10 Hulyo 2022
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Deuteronomio 30, 10-14/Salmo 68 (o kaya: Salmo 18)/Colosas 1, 15-20/Lucas 10, 25-37
Balthasar van Cortbemde, The Good Samaritan, 1647, Public Domain
Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay isa ring babala laban sa kaplastikan. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos na Kanyang ipinamalas sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili ng Panginoong Hesukristo ay ginamit ni Apostol San Pablo bilang halimbawa ng mga gawang naghahayag ng pag-ibig sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Sa pamamagitan ng paghahandog ng sarili ni Kristo Hesus, pinatunayan ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan. Ang pag-ibig ng Diyos ay isang halimbawa ng pag-ibig na pinatunayan ng gawa. Ang dakilang pag-ibig ng Panginoong Diyos ay umudyok sa Kanya na iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus.
Nagsalita si Moises sa mga Israelita sa Unang Pagbasa tungkol sa paghahayag ng kanilang pag-ibig para sa Diyos. Sabi ni Moises sa kanila na dapat nilang dinggin ang tinig ng Panginoong Diyos at sundin nang buong puso at kaluluwa ang Kanyang mga utos (Deuteronomio 30, 10). Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga ng Mabuting Samaritano upang ituro kung paano magiging tunay ang pag-ibig ng bawat isa para sa Diyos at kapwa. Hindi sapat ang pagsasalita o pagdarasal lamang. Dapat rin tayong kumilos upang patunayan ang ating pag-ibig sa Diyos at kapwa.
Walang silbi ang pag-ibig at pananampalataya kapag puro salita lamang ito. Dapat may pagkilos na magpapatunay ng pag-ibig at pananampalataya. Kapag inihayag natin gamit ang ating mga labi na iniibig natin ang Diyos at kapwa ngunit nanatili tayong tahimik sa harap ng garapalang katiwalian, kasinungalingan, at kawalan ng katarungan, huwad ang pag-ibig na iyan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento