16 Hulyo 2022
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen
Zacarias 2, 14-17/Lucas 1/Mateo 12, 46-50
Pierre Puget, Virgin Giving the Scapular to St. Simon Stock (c. Second Half of the 17th Century), Public Domain
Marami ang magtatanong kung ano ang kahalagahan ng Bundok del Carmen dahil sa pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang Bundok del Carmen na kilala rin bilang Bundok ng Carmelo ay ang bundok kung saan pinatunayan ng Panginoong Diyos na tanging Siya lamang ang tunay na Diyos. Mula sa langit, ang Diyos ay nagpababa ng apoy sa dambana ni Propeta Elias sa nasabing bundok bilang tugon sa panalangin ng Kanyang Propeta (1 Hari 18, 36-38). Pinatunayan ng Panginoon sa bundok na ito na walang ibang Diyos kundi Siya lamang.
Ipinapahiwatig ng titulo ng Mahal na Birheng Maria na binibigyan ng pansin sa araw na ito, ang Birhen ng Bundok del Carmen, ang kanyang pagturo sa tunay na Diyos. Ito ang kanyang tungkulin bilang ating Ina - ituro at ilapit tayo sa tunay na Diyos. Lagi tayong pinagsasanggalang at kinakalinga ng Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Bundok ng Carmelo, upang ituro at gabayan tayo sa tunay at nag-iisang Diyos na walang iba kundi ang Panginoon. Iyan ang dahilan kung bakit niya ipinagkaloob kay San Simon Stock ang Eskapularyo. Ang Eskapularyo ay isang sagisag ng kaligtasang kaloob ng tunay na Diyos sa pamamagitan ng mga panalangin ng Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Bundok del Carmen. Kapag sinuot natin ito, hinihikayat tayong palalimin ang ating ugnayan at katapatan sa tunay na Diyos.
Wala namang balak ang Mahal na Birheng Maria na ilayo tayo sa tunay na Diyos. Sa halip na ilayo tayo sa Diyos, nais ng Mahal na Ina na ituro at gabayan tayo sa Kanya. Nais ng Mahal na Birhen na maging malapit tayo sa Diyos. Kaya naman, lagi tayong pinagsasanggalang at kinakalinga ng Mahal na Ina. Katunayan, ito ang nais ng Diyos. Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo na ang mga sumusunod sa kalooban ng Amang nasa langit ay ang Kanyang Ina at mga kapatid (Mateo 12, 50). Ang Panginoong Hesus rin mismo ang nagtalaga kay Maria bilang Ina ng Simbahan na kinatawan ni Apostol San Juan habang nakapako Siya sa krus (Juan 19, 26-27). Laging tinutupad ni Maria ang kanyang tungkulin bilang Ina ng Simbahan sa pamamagitan ng palagiang pagtanggol at pagkalinga sa atin.
Bilang Ina ng Simbahan, nais ng Mahal na Birheng Maria na maranasan natin ang galak na inilarawan ni Propeta Zacarias sa Unang Pagbasa. Galak na nagmumula sa tunay na Diyos na walang iba kundi ang Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit lagi niyang tinutupad ang tungkuling ibinigay sa kanya ni Kristo bilang Ina ng Simbahan. Hindi naging pabaya si Maria kahit kailan. Palagi niya tayong pinagsasanggalang at kinakalinga upang ilapit tayo sa Diyos. Ang nais ng Mahal na Birhen ay ang nais rin ng Diyos - makinabang sa kagalakang kaloob ng presensya ng Diyos.
Nais ng Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Bundok del Carmen, na ituro at ilapit tayo sa tunay na Diyos na walang iba kundi ang Panginoon. Subalit, nakakalungkot isipin at tanggapin na ayaw tanggapin ang tulong na ito ng Mahal na Ina sapagkat may iba silang mga diyos. Ang mga magnanakaw, mamamatay-tao, at sinungaling ay ginagawa nilang mga diyos. Bukod pa roon, mayroon pa nga sa kanila na ginagawang diyos ang kanilang mga sarili. Sinasabi nilang "Vox populi, vox Dei" (Ang boses ng tao ay boses ng Diyos). Gusto nilang gawing diyos ang kanilang mga sarili. Dahil diyan, sinusuportahan nila ang mga tiwali, sinungaling, mamamatay-tao. Ang masakit, may ilan sa kanila na laging nagsisimba. Halos araw-araw silang nagsisimba, subalit ang mga magnanakaw, sinungaling, at mamamatay-tao ay sinusuportahan at itinuturing na mga diyos. Nakakalungkot. Nakakadismaya.
Ang hangad ng Mahal na Birheng Maria, mapalapit tayo sa tunay na Diyos. Kung ang nais ng Mahal na Inang si Maria na siya ring nais ng Diyos ay nanaisin rin natin, ang taos-puso nating katapatan ay ibibigay natin sa Diyos. Kapag iyan ang ating gagawin, matatamasa natin ang biyaya ng walang hanggang kagalakan at buhay sa piling ng Panginoon sa Kanyang kaharian sa langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento