Biyernes, Mayo 6, 2022

TAGAHATID NG KANYANG PAG-IBIG AT GALAK

31 Mayo 2022 
Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria 
Sofonias 3, 14-18 (o kaya: Roma 12, 9-16b)/Isaias 12/Lucas 1, 39-56

Antonio de Pereda, The Visitation (1654), Public Domain

Sabi sa salaysay ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang kamag-anak na walang iba kundi si Santa Elisabet sa Ebanghelyo para sa araw na ito na gumalaw sa tuwa ang sanggol na si San Juan Bautista sa sinapupunan ng kanyang ina (Lucas 1, 44). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan ni San Lucas ang Mahal na Ina bilang tagahatid ng pag-ibig at tuwa. Hindi lamang dinala ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang sarili noong dumalaw siya kay Elisabet. Bagkus, dinala rin niya ang pag-ibig at tuwang kaloob ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ni Hesus, ang Sanggol na dinadala niya sa kanyang sinapupunan. Ang bukal ng pag-ibig at tuwa na walang iba kundi si Kristo Hesus ay tinaglay ni Maria sa kanyang paglalakbay at pagdalaw kay Elisabet na ina naman ni San Juan Bautista. 

Kahit na nagdadalantao sa mga sandaling iyon, ipinasiya ng Mahal na Birheng Maria na maging tagahatid ng pag-ibig at tuwang kaloob ng Diyos. Ang pagdadalantao ay hindi naging hadlang para kay Maria. Katunayan, ang dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan ay ang mismong bukal ng tunay na pag-ibig at tuwa na si Kristo Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao. Dahil ipinasiya ni Maria na maglakbay patungo sa bahay nina Zacarias at Elisabet, siya'y naging tagahatid ng pag-ibig at tuwa ng Diyos. 

Ang Diyos ay ipinakilala ni Propeta Sofonias at ni Apostol San Pablo bilang bukal ng tunay na pag-ibig at tuwa. Inilahad ni Propeta Sofonias ang pangako ng Panginoon sa Kanyang bayang Israel na makakapiling nila Siya (3, 15. 17). Mayroon namang paalala para sa lahat ng mga Kristiyano si Apostol San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma. Sabi niya sa nasabing sulat na dapat maging tunay ang pag-ibig ng lahat ng mga Kristiyano (12, 9). Itinuro ni Apostol San Pablo sa pamamagitan ng mga salitang ito ang tungkulin ng bawat Kristiyano. Ang tungkulin ng mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo ay maging tagahatid ng tunay na pag-ibig at galak na nagmumula sa Kanya. 

Mayroon tayong tungkulin bilang mga Kristiyano - taglayin at ipalaganap ang tunay na pag-ibig at galak na nagmumula sa Panginoong Hesukristo. Ginawa ito ng mga propeta sa Lumang Tipan katulad ni Propeta Sofonias. Ginawa rin ito ng mga apostol tulad na lamang ni Apostol San Pablo at ng mga sumunod sa kanila. Higit sa lahat, ginawa rin ito ng Mahal na Birheng Maria, ang Kaban ng Bagong Tipan, nang dalawin niya ang kanyang kamag-anak na si Elisabet. Ito rin ang ating tungkulin bilang mga Kristiyano. Ihatid at ipalaganap ang pag-ibig at galak na kaloob ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento