25 Hunyo 2022
Paggunita sa Kalinis-Linisang Puso ng Birheng Maria
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51
Unknown Painter, Immaculate Heart of Mary (Zack Shaw, Screen Saver - Pinterest)
Batid ni Maria na hindi niya kayang dalisayin o linisin ang sarili niyang puso sa ganang sarili. Batid niya na hindi niya kayang gawin ang lahat dahil hindi naman siya isang diyosa o bathala. Batid ni Maria na mayroong makakatulong sa kanya - ang tunay at nag-iisang Diyos na walang iba kundi ang Panginoon. Dahil dito, buong kababaang-loob na hiling at pinahintulutan ni Maria ang Diyos na linisin at dalisayin ang kanyang puso upang lagi siyang maging bukas sa kalooban ng Diyos. Nais ni Maria na maging tapat sa kanyang paglilingkod sa Panginoong Diyos.
Isang halimbawa nito ay ang kanyang ginawa sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Sabi roon na inigatan ng Mahal na Inang si Maria "ang lahat ng bagay . . . sa kanyang puso" (Lucas 2, 51). Maraming bagay na hindi maunawaan ng Mahal na Ina tungkol sa kalooban ng Diyos. Nais niyang maunawaan ito upang buong katapatan siyang makapaglingkod sa Panginoon. Kaya naman, habang iningatan niya ang lahat ng nangyari sa kanyang puso bago siya umuwi ng Nazaret kasama ni San Jose at ng Batang Hesus, tiyak na buong kababaang-loob siyang humingi ng tulong sa Diyos upang maunawaan niya ang mga nangyari at mga mangyayari pa.
Kung paanong humingi ng tulong mula sa Diyos si Maria nang buong kababaang-loob upang maunawaan niya ang Kanyang plano sa bawat sandali ng kanyang buhay dito sa mundo, buong kababaang-loob rin niyang hiniling sa Panginoong Diyos na laging gawing malinis at dalisay ang kanyang puso. Sa pamamagitan nito, laging naranasan ni Maria ang biyaya ng pagligtas ng Panginoong Diyos, katulad ng nangyari sa kanya bago siya isilang sa mundo. Ang biyaya ng pagligtas ng Panginoon na inilarawan sa Unang Pagbasa ay laging naranasan ni Maria, hindi lamang sa sandali ng paglihi sa kanya sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana, kundi na rin sa bawat sandali ng kanyang buhay sa mundo. Dahil dito, ang kanyang pagpuri sa Diyos ay tunay at bukal sa kanyang kalooban.
Ang pusong laging bukas sa paglilinis at pagdalisay ng Diyos ay naghahandog ng mga papuring tunay. Ang puso ng mga tunay na nagpupuri at sumasamba sa Diyos ay lagi Niyang nililinis at dinadalisay. Katulad ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, maging bukas nawa tayo sa paglinis at pagdalisay ng Diyos. Ang ating mga puso at isipan ay lagi nawa nating ibukas sa paglinis at pagdalisay sa Diyos upang maging tunay at bukal sa ating kalooban ang ating pagpuri at pagsamba sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento