25 Hulyo 2022
Kapistahan ni Apostol Santiago
2 Corinto 4, 7-15/Salmo 125/Mateo 20, 20-28
Jusepe de Ribera, Saint James the Great (c. Between 1630 and 1632). Photo Credit: Historical England Archive, licensed under CC BY-NC-ND. Website: Art UK, https://artuk.org/discover/artworks/saint-james-the-great-144370.
Bago Siya dakpin ng Kanyang mga kaaway, sinabi ng Panginoong Hesukristo sa mga apostol sa Kanyang huling diskurso o pangaral sa kanila: "Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, dapat ninyong malamang napoot na ito sa Akin bago sa inyo" (Juan 15, 18). Ang mga salitang ito na binigkas ng Panginoong Hesus sa isa sa Kanyang mga huling pangaral sa mga apostol noong gabi bago Siya magpakasakit ay naaangkop sa pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang mga Pagbasa para sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay tungkol sa pagtitiis ng maraming pag-uusig alang-alang kay Hesus. Ito ang naranasan ni Apostol Santo Santiago at ng mga kapwa niyang apostol at misyonero at maging ng mga humalili sa kanila.
Sa Unang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa mga hirap, sakit, at pag-uusig na hinarap at tiniis ng Simbahan alang-alang kay Kristo. Sa Ebanghelyo, tinanong ni Hesus ang magkapatid na sina Apostol Santo Santiago at San Juan kung handa silang tiisin ang hirap at sakit na Kanya ring babatahin matapos hilingin ng kanilang ina sa Kanya na paupuhin sa Kanyang kanan at kaliwa sa Kanyang kaharian ang magkapatid na ito (Mateo 20, 22). Malinaw sa dalawang Pagbasang ito na hindi makakatakas mula sa mga hirap at sakit sa mundo ang mga tagasunod ni Hesus. Ang buhay ng mga nagpasiyang sumunod kay Hesus ay hindi magiging madali sa lahat ng oras dahil may mga hindi tatanggap sa Kanya.
Ang mga inilalarawan sa mga Pagbasa ay nangyayari rin sa kasalukuyan. May mga hindi tumatanggap sa Panginoong Hesus. Katunayan, mayroong ilang mga Katoliko na hindi naman tumatanggap kay Hesus nang buong puso. Pakitang-tao lamang ang kanilang pagtanggap kay Hesus. Ang kanilang pagtanggap kay Hesus ay hindi naman bukal sa kanilang kalooban. Tuwing Linggo, nagsisimba, nagdarasal, at umaawit ng papuri sa Diyos. Subalit, kapag nasa labas na sila ng Simbahan, buong lakas nilang inihahayag ang kanilang pagsuporta sa mga tiwali. Ipinagpapalit nila ang Panginoon sa mga magnanakaw, sinungaling, at mamamatay-tao. Sinasabihan pa nga nila ang mga pari, madre, obispo, at ang buong Simbahan na manahimik at manalangin na lamang. Bagamat ginagawa lamang ng mga pari at obispo ang kanilang tungkulin bilang mga saksi ng katotohanang mula sa Panginoon, nagagalit ang mga taong ito dahil hindi nila matanggap na totoo ang ipinangangaral ng Simbahan. Para sa mga taong ito, walang ibang ginagawa ang Simbahan kundi manira. Kaya, pati sila, inuusig rin nila ang Simbahan.
Hindi lamang para kina Apostol Santo Santiago at San Juan ang tanong ni Hesus sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Hindi lamang ito para sa mga apostol. Ito ay para sa lahat ng mga Kristiyano mula noon hanggang sa kasalukuyan. Handa ba tayong magtiis ng hirap at pag-uusig alang-alang kay Hesus?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento