7 Agosto 2022
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Karunungan 18, 6-9/Salmo 32/Hebreo 11, 1-2. 8-19 (o kaya: 11, 1-2. 8-12)/Lucas 12, 32-48 (o kaya: 12, 35-40)
Sa Ebanghelyo, inihalintulad ni Hesus ang Kanyang Ikalawang Pagdating sa wakas ng panahon sa pagdating ng isang magnanakaw sa gabi (Lucas 12, 39). Ang pagdating ng isang magnanakaw ay isa sa mga halimbawang ginamit ng Panginoong Hesus sa Kanyang pangaral tungkol sa Kanyang muling pagdating sa wakas ng panahon upang isalungguhit ang pagiging 'di inaaasahan nito. Siya na nga mismo ang nagsabi na darating Siya, ang Anak ng Tao, sa panahong hindi inaasahan (Lucas 12, 40).
Bahagi ng ating pananampalataya bilang Simbahan ang ating paniniwala sa muling pagdating ni Kristo. Sabi sa ating pananampalataya na si Kristo ay darating sa wakas ng panahon bilang Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay na tao. Hindi natin alam ang petsa o oras, ngunit naniniwala tayong mangyayari iyon pagdating ng araw. Magwawakas ang panahon. Guguho ang lupa. Babagsak ang mga gusali. Si Hesus ay darating muli bilang Hukom at Hari. Kailan magaganap ang wakas ng panahon? Ang Panginoong Hesus na rin mismo ang sumagot: "Ngunit walang nakaaalam ng araw at oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man - ang Ama lamang ang nakakaalam nito" (Mateo 24, 36; Marcos 13, 32). Ang Amang nasa langit ay ang tanging nakakaalam kung kailan magwawakas ang panahon.
Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito ang dahilan kung bakit si Kristo ay darating. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang pagligtas ng Diyos sa Kanyang bayan. Kung paanong iniligtas ng Diyos ang Kanyang bayan noong una, darating muli ang Panginoong Hesukristo sa wakas ng panahon bilang Hukom upang magligtas. Sa Ikalawang Pagbasa, nangaral ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo tungkol sa halaga ng pananalig sa Panginoong Diyos. Sa kanyang pangaral, ginamit niya bilang halimbawa sina Abraham at Sara. Sa huli, pagpapalain ng Panginoon ang lahat ng mga nagpasiyang manalig sa Kanya nang buong katapatan. Gagawin ito ng Hari at Hukom na si Hesus sa wakas ng panahon sa mga nagpasiyang manalig nang buong katapatan sa Kanya.
Lingid sa ating kaalaman na laging dumarating si Hesus araw-araw upang dalawin o bisitahin tayo. Bago pa man Siya dumating nang maringal bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon, lagi Siyang dumarating araw-araw upang dalawin tayo. Lagi Niya tayong dinadalaw upang suriin kung nababatid at tinatanggap natin ang Kanyang kalooban katulad ng Kanyang inilarawan sa maikling talinghaga tungkol sa mga alipin sa huling bahagi ng Ebanghelyo. Habang nabubuhay pa tayo sa mundo, lagi tayong binibigyan ng oportunidad ni Hesus upang ating maunawaan at matanggap kung ano ang Kanyang naisin.
Katulad ng Kanyang unang pagdating bilang ipinangakong Mesiyas, darating muli sa wakas ng panahon si Hesus upang maghatid ng kaligtasan sa lahat ng mga tapat na nananalig sa Kanya. Lagi Siyang dumadalaw araw-araw upang suriin kung tunay nga ba nating nauunawaan ang Kanyang kalooban at tinatanggap ito bilang paghahanda para sa Kanyang maringal na pagdating bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon. Hindi kapahamakan ang Kanyang kaloob kundi kaligtasan. Ito ang dahilan kung bakit lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataon upang ang Kanyang kalooban ay ating maunawaan at sundin. Ito ang dahilan kung bakit lagi Siya dumadalaw araw-araw.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento