26 Hunyo 2022
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
1 Hari 19, 16b. 19-21/Salmo 15/Galacia 5, 1. 13-18/Lucas 9, 51-62
Jan Matsys, The Calling of Elisha (c. 1572), Public Domain
Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa ating misyon bilang mga Kristiyano. Sabi niyang tinawag tayo upang maging malaya (Galacia 5, 13). Ang kalayaang ito ay hindi kaloob ng mundo kundi ng Panginoong Diyos. Tayong lahat ay tinawag upang maging malaya bilang mga anak ng Diyos. Tungkulin rin nating ibahagi ang kalayaang ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa ating kapwa nang may pag-ibig sa tulong at gabay ng Espiritu Santo.
Isinalaysay sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ang pagtawag at paghirang kay Eliseo upang maging kasunod na propeta. Hinirang siya ng Panginoong Diyos upang humalili o pumalit kay Propeta Elias (1 Hari 19, 16b). Tinanggap naman ni Eliseo ang pagtawag at paghirang sa kanya ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Elias na siyang nagsuklob ng balabal sa kanya (1 Hari 19, 19). Subalit, bago tanggapin ang misyong kaloob ng Panginoong Diyos sa kanya, nakiusap muna siya kay Propeta Elias na kung maaari, magpapaalam muna siya sa kanyang mga magulang bago siya sumunod kay Elias, na pinahintulutan naman ni Elias (1 Hari 19, 20). Batid ni Eliseo na kailangan niyang humiwalay sa kanyang pamilya upang matupad ang kalooban ng Diyos.
Sa Ebanghelyo, isinalungguhit ni Hesus kung gaano kahirap ang pagsunod sa Kanya nang taos-puso. Maraming pagsubok ang dapat harapin at tiisin ng mga nagnanais maging tagasunod ni Hesus. Isang halimbawa nito ay ang hindi pagtanggap ng mga Samaritano sa Kanya sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Katunayan, ipinahiwatig Niya ito noong sinabi Niyang walang matutuluyan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao (Lucas 9, 58). Hindi lahat ng mga nakikinig kay Hesus ay tumanggap sa Kanya. Kaya naman, wala Siyang matutuluyan o mapagpapahingahan noon. Pati sa kasalukuyan, totoo pa rin ang mga salita ni Hesus. Hindi lahat ay bukas sa Kanya. Katunayan, mas pipiliin pa ng marami ang mga magnanakaw, sinungaling, at mamamatay-tao kaysa sa Kanya. Ang Panginoong Hesukristo ay hindi tinatanggap ng maraming tao. Ito ang masakit na katotohanan na patuloy pa ring namamayani sa kasalukuyan.
Bilang mga Kristiyano, mayroong kalooban ang Diyos para sa atin. Subalit, kapag tinanggap natin ang kalooban ng Diyos, maraming magbabago sa ating buhay. Hindi lamang natin dapat isakripisyo ang mga materyal na bagay. Bagkus, magbabago rin ang ating ugnayan sa tao, lalo na sa pamilya. Maraming hindi tatanggap sa atin dahil ipinasiya nating sundin ang kalooban ng Diyos kaysa sumunod sa agos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento