Huwebes, Agosto 18, 2022

ANG TANGING MAKAPAGLILIGTAS SA ATIN

21 Agosto 2022 
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 66, 18-21/Salmo 116/Hebreo 12, 5-7. 11-13/Lucas 13, 22-30 

"Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?" (Lucas 13, 23). Ito ang tanong ng isa sa mga tagapakinig ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang tinanong ng taong ito ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos na nagpahayag sa Unang Pagbasa na darating Siya upang ang lahat ng bansa sa mundo ay Kanyang titipunan. Sa pamamagitan nito, makikilala Siya bilang Diyos na nakakabatid sa lahat ng mga iniisip ng tao at naghahatid sa kanila ng kaligtasan at kaparusahan (Isaias 66, 18-19). Si Hesus ay ang Diyos na dumating sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay, at muling darating sa wakas ng panahon bilang Hukom ng lahat. 

Sa halip na sagutin ang tanong ng Kanyang tagapakinig tungkol sa bilang ng mga taong maliligtas, inilarawan ng Panginoong Hesus kung ANO ang dapat gawin ng bawat tao upang mapabilang sa mga iniligtas ng Diyos. Para sa Panginoong Hesus, hindi na mahalaga para sa atin na malaman kung ILAN ang mga maliligtas. Bagkus, ang dapat nating isipin ay kung paano tayo mapapabilang sa mga iniligtas sa wakas ng panahon. Nais talaga ni Hesus na iligtas ang lahat. Iyan naman talaga ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang mamatay sa krus at mabuhay na mag-uli pagsapit ng ikatlong araw. Subalit, alam rin ni Hesus na mayroong magmamatigas pa rin at ang kaligtasang hatid ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay ay hindi nila tatanggapin. Dahil dito, sinabi ni Hesus na dapat magsumikap ang lahat na pumasok sa pintuang makipot (Lucas 13, 24). 

Inilarawan rin ng Panginoon kung ano ang sasapitin ng mga hindi magsusumikap na pasukin ang makipot na pintuang Kanyang inilarawan. Ang mga taong ito ay hindi makakapasok sa Kanyang kaharian sa langit. Bagkus, tatangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin (Lucas 13, 25-28). Kahit magmakaawa pa sila kay Hesus, hindi sila papapasukin. Inaksaya nila ang kanilang buhay sa mundo upang pakinggan at sundin ang mga turo ni Hesus. Subalit, kung kailan tapos na ang kanilang buhay, saka pa lamang sila magmamakaawa kay Kristo. Hindi sila nagsikap na pumasok sa makipot na pintuan noong nabuhay sila sa mundo, kahit sa pinakahuling sandali ng kanilang buhay. Kaya naman, hindi sila makakapasok sa kaharian ng Diyos sa langit, ilang ulit man silang magmakaawa at sumamo sa Kanya. 

Paano nga ba tayo makakapasok sa makipot na pintuang inilarawan ni Hesus? Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo na ito ang Kanyang sasabihin sa mga hindi makakapasok sa Kanyang kaharian sa langit sa wakas ng panahon: "'Lumayo kayo sa Akin, kayong lahat na nagsisigawa ng masama!'" (Lucas 13, 27). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan ni Hesus na dapat nating sundin ang kalooban ng Diyos. Hindi sasapat ang pakikinig lamang. Ang kalooban ng Panginoon ay dapat nating tuparin at sundin, gaano man ito kahirap gawin. Hayaan nating maghari ang Panginoon sa ating buhay. 

Kaya naman, ang Simbahan ay nagpapatuloy sa kanyang misyon ng Ebanghelisasyon sa kasalukuyan. Hindi tumigil ang Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, gaano man ito kahirap. Patuloy na ginagawa ng Simbahan ang nasasaad sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. Sa pamamagitan ng misyon ng Ebanghelisasyon na hindi tinigilan ng Simbahan kailanman, ang Panginoong Diyos ay kumikilos mula sa langit. Itinutuwid tayo ng Diyos, gaya ng inilalarawan sa Ikalawang Pagbasa. Nais ng Panginoong Diyos na tuwirin at dalisayin tayo upang maging karapat-dapat tayong makapasok sa Kanyang kaharian sa langit. Iyan ang nais ng Diyos para sa atin. 

Nais man ng Diyos na iligtas tayong lahat, hindi Niya ito magagawa kung hindi ito loloobin natin. Kaya naman, araw-araw tayong tinatanong kung tatalima tayo sa kalooban ng Diyos nang kusang-loob at may kababaang-loob. Ano ang ating pasiya? Tandaan, ang Diyos lamang ay ang tanging makakapagligtas sa atin. Sa Kanya tayo dapat umasa at sumunod kung nais tayong maligtas. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento