay San Timoteo sa Ikalawang Pagbasa na bilang isang lingkod ng Diyos, dapat siyang "mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis, at kaamuan" (1 Timoteo 6, 11). Ito rin ang dapat nating gawin bilang mga Kristiyano. Ang mga Kristiyanong tapat ay namumuhay sa pag-ibig, pananalig, pagtitiis, katuwiran, kabanalan, at kaamuan. Ang mga Kristiyanong tapat sa Panginoong Diyos ay hindi nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa mga pagdurusa ng kapwa, lalo na ng mga nasa laylayan ng lipunan. Ihahayag nila ang kanilang katapatan sa Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagpapakita ng habag at pag-ibig sa kanilang kapwa, lalung-lalo na sa mga maralita. Magiging karamay sila. Ibinabahagi nila ang habag at pag-ibig ng Diyos na nagkaloob ng pagkakataon sa bawat isa na makaranas ng kaunting ginhawa at saya sa mundo sa pamamagitan ng pagdamay, pagtulong, at pakikiisa. Hindi sila magiging sakim sa mga oportunidad na ito na isang biyaya mula sa Diyos at mamumuhay nang walang pakialam dahil alam nilang nagpapaalipin na sila sa mundo kapag ginawa nila iyon.
Tandaan, ang Diyos ay hindi KJ. Bagkus, ipinapaalala Niya sa atin kung ano ang hindi natin dapat gawin. Hindi tayo dapat magpaalipin sa mundong ito. Hindi natin dapat hayaang maghari ang kasakiman sa ating mga puso at isipan. Kapag ginawa natin iyon, pinahihintulutan lamang nating lumaganap ang lahat ng uri ng pananamantala, panlalamang, at pag-abuso sa kapwa, lalung-lalo na sa mga mahihirap, katulad na lamang ng katiwalian at pagnanakaw. Kapag nangyari iyon, magiging manhid tayo at mamumuhay nang walang pakialam sa Diyos at kapwa. Kung iisipin nating iyan ang kaligayahan at kaginhawaan, nagkakamali tayo dahil hindi iyan ang tingin ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento