29 Hulyo 2022
Paggunita kina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42)
Pier Francesco Mazzucchelli, The Raising of Lazarus (Year Unknown), Public Domain ("No Known Copyright").
Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay tungkol sa pag-ibig at pananalig. Ito ay dahil inilaan ang araw na ito sa paggunita sa magkapatid na taga-Betania na walang iba kundi sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro. Ang magkapatid na ito ay kilala rin bilang mga kaibigang mahal ni Hesus. Bilang mga kaibigan ni Hesus, ibinigay nila sa Kanya ang kanilang tunay at taos-pusong pagmamahal at pananalig. Hindi sila mga peke o plastik na kaibigan. Bagkus, mga tunay silang kaibigan ni Hesus.
Sa Unang Pagbasa, si Apostol San Juan ay nangaral tungkol sa kahalagahan ng pag-iibigan. Dapat mag-ibigan ang bawat isa sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos (1 Juan 4, 7). Si Apostol San Juan rin ang nagsabi na umiibig tayo "sapagkat ang Diyos [ay] ang unang umibig sa atin" (1 Juan 4, 19). Ito ang ginawa nina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania kay Hesus. Ang Panginoong Hesus ay kanilang inibig bilang kanilang kaibigan. Kung paanong itinuring sila ni Hesus bilang Kanyang mga kaibigan, itinuring rin nila si Hesus bilang kaibigan. Ang kanilang pag-ibig para kay Hesus bilang kanilang kaibigan ang nagpapatunay nito.
Dahil sa kanilang pag-ibig para kay Hesus, nanalig sila sa Kanya. Ito ang dahilan kung bakit bago mamatay si Lazaro, nagpadala sila ng mensahero upang ihatid kay Hesus ang balita tungkol sa kanyang karamdaman (Juan 11, 3). Ito rin ang ipinahiwatig ng sinabi ni Marta sa Panginoong Hesukristo noong dumating Siya sa Betania matapos mamatay si Lazaro: "Panginoon, kung Kayo po'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid" (Juan 11, 21). Nanalig silang tanging si Hesus lamang ang may magagawa para kay Lazaro. Matapos buhayin ni Hesus si Lazaro, ang pananalig nila sa Kanya ay lalo lamang lumalim. Katunayan, isang pahiwatig nito ang mga salitang binigkas ni Marta kay Hesus sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo para sa espesyal na araw na ito: "Nananalig ako sa Inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaaasahang paparito sa sanlibutan" (Juan 11, 27). Hindi lamang ito ang pananalig ni Marta. Hindi lamang si Marta ang may ganitong pananalig sa Panginoong Hesukristo. Maging ang kanyang mga kapatid na sina Lazaro at Maria ay may ganito ring kalalim na pananalig sa Panginoong Hesus na bunga ng kanilang pag-ibig para sa Kanya.
Nakakalungkot isipin subalit may mga hindi talagang umiibig at nananalig kay Hesus sa kasalukuyan. Ang problema, mayroon sa kanila na nanggagaling sa Simbahan. Si Hesus ay kanilang ipinagpapalit sa mga kilalang personalidad na tiwali, sinungaling, magnanakaw, at mamamatay-tao. Ang kanilang pag-ibig at pananalig kay Hesus ay dinadaan na lamang sa mga matatamis na salita. Sa Simbahan at tuwing Linggo lamang sila kaibigan ni Hesus. Subalit, sa ibang mga araw ng sanlinggo, si Hesus ay kanilang ipinagpapalit at tinatanggihan.
Kung nais nating maging tunay na kaibigan ni Hesus, kailangang maging tunay ang ating pag-ibig at pananalig sa Kanya. Tumindig tayo laban sa kasamaan. Magpatotoo tayo sa kabutihan ng Diyos. Maging mga saksi at tagapagpalaganap ng katotohanan na nagmumula sa Diyos. Huwag nating hahayaang umiral ang kasinungalingan at pang-aapi sa lipunan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento