Biyernes, Agosto 26, 2022

ANG PINAGINDAPAT NG DIYOS

8 Setyembre 2022 
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria
Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23) 


Bagamat tahimik ang Banal na Kasulatan tungkol sa kaganapang ito, ang Pagsilang ng Mahal na Birhen ay isang napakahalagang sandali sa kasaysayan ng pagligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang sandaling ito ay isang hudyat na matutuloy ang plano ng Diyos. Siyam na buwan matapos Niyang iligtas si Mariang nasa loob ng sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana mula sa bahid ng kasalanan, isinilang ang babaeng Kanyang hinirang upang maging Bagong Kaban ng Tipan. Ito ang dahilan kung bakit isang napakahalagang kaganapan sa kasaysayan ng pagligtas ng Diyos sa atin ang Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria. 

Ang misyon ng Mahal na Birheng Maria, na ibinigay sa kanya ng Diyos, ay ang tanging dahilan kung bakit ang araw ng kanyang pagsilang sa mundo ay napakahalaga. Nang isilang si Maria sa mundo, nahayag ang plano ng Diyos. Hindi isang pangkaraniwang sanggol na babae ang isinilang ni Santa Ana. Ang sanggol na babae na ito ay ang Ina ng Mesiyas. Noong sumapit ang takdang panahon, tinanggap ng Mahal na Birheng Maria nang buong kababaang-loob ang misyong inilaan sa kanya ng Diyos sa simula pa lamang (Genesis 3, 14-15; Lucas 1, 38). 

Kaya naman, ang Ebanghelyo para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ay tungkol sa talaan ng angkang pinagmulan ni Hesus at ang panaginip ni San Jose kung saan ang pagsilang ng ipinangakong Mesiyas ay nahayag. Ipinaliwanag ng anghel sa panaginip ni San Jose ang dahilan kung bakit napakaespesyal si Maria. Isinalungguhit ng anghel ang pagkahirang at pagtalaga ng Diyos kay Maria bilang Ina ni Kristo. Ang ipinangakong Mesiyas ay dinadala ng Birheng Maria sa kanyang sinapupunan at ang Banal na Sanggol na ito ay kanyang iluluwal matapos ang siyam na buwan. 

Sa pamamagitan nito, natupad ang pangako sa Unang Pagbasa. Sabi sa simula ng pahayag ng Diyos na inilahad ni Propetang si Mikas sa Unang Pagbasa: "Betlehem Efrata, bagamat pinakamaliit ka sa mga angkan ni Juda ay sa iyo magmumula ang isang maghahari sa Israel. Ang [Kanyang] pinagmula'y buhat pa nang una, mula pa noong unang panahon" (Mikas 5, 1). Natupad ang pangakong ito sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan. 

Niloob ng Diyos na si Maria mismo ang maging Ina ni Kristo. Dahil dito, iniligtas Niya mula sa bahid ng kasalanan si Maria bago pa siya isilang sa mundo. Sabi ni Apostol San Pablo sa wakas ng alternatibong Unang Pagbasa para sa araw na ito: "Ang mga tinawag Niya ay Kanya ring pinawalang-sala, at ang Kanyang mga pinawalang-sala ay Kanya namang binigyan ng karangalan" (Roma 8, 30). Katunayan, isang kakaibang uri ng karangalan ang ibinigay ng Diyos kay Maria. Iniligtas ng Diyos si Maria mula sa bahid ng kasalanan bago siya isilang sa lupa upang maging marapat siyang dalhin sa kanyang sinapupunan ang ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Iyan ang bukod tanging dahilan kung bakit naging napakespesyal ang Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria. Isinilang ang babaeng pinagindapat ng Diyos na maging Ina ng Mesiyas. 

Ipinapaalala sa atin ng Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria na may saysay ang ating buhay dahil sa misyong ibinigay sa atin ng Diyos. Mayroon tayong misyon. Tatanggapin at susundin ba natin ang misyong ibinigay sa atin ng Panginoon nang buong kababaang-loob, katulad ng Mahal na Ina? Niloob ng Panginoon na bigyan tayo ng misyon. Kahit hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating mga kasalanan, dinalisay at pinagindapat tayo ng Diyos at patuloy Niya itong gagawin para sa atin upang lalo pa natin Siyang bigyan ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagtupad sa ating misyon na Kanyang bigay sa atin. Katulad ng ating Mahal na Inang si Maria, tatanggapin at susundin ba natin ang Kanyang kalooban nang may kababaang-loob? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento