5 Hunyo 2022
Linggo ng Pentekostes (K)
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13 (o kaya: Roma 8, 8-17)/Juan 20, 19-23 (o kaya: 14, 14, 15-16. 23b-26)
Hans Multscher, Pentecost (1437), Public Domain
Ang Linggo ng Pentekostes ay kilala bilang Kaarawan ng Simbahan. Sa Linggong ito, inaaalala natin ang pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga apostol. Sinimulan agad ng mga apostol ang kanilang misyon bilang mga saksi ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay matapos ang pagpanaog ng Banal na Espiritu sa kanila. Ang misyong ito ay patuloy na tinutupad ng Simbahan sa kasalukuyan. Patuloy na sumasaksi kay Kristo Hesus na Muling Nabuhay ang Simbahan.
Pagbabago ang tema ng Linggo ng Pentekostes. Ang mga apostol ay nakaranas ng matinding pagbabago sa kanilang buhay dahil sa Espiritu Santo. Niloob ng Diyos na baguhin ng Espiritu Santo ang buhay ng mga apostol. Ang mga apostol naman ay naging bukas sa biyaya ng pagbabagong kaloob ng Diyos. Tinanggap nila ang Espiritu Santo. Dahil sa Espiritu Santo, nagbago ang kanilang buhay. Ang kanilang takot ay tuluyang napawi at napuno sila ng kagitingan upang harapin ang mga pagsubok na kaakibat ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristong Muling Nabuhay.
Isinalungguhit ng salaysay ng simula ng misyon ng Simbahan sa Unang Pagbasa ang pagbabagong dulot ng Espiritu Santo sa mga apostol. Ang mga apostol ay binago ng Espiritu Santo. Mula sa pagiging mga duwag na nagtatago mula sa mga autoridad, lumabas sila mula sa silid na kanilang pinagtitipunan at pinagtataguan upang buong sigasig na magpatotoo tungkol sa Panginoong Hesukristo. Sabi sa Salmo para sa maringal na Kapistahang ipinagdiriwang sa Linggong ito, "Espiritu Mo'y suguin, Poon, tana'y 'Yong baguhin" (Salmo 103, 30). Binago ng Espiritu Santo ang mga apostol. Dahil sa Espiritu Santo, naging mga magigiting na saksi ng Panginoong Hesukristo ang mga apostol.
Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na kung ang mga Kristiyano ay hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo, walang makapagsasabing si Hesus ay Panginoon (1 Corinto 12, 3b). Tanging ang Espiritu Santo lamang ang makakatulong sa lahat ng mga Kristiyano na ipahayag nang may lakas ng loob na si Hesus ay Panginoon at Diyos. Ito ang naranasan ng mga apostol sa Unang Pagbasa. Nagkaroon sila ng lakas ng loob upang ipahayag na si Hesus ay Panginoon at Mesiyas. Walang takot nilang ipinangaral ang Mabuting Balita tungkol kay Kristo. Dahil sa tulong ng Espiritu Santo, walang takot nilang tinupad ang misyong ibinigay sa kanila ng Muling Nabuhay na si Hesus sa Ebanghelyo. Sabi Niya sa Ebanghelyo: "Kung paanong sinugo Ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo Ko kayo" (Juan 20, 21). Isinugo ni Hesus ang mga apostol upang magpatotoo tungkol sa Kanya sa iba't ibang panig ng daigdig.
Dagdag pa ni Apostol San Pablo, dahil sa Espiritu Santo, ang bawat Kristiyano ay may karapatang tawagin ang Diyos bilang ating Ama (Roma 8, 15). Binabago ng Espiritu Santo ang lahat ng tao. Tanging ang Espiritu Santo lamang ang makakatulong sa bawat tao na baguhin ang kanilang buhay. Mula sa pagiging makasalanan, maaaring maging mga anak ng Diyos ang bawat tao dahil sa Espiritu Santo. Tutulungan rin ng Espiritu Santo ang mga anak ng Diyos na sumunod at ibigin nang buong puso bilang kapatid ang Panginoong Muling Nabuhay na si Hesus, ang Kanyang Bugtong na Anak na nagsabing "Kung iniibig ninyo Ako, tutuparin ninyo ang Aking mga utos" (Juan 14, 15). Iyan ang pagbabagong dulot ng Espiritu Santo. Ang bawat isa sa atin ay nagiging mga saksi ni Kristo at nagiging bahagi na rin ng pamilya ng Diyos.
Katulad ng mga apostol noong Pentekostes, maging bukas nawa tayo sa biyaya ng pagbabagong hatid ng Espiritu Santo. Hayaan nating tulungan tayo ng Espiritu Santo na baguhin ang ating buhay upang mamuhay tayo bilang mga anak ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento