Huwebes, Mayo 12, 2022

WALANG HANGGAN

9 Hunyo 2022 
Kapistahan ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggan at Dakilang Pari 
Jeremias 31, 31-34 (o kaya: Hebreo 10, 11-18)/Salmo 110/Marcos 14, 22-25 

Justus van Gent, The Institution of the Eucharist (c. 1473-1475), Public Domain

Walang Hanggan at Dakilang Pari. Ito ang titulo ng Panginoong Hesus na nais bigyan ng pansin ng Simbahan sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito. Ang Pistang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay inilaan upang ituon ang ating pansin sa katotohanang walang permanente sa mundong ito. Isa lamang ang walang hanggan - ang Panginoon. Ang Panginoong Hesukristo ay tunay na Hari at Pari na mananatili magpakailanman. Darating ang araw na tuluyang guguho ang mundong ito, ang mga gusaling itinayo ay babagsak. Patunay ito na may hangganan ang lahat ng bagay dito sa mundo. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Ika'y paring walang hanggan katulad ni Melquisedec" (Salmo 110, 4b). Si Hesus ay ang Dakilang Pari na mananatili magpakailanman. Sabi sa Sulat sa mga Hebreo na ang Panginoong Hesus "ay minsan lamang naghandog dahil sa mga kasalanan, at iyo'y sapat na. Pagkatapos, lumuklok Siya sa kanan ng Diyos" (10, 12). Ano ang inihandog ni Kristo Hesus bilang kabayaran para sa mga kasalanan ng sangkatauhan? Inihandog Niya ang Kanyang Katawan at Dugo, tulad ng nasasaad sa salaysay ng pagtatag sa Banal na Eukaristiya sa Huling Hapunan na itinampok sa Ebanghelyo para sa Kapistahang ito. Sa pamamagitan nito, isang tipan ang ginawa ng Panginoong Hesus na mananatili magpakailanman. 

Inihayag ng Panginoon sa aklat ni Propeta Jeremias na muli Siyang gagawa ng isang panibagong tipan sa pagitan Niya at ng Kanyang bayan sa kabila ng kanilang paulit-ulit na pagkakasala laban sa Kanya (31, 31). Ang Walang Hanggan at Dakilang Pari na si Hesus ay gumawa ng isang panibagong tipan nang Kanyang itatag ang Banal na Eukaristiya sa salaysay ng Huling Hapunan na itinampok sa Ebanghelyo. Iyan ang dahilan kung bakit si Hesus ay ang Walang Hanggan at Dakilang Pari. Gumawa Siya ng tipan na pang-magpakailanman. Ang minsanang pag-aalay ng buo Niyang sarili sa krus ay naghatid ng kaligtasan. Ito rin ang dahilan kung bakit si Hesus ay patuloy na dumarating sa Sakramento ng Eukaristiya upang ipagkaloob ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo sa atin bilang pagkain at inuming nagliligtas. 

Ang mga pari ng Simbahan ay sagisag lamang ng Walang Hanggan at Dakilang Pari na walang iba kundi si Kristo Hesus. Bilang mga larawan ng Panginoong Hesukristo, patuloy silang sumasaksi sa katotohanan na walang iba kundi Siya na naghandog ng buo Niyang sarili upang iligtas ang sangkatauhan. Lagi rin nilang ipinapaalala sa ating lahat na mayroong hangganan ang lahat ng bagay dito sa mundo tulad na lamang ng katiwalian at kasamaan dahil iyon naman ang katotohanan. Sa pamamagitan nito, itinuturo nila kung saan matatagpuan ang tunay na walang hanggan - kay Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento