Sabado, Agosto 27, 2022

"PUSPOS NG PAG-IBIG AT LIPOS NG HABAG"

11 Setyembre 2022 
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Exodo 32, 7-11. 13-14/Salmo 50/1 Timoteo 1, 12-17/Lucas 15, 1-37 (o kaya: 15, 1-10) 


"Ang Panginoon ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag. Banayad magalit, ang pag-ibig Niya'y hindi kumukupas" (Salmo 145, 8). Ito ang aral nais pagtuunan ng pansin at pagnilayan ng Simbahan sa Linggong ito. Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nagsisilbing pahiwatig nito. Bagamat ang misteryo ng Awa at Habag ng Panginoong Diyos ay maraming ulit na'ng binigyan ng pansin at pinagnilayan ng Simbahan, hindi tumitigil sa pagninilay sa misteryong ito ang Simbahan. Lagi tayong inaanyayahan ng Simbahan na muling maakit at mamulat sa Awa at Habag ng Diyos sa tuwing ang misteryong ito ay pinagtutuunan ng pansin at pinagninilayan. 

Sa unang bahagi ng Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagalit sa mga Israelita. Nagselos ang Diyos dahil ipinagpalit Siya ng mga Israelita sa isang guyang gawa sa ginto. Dahil dito, binalak Niya silang lipulin at iligtas lamang si Moises. Ang kasalanang ginawa ng mga Israelita laban sa Diyos. Ang Diyos ay ipinagpalit sa isang gintong guya (Exodo 32, 8. 10). Subalit, hindi Niya itinuloy ang paglipol sa mga Israelita dahil si Moises ay nanalangin para sa kanila at sa kanilang kaligtasan (Exodo 32, 11. 14). Sa kanyang panalangin sa Diyos, buong kababaang-loob na isinamo ni Moises sa Panginoon na kahabagan at patawarin ang mga Israelitang nagkasala laban sa Kanya sa ilang. Ang samo ni Moises alang-alang sa mga Israelita sa ilang sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa para sa Linggong ito ay dininggin at pinagbigyan ng Diyos. Sa pamamagitan nito, binigyan Niya ng pagkakataong maging tapat sa Kanya muli ang mga Israelita. 

Iyan ang habag at awa ng Panginoon. Kahit nagalit at nasaktan dahil sa kasalanan, hindi Niya lilipulin ang mga nagkasala laban sa Kanya kung mananalangin sila nang may kababaang-loob. Kung buong kababaang-loob silang hihingi ng kapatawaran at awa mula sa Kanya, hindi Niya ito ipagdadamot o ipagkakait sa kanila. Bagkus, lagi Siyang handang ipakita sa mga taos-pusong magsisisi't magbabalik-loob sa Kanya. 

Nakasentro sa misteryo ng habag at awa ng Diyos ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, nagpatotoo siya tungkol sa kanyang pagbabagong-buhay at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang habag at awa ng Diyos ay ang dahilan kung bakit siya naging isang misyonerong ibinilanggo dahil kay Kristo mula sa pagiging isang dating tagausig ng mga sinaunang Kristiyano. Binago ng habag at awa ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ni Kristo Hesus ang isang dating tagausig ng mga sinaunang Kristiyano na si Apostol San Pablo. Kung paanong iniligtas ng habag at awa ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong si Kristo Hesus ang sangkatauhan, iniligtas rin ng habag at awa ng Diyos si Apostol San Pablo. 

Sa Mahabang Pagbasa ng Ebanghelyo, tatlong talinghaga ang isinalaysay ni Hesus upang isalungguhit ang pagiging maawain at mahabagin ng Diyos. Iyon ang tema ng tatlong talinghagang isinalaysay ni Hesus. Katunayan, maaari nating sabihing ang Diyos ay nagpakilala mismo sa lahat sa pamamagitan ng tatlong talinghagang ito. Sa pamamagitan ng tatlong talinghagang ito, ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili. Si Hesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao na dumating sa mundo upang maghatid ng kaligtasan sa lahat ng mga makasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay, ang lahat ng mga makasalanan ay binigyan Niya ng pagkakataong bumalik sa Diyos at humingi ng habag at awa sa Kanya. Dahil dito, mayroon na silang daang pabalik sa Diyos. 

Ang Panginoon ay tunay ngang maawain at mahabagin. Hindi Niya ipagkakait sa mga makasalanang magsisisi at magbabalik-loob sa Kanya nang taos-puso ang Kanyang habag at awa. Ikinatutuwa pa nga Niya ito sapagkat labag sa Kanyang kalooban ang kapahamakan ng tao. Nais Niya silang iligtas. Subalit, nasa tao pa rin ang pasiya kung tatanggapin nila nang buong puso ang Kanyang habag at awa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento