Biyernes, Hulyo 8, 2022

TUNAY NA PAGPANIG KAY HESUS

14 Agosto 2022 
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Jeremias 38, 4-6. 8-10/Salmo 39/Hebreo 12, 1-4/Lucas 12, 49-53 


Napapanahon ang mga Pagbasa para sa Misa sa Linggong ito. Sa unang dinig, hindi halatang napapanahon ito. Tiyak na iisipin ng marami na wala namang ugnayan ang lipunan at kultura sa kasalukuyang panahon sa mga nasusulat sa mga Pagbasa para sa Linggong ito dahil inilalarawan sa mga talatang ito ay ang lipunan at kultura noong unang panahon. Gaya ng sinasabi ng marami: "Nineteen kopong-kopong pa iyan!" 

Subalit, lingid sa kaalaman ng marami, kahit matagal na panahon ang lumipas mula noong inihayag ang mga salitang nasasaad sa mga Pagbasa, ang saysay ng mga ito ay hindi nawawala o kumukupas. Katunayan, kung magmamasid tayo sa kapaligiran, mapagtatanto nating nangyayari pa rin ang mga inilarawan sa mga Pagbasa para sa Linggong ito. Kung ipapasiya pa rin nating magbulag-bulagan at magbingi-bingihan, hindi natin mauunawaan ang ugnayan ng mga salitang ito sa kasalukuyan, kahit ilang ulit pa natin itong basahin o pakinggan. 

Inilahad sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ang masasamang balak ng mga kaaway ni Propeta Jeremias. Si Propeta Jeremias ay binalak ipapatay ng mga pinuno ng lungsod na pinahintulutan naman ni Haring Sedequias. Katunayan, sa ibang mga salin ng mga talatang ito, ang mga pinunong ito ay mga prinsipe. Si Propeta Jeremias ay binalak nilang ipapapatay sapagkat inihayag niyang mamamatay sa labanan o sa matinding gutom ang mga mananatili sa Herusalem habang ang mga susuko sa mga taga-Babilonia naman ay maliligtas, gaya ng ipinasabi sa kanya ng Panginoong Diyos (Jeremias 38, 2). Dahil dito, nagalit ang mga prinsipe, kaya inihugos nila siya sa isang balong puno ng barak (Jeremias 38, 6). 

Ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ay nagsalita tungkol sa pagtitiis ng hirap at sakit alang-alang kay Kristo Hesus (12, 2). Si Kristo ang magiging dahilan ng mga pag-uusig sa lipunan. Ang mga nananalig at sumusunod sa Panginoong Hesukristo nang buong katapatan ay dadanas ng pagtatakwil at pag-uusig mula sa marami. Isa lamang ang dahilan nito - hindi Siya tinatanggap ng marami, lalung-lalo na ng ilang mga Katoliko. Mayroong mga Katolikong nagdarasal at relihiyoso, nagsisimba, subalit hindi naninindigan para sa mga turo ni Kristo. Mas tapat sila sa mga mamamatay-tao, magnanakaw, at manlilinlang. Katunayan, sa halip na si Kristo Hesus ang maging kanilang Diyos at Panginoon, ang mga mga tiwali, mapagsamantala, sinungaling, at walang awang kumikitil ng buhay ng mga inosente ay itinuturing nilang mga diyos-diyosan. Ang mga taong ito ay buong puso at sigasig nilang ipagtatanggol, bagamat garapalan nilang pinapairal ang katiwalian at kawalan ng katarungan sa lipunan. 

Nakasentro sa paksang ito ang pangaral ni Hesus sa Ebanghelyo. Sabi ni Hesus na hindi Siya dumating sa mundo upang maghatid ng kapayapaan kundi ng pagkabaha-bahagi (Lucas 12, 51). Isa itong kabalintunaan sapagkat isa sa Kanyang mga titulo ay Prinsipe ng Kapayapaan (Isaias 9, 6). Subalit, Siya na rin mismo ang nagsabing hindi kapayapaan kundi pagkabaha-bahagi ang Kanyang hatid. Tandaan, sinabi rin Niya sa mga apostol bago Siya mamatay sa krus na Siya muna ang kinapootan ng sanlibutan (Juan 15, 18). Isa lamang ang ibig sabihin nito: mismong si Hesus ang dahilan kung bakit patuloy na inuusig ang Simbahan. Hindi Siya tinatanggap ng marami, bagamat sasabihin ng ilang mga nagmamalinis na tinatanggap naman nila Siya. Paano ba nila tinatanggap ang Panginoong Hesus kung buong lakas nilang pinapanigan ang mga garapalang nagpapalaganap ng katiwalian, pang-aapi, at pagkitil ng buhay ng mga inosente? Paano nila masasabi iyan? Saan sila kumukuha ng lakas at tibay ng loob upang magmalinis at sabihing kapanig sila ni Kristo Hesus? Ang pagnanakaw, pang-aapi, at pagpatay sa mga inosente ay hindi kukunsintihin ni Hesus kahit kailan. Ang lakas ng loob nilang gamitin si Hesus sa kanilang pagmamalinis. 

Ang tanong para sa atin ngayong Linggo - tunay nga ba tayong nasa panig ni Hesus? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento