13 Hunyo 2022
Paggunita kay San Antonio de Padua, pari at pantas ng Simbahan
Lunes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Hari 21, 1-16/Salmo 5/Mateo 5, 38-42
Antonio de Pereda, Saint Anthony of Padua and the Christ Child (1655), Public Domain
Noong sinabi ni Hesus na hindi dapat labanan ang masasamang tao, sinabi ba Niyang dapat na tayong maging tahimik sa harap ng katiwalian at kasamaan na nagaganap sa lipunan? Hindi, hindi, at isang malaking HINDI. Walang sinabing ganyan si Hesus. Iyan ay isang baluktot na interpretasyon ng mga salitang ito ng Panginoon. Kung iyon ang ibig sabihin ni Hesus, hindi sana hinirang ang mga propeta sa Lumang Tipan at hindi rin Siya darating sa mundong ito upang iligtas ang sangkatauhan. Hahayaan na lamang Niya mapahamak ang sangkatauhan dahil sa kasamaan at kasalanan.
Isang kasuklam-suklam na kaganapan ang isinalaysay sa Unang Pagbasa. Iyan ba ang nais ng Diyos? Hinangad ba ng Panginoong Diyos na ipapatay si Nabat ni Reyna Jezebel na kumikilos sa ngalan ni Haring Acab? Ang Panginoong Diyos ay natuwa ba nang masaksihan Niya mula sa langit ang kasuklam-suklam na gawang ito? Hindi. Sa Kanyang paningin, kasuklam-suklam ang gawaing ito. Ito ang dahilan kung bakit Siya humirang ng mga taong tulad ni Elias upang maging Kanyang propeta. Katunayan, si Elias ang propetang hinirang ng Panginoong Diyos noong naghari si Acab. Malakas na sinabi ni Propeta Elias kay Acab: "Malagim na parusa ang babagsak sa iyo!" (1 Hari 21, 21). Patunay lamang ito na hindi kinukunsinti ng Diyos ang kasamaan.
Bakit sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo na huwag labanan ang masama? Namutawi mula sa mga labi ni Hesus ang mga salitang ito dahil nais Niyang imulat ang lahat sa kahibingan ng kasamaan. Hindi sinabi ng Panginoong Hesus na manatiling tahimik sa harap ng kawalan ng hustisya. Ang ibig sabihin ni Hesus, ipakita kung paanong ang lahat ng mga masasamang gawain sa lipunan ay pawang kahibingan na hindi dapat umiral kailanman. Sa pamamagitan nito, itinuturo ng Panginoong Hesus na ang mga tao ay dapat kumilos upang makonsensya ang lahat ng mga gumagawa ng masama sa lipunan. Itinuturo ni Hesus na dapat maging mulat ang lahat sa kasamaang pilit na pinapairal ng mga masasama at kung paano sila gumagawa ng kahibangan.
Ginugunita sa araw na ito si San Antonio de Padua. Lingid sa kaalaman ng marami, bukod sa pagiging pintakasi ng mga nawawalang bagay, kilala rin siya sa titulong Martilyo ng mga Erehe (Hammer of Heretics). Sa tulong ng Panginoon, nangaral siya tungkol sa katotohanan ng pananampalataya. Ipinaliwanag niya sa lahat ng tao ang pananampalatayang Katoliko at ipinagtanggol ang Simbahan mula sa kahibangang dulot ng maling impormasyon at kasinungalingang ng mga 'di-Katoliko noong mga araw na iyon. Ang mga maling impormasyon na ito ay naghahatid ng gulo sa isip.
Kung mananatili tayong tahimik sa gitna ng kasamaan at katiwalian sa lipunan, ang ating pananampalataya bilang mga Katoliko ay walang saysay. Lalo lamang nating pinapairal ang kasamaan. Hindi iyan ang kalooban ni Kristo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento