3 Hulyo 2022
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Isaias 66, 10-14k/Salmo 65/Galacia 6, 14-18/Lucas 10, 1-12. 17-20 (o kaya: 10, 1-9)
Anton Raphael Mengs, Caída de Cristo con la cruz a cuestas camino del Calvario, 1769, Public Domain
Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa: "Sapat na ang mga pilat ko, para makilalang ako'y alipin ni Hesus" (Galacia 6, 17). Ang mga salitang ito ni Apostol San Pablo ay isang pahiwatig ng mga hirap at pagsubok na kinailangan niyang harapin at tiisin sa bawat sandali ng kanyang misyon bilang apostol at saksi ni Kristo Hesus. Isa itong babala para sa mga nag-aakalang madali lamang maging misyonero at saksi ni Hesus. Kung mismong si Hesus ay hindi naging ligtas mula sa matinding pag-uusig at kamatayan, paano pa kaya ang Kanyang mga apostol at saksi? May mga panganib at banta laban sa mga nasa panig ni Hesus.
Ang paglingkod sa Panginoon ay hindi madali. Ang paglingkod sa Panginoon ay hindi nangangahulugang wala na tayong haharapin at titiising hirap at sakit sa buhay dito sa mundo dahil lagi itong magiging maginhawa. Ang pagiging lingkod ng Panginoong Diyos ay hindi lamang pangangaral tungkol sa mga matatamis na salitang Kaniyang binibitiwan, katulad na lamang ng nasasaad sa Unang Pagbasa. Oo, mayroong mga pagkakataon kung kailan nagsasalita nang matamis ang Diyos. Subalit, mayroon ring mga pagkakataon kung kailan hindi Siya gumagamit ng mga matatamis na salita sa Kanyang mga pahayag. Ang mga malalakas na pahayag ng Panginoon ay ibabahagi rin ng mga tunay na naglilingkod sa Kanya, kahit mayroong posibilidad na hindi siya tatanggapin ng iba dahil sa mga pahayag na ito ng Diyos.
Ito ang pangunahing dahilan kung bakit sinabi ng Panginoong Hesus sa mga apostol sa Ebanghelyo para sa Linggong ito: "Sinusugo Ko kayo parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat" (Lucas 10, 3). Isa lamang ang ibig sabihin ng mga salitang ito ni Hesus - ang pagmimisyon o ang paglilingkod sa Panginoon ay hindi madali tulad ng paglalakad sa isang liwasang-bayan. Bagkus, mayroong mga sandali kung kailan ang mga taos-pusong nagpasiyang paglingkuran ang Diyos ay nakakakaranas rin ng iba't ibang uri ng hirap, pagsubok, at pag-uusig mula sa ibang tao. Iyan ang katotohanan. Hindi porket mabuti at maganda ang mensahe ni Hesus, mayroong mga tutol pa rin.
Dapat nating tanggalin sa ating isipan ang maling paniniwalang ang pagiging lingkod ng Diyos ay madali lamang. Ano'ng akala natin? Magiging maginhawa ba ang lahat ng tao sa mundong ito? Hindi. Bagkus, mayroong iba't ibang uri ng hirap, sakit, pag-uusig, at pagusbok. Hindi tungkol sa tamis at ginhawa lamang ang paglingkod sa Panginoong Diyos nang taos-puso.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento