6 Agosto 2022
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (K)
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Lucas 9, 28b-36
Giovanni Lanfranco, Transfigurazione (c. Before 1626), "No Known Copyright" (Public Domain), Image from: (https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Trasfigurazione_-_Lanfranco.jpg).
Sa nasabing bundok, ang Amang nasa langit ay muling nagsalita upang ipakilala si Hesus bilang Kanyang Anak at Hinirang. Sabi sa salaysay sa Ebanghelyo na nagbigay ng isang utos ang Amang nasa langit: "Ito ang minamahal Kong Anak na lubos Kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo Siya!" (Lucas 9, 35). Katunayan, bago ibinigay ng Ama ang utos na ito, si Hesus na nagbagong-anyo ay kinausap nina Moises at Propeta Elias. Si Hesus ay kinausap nina Moises at Propeta Elias tungkol sa nalalapit Niyang pagpapakasakit at pagkamatay na magaganap sa Herusalem (Lucas 9, 31). Iyan ang misyong ibinigay ng Ama kay Hesus bilang ipinangakong Mesiyas. Ito ang paksa ng usapan nina Hesus, Moises, at Elias upang ilarawan kung anong uri Siya ng Mesiyas.
Pinatotohanan ni Apostol San Pedro ang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Ang sabi ni Apostol San Pedro na ang tinig ng Amang nasa langit ay kanilang narinig sa bundok na iyon (2 Pedro 1, 17-18). Dagdag pa ni Apostol San Pedro na tumibay ang kanilang pananalig sa ipinahayag ng mga propeta tungkol sa ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi si Hesus (2 Pedro 1, 19). Ang nagbagong-anyo na si Hesus ay ipapapatay ngunit mabubuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Gaya ng sabi ni Propeta Daniel sa Unang Pagbasa, si Hesus ay mabubuhay magpakailanman (7, 9). Siya ang tunay na maghahari magpakailanman.
Marami ang nagpanggap bilang Mesiyas. Maski sa kasalukuyang panahon, may mga nanlilinlang at nagpapanggap na Mesiyas. Nagpapanggap silang Diyos. Ang mga tao ay walang awa nilang nililinlang at binubudol. Garapalan ang kanilang panlilinlang at pambubudol sa mga tao upang makamit nila ang kanilang pansariling interes. Wala silang balak ilapit ang kapwa sa tunay at nag-iisang Diyos. Bagkus, ang tunay na balak o intensyon ng mga nagpapanggap na Mesiyas at Diyos ay punuin ng pera ang kanilang mga bulsa sa pamamagitan ng garapalang pagsisinungaling sa kapwa-tao. Wala silang ibang habol kundi salapi at kapangyarihan. Mga sakim. Mga walang awa.
Itinuturo sa atin sa araw na ito na isa lamang ang tunay na Diyos. Ang tunay na Diyos ay hindi nanlilinlang o nambubudol. Pawang katotohanan lamang ang inihahayag ng tunay na Diyos dahil Siya mismo ang bukal ng katotohanan. Siya lamang ang dapat nating pakinggan, sundin, at pagkatiwalaan. Si Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ang tunay na Diyos, na dumating sa mundo upang iligtas tayo sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ang tunay na Diyos. Mapagmahal at bukal ng katotohanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento