Biyernes, Mayo 13, 2022

DIYOS NG KATOTOHANAN

12 Hunyo 2022 
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (K) 
Kawikaan 8, 22-31/Salmo 8/Roma 5, 1-5/Juan 16, 12-15 

Francisco Caro, The Holy Trinity (h. 1630), Public Domain

Nakakalungkot isipin na patuloy na lumalaganap ang kasinungalingan sa paglipas ng panahon. Habang patuloy na lumilipas ang panahon, lalo lamang lumalaganap ang iba't ibang uri ng kasinungalingan. Sa pamamagitan nito, patuloy na inaabuso ng ilan ang kabutihang hatid ng makabagong teknolohiya. Ang makabagong teknolohiya ay mabuti at maganda naman talaga. Subalit, mayroong mga nagpapasiyang gamitin ito sa pagpapalaganap ng kasinungalingan. Dahil diyan, marami ang nauto at nalinlang. Tunay ngang kawawa ang mga nabudol at nabiktima ng kasinungalingang patuloy na umiiral sa kasalukuyang panahon dahil sa pang-aabuso sa makabagong teknolohiya. 

Sa halip na maghatid ng tunay na pagkakaisa, ang pagkakawatak-watak, hidwaan, at pang-aabuso sa mga inaapi ay lalo lamang lumaganap. Ang mga nagpapalaganap ng kasinungalingan naman ay nakikinabang rito, lalo't higit mga kasabwat sila ng mga magnanakaw, sinungaling, at mamamatay-tao. Napakalinaw na tanging pansariling interes lamang ang lagi nilang iniisip. Wala silang pakialam sa ikabubuti ng ibang tao, lalung-lalo na ng mga mahihirap. Ang tingin nila sa posisyon ay pag-aari. Inuuto nila ang ibang tao upang maisip nilang paglilingkuran nila ang komunidad. Subalit, hindi naman iyon ang tunay nilang layunin. Nagkakaisa sila hindi upang maglingkod kundi upang samantalahin ang kapangyarihan at kayamanan. 

Ang matindi pa rito ay ang kasinungaling pinaiiral nila na kalooban ng Panginoon na mailuklok sila sa kapangyarihan. Talagang dinamay pa nila ang Diyos sa kanilang mga kasinungalingan. Gagamitin nila ang Diyos upang utuin ang mga tao, lalung-lalo na't batid nilang ang mga tao ay relihiyoso. Sasamantalahin ang pagiging madasalin at relihiyoso ng mga tao para lamang sa sariling interes. 

May hatid na magandang balita para sa atin ang Linggong ito. Hindi iyan ang Diyos na ating sinasamba. Ang tunay at nag-iisang Diyos na binubuo ng Tatlong Persona ay hindi Diyos ng kasinungalingan kundi Diyos ng katotohanan. Napakalinaw naman ito sa pahayag ng Panginoong Hesukristo sa mga apostol sa Ebanghelyo: "Pagdating ng Espiritu ng katotohanan, tutulungan Niya kayo upang maunawaan ninyo ang buong katotohanan" (Juan 16, 13). Napakalinaw naman ang sinabi ni Hesus. Ang Diyos ay bukal ng katotohanan. Darating ang Espiritu Santo bilang Patnubay ng mga apostol upang ipaalala sa kanila ang katotohanan. Ang kaloob ng Banal na Santatlo sa lahat ng tao ay katotohanan, hindi kasinungalingan. 

Inihayag sa Unang Pagbasa na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Sabi naman sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na naghatid ng kaligtasan, pag-asa, at pag-ibig ang Diyos. Patunay lamang na puro kabutihan ang kaloob sa atin ng Banal na Santatlo. Kung puro kabutihan ang mga kaloob ng Banal na Santatlo, bakit naman kasinungalingan ang ipagkakaloob ng Ama, Anak, at Espiritu Santo? 

Tandaan, ang Panginoong Diyos na ating sinasamba, ang Banal na Santatlo, ay Diyos ng katotohanan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento