Sabado, Hulyo 9, 2022

PIPILIIN BA NATIN ANG LANGIT?

15 Agosto 2022 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56 


Inilaan ang Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria para sa pagninilay tungkol sa katotohanan ng langit. Sa wakas ng kanyang buhay sa mundo, ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birheng Maria ay iniakyat ng Diyos sa langit. Hindi pinahintulutan ng Diyos na maagnas ang katawan ng Mahal na Ina sa huling sandali ng kanyang buhay sa lupa. Kung paano Niya iniligtas si Maria mula sa bahid ng kasalanan sa sandali ng paglilihi sa kanya sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana, muli Niyang iniligtas si Maria sa pamamagitan ng pag-akyat sa kanyang katawan at kaluluwa sa langit. Sa pamamagitan nito, pinatunayan ng Diyos na hindi guni-guni o kathang-isip ang langit. Ang langit ay tunay at totoo. 

Hindi lamang ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ang binigyan ng ganitong uri ng karangalan mula sa Diyos. Dalawang panauhin sa Lumang Tipan ay iniligtas ng Diyos mula sa pagkaagnas sa huling sandali ng kanilang buhay sa mundo. Una, si Enoc. Sa huling sandali ng kanyang buhay sa lupa, kinuha ng Diyos ang katawan at kaluluwa ni Enoc (Genesis 5, 22-24). Pangalawa, si Propeta Elias. Sa wakas ng kanyang buhay sa lupa, ang katawan at kaluluwa ni Propeta Elias ay iniakyat ng Panginoon sa langit sa pamamagitan ng "isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy" (2 Hari 2, 11). Kung ang dalawang panauhing ito sa Lumang Tipan ay binigyan ng pagkakataon upang maranasan ang kapangyarihan ng Diyos sa wakas ng kanilang buhay sa lupa, gaano pa kaya ang Ina ng Diyos? Ang pagkakataong ito ay hindi ipinagkait kay Maria dahil siya mismo ang Ina ng Diyos. Hindi pinahintulutan ng Diyos na maagnas sa lupa ang katawan ng Birheng Maria dahil ito ang naging tahanan ng Diyos Anak siyam na buwan bago Siya isilang sa mundo. 

Ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria ay isang kahanga-hangang gawa ng Diyos. Sa pamamagitan ng himalang ito, muling ipinamalas ng Panginoong Diyos ang Kanyang kapangyarihan. Walang kapangyarihan si Maria upang iakyat ang kanyang sariling katawan at kaluluwa sa langit dahil isang tao lamang siya. Subalit, niloob ng Diyos na maranasan muli ni Maria sa wakas ng kanyang buhay sa mundong ito ang kapangyarihan ng Kanyang pagliligtas. Dahil dito, ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birhen ay iniakyat ng Diyos sa langit. Sa langit, nakapiling muli ni Maria ang tunay na Haring walang hanggan na walang iba kundi ang minamahal niyang Anak na si Kristo Hesus. 

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Kapistahang ito ang pagliligtas ng Diyos. Marapat lamang pagtuunan natin ang ating pansin sa pagliligtas ng Diyos sapagkat ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Inang si Mariang Birhen ay tunay ngang isang kahanga-hangang gawa ng pagliligtas. Sa pangitain ni San Juan sa Unang Pagbasa, iniligtas ng Diyos ang Babae at ang kanyang Anak mula sa pulang dragon. Si Apostol San Pablo naman ay nangaral tungkol sa tagumpay ni Kristo laban sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, ang biyaya ng kaligtasan at buhay na walang hanggan ay ipinagkaloob Niya sa lahat. Sa Ebanghelyo, pinatotohanan ni Maria sa kanyang kantikulo ang pagliligtas ng Diyos sa mga abang tulad Niya. Itinataas ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga abang alipin at ibinabagsak ang mga palalo at mayayabang. Ang Mahal na Birheng Maria mismo ang patunay nito. Mula sa pamumuhay nang payak bilang isang dalaga sa isang bayan sa Galilea na nagngangalang Nazaret, itinampok at itinaas ng Diyos ang Birheng Maria upang maging Ina ng Anak ng Diyos na si Hesus, ang ipinangakong Tagapagligtas. Sa wakas ng buhay ni Maria sa lupa, iniakyat siya ng kapangyarihan ng Diyos sa langit. 

Sa araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa maringal at masayang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria, mayroong tanong para sa atin ang Simbahan. Ang langit ay tunay. Subalit, tunay nga ba nating pipiliin ang langit? Kung langit ang ating pipiliin, sigurado ba tayong galing sa puso ang ating pagpili sa langit? Nakakalungkot subalit may ilang magsasabing langit ang kanilang pipiliin, ngunit galing naman sa ilong ang kanilang sagot. Pipiliin raw nila ang langit, subalit papanigan naman nila ang mga kilalang magnanakaw, sinungaling, at mamamatay-tao. Kapag nasangkot naman sa anumang anomalya katulad na lamang ng katiwalian ang mga taong sinusuportahan nila, kusang-loob silang magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan dahil para sa kanila, ang mga sinusuportahan nila ay hindi nagkakamali kailanman. Ang kanilang mga sinusuportahan ay perpekto. Parang ginagawa nilang mga diyos ang kanilang sinusuportahan. Tapos, linggo-linggo pa sila magsisimba? Hindi ba sila nahihiya nang kahit kaunti man lamang? Saan nga ba sila kumuha ng ganitong uri ng kakapalan ng mukha? Pambihira naman. 

Muling ipinapaalala sa atin sa araw na ito na tunay ang langit. Makakapiling natin sa langit ang Panginoong Hesukristo at ang Mahal na Birheng Maria, ang tunay na Hari at Reyna. Ang tanong: buong puso ba nating pipiliin ang langit? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento