4 Setyembre 2022
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Karunungan 9, 13-18b/Salmo 89/Filemon 9b-10. 12-17/Lucas 14, 25-33
"Sinong tao ang makatatarok ng kaisipan ng Diyos? Sino ang nakaaalam sa kalooban ng Panginoon?" (Karunungan 9, 13). Dalawang retorikal na tanong ang nagsimula sa pangaral sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Isa lamang ang puntong binibigyang-diin ng dalawang retorikal na tanong na ito sa simula ng Unang Pagbasa: ang kalooban ng Diyos ay hindi matatarok ng sinumang tao dito sa mundo. Walang kakayahan ang tao na unawain nang buong-buo ang kalooban ng Panginoong Diyos. Maraming limitasyon ang isip ng tao upang maunawaan ang kalooban ng Diyos. Dahil dito, labis na mahihirapan ang tao na unawain ang kalooban ng Diyos nang buong-buo. Ang isip at lohika ng Diyos ay sobrang lalim at dakila para sa isip ng tao.
Ito ang puntong nais bigyan ng pansin ni Hesus sa Kanyang pangaral sa Ebanghelyo noong sinabi Niyang: "Hindi maaaring maging alagad Ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa Akin" (Lucas 14, 26). Ito ang kalooban ng Diyos. Ito ang isip at lohika ng Diyos. Unahin natin Siya. Ang Diyos ay dapat nating gawing pangunahing prioridad sa ating buhay. Ang ating mga pamilya, kapwa, bayan, at maging ang ating sarili ay dapat rin nating ibigin, subalit hindi dapat mahigitan ng ating pag-ibig para sa bayan, pamilya, kapwa, at sarili ang ating pag-ibig sa Diyos. Walang dapat pumalit sa Diyos sa sentro ng ating buhay.
Dagdag pa ni Hesus sa Kanyang pangaral sa mga tao sa Ebanghelyo: "Hindi maaaring maging alagad Ko ang sinumang hindi magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa Akin" (Lucas 14, 27). Ito ang kalooban ng Diyos na sumasalamin sa Kanyang isip at lohika. Kung nais nating maging tagasunod ng Panginoong Hesus na buong puso't katapatang umiibig sa Kanya, dapat nating sundin ang Kanyang kalooban. Bagamat taliwas ito sa kalooban natin na sumasalamin sa ating isip at lohika, dapat natin itong sundin. Mahirap unawain ang ipinapagawa sa atin ni Hesus kung gagamitin natin ang isip at lohika ng tao. Bakit ba nating tatahakin ang landas ng Panginoon kung marami namang hirap at sakit ang ating titiisin? Anong uri ng pag-iisip at lohikang ito? Ito ang pag-iisip at lohika ng Diyos.
Ang puntong ito ay isinalamin ni Apostol San Pablo sa kanyang pakiusap kay Filemon sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito. Nakiusap siya kay Filemon na tanggapin muli si Onesimo, hindi na bilang alipin kundi bilang kapatid kay Kristo (10. 16-17). Sa totoo lamang, mahirap itong gawin para kay Filemon. Subalit, iyan ang kalooban ng Diyos na ipinangaral ni Apostol San Pablo kay Filemon.
Hindi rin naging madali para kay Apostol San Pablo ang pagsunod sa kalooban ng Diyos na taliwas sa isipan ng tao. Sabi nga niya na nakabilanggo siya dahil kay Kristo (Filemon 9b). Mahirap talagang unawain ang kalooban ng Panginoong Diyos, lalung-lalo na kung ang gagamitin natin ay ang pag-iisip at lohika ng tao upang saliksikin at unawain ito. Ang tangi nating magagawa bilang mga mananampalataya ay manalig at sumunod sa kalooban ng Diyos.
Mahirap talagang unawain ang kalooban ng Diyos. Masyado itong malalim para sa atin. Subalit, kung ang Diyos ay tunay nating iniibig at sinasamba, buong pananalig nating tatanggapin at susundin ang Kanyang kalooban.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento