Linggo, Mayo 1, 2022

ANG PAGTULONG NG ESPIRITU SANTO

22 Mayo 2022 
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Mga Gawa 15, 1-2. 22-29/Salmo 66/Pahayag 21, 10-14. 22-23/Juan 14, 21-29 

Anonymous (Unknown), The Last Supper (c. 1600-1650), Public Domain

Sa Ebanghelyo, nagsalita si Hesus sa mga apostol tungkol sa pagdating ng Patnubay, ang Espiritu Santo, upang samahan at tulungan sila sa kanilang misyon. Sabi Niya na darating ang Espiritu Santo, ang Patnubay na isusugo sa kanila ng Ama sa Ngalan ni Hesus, upang ituro sa kanila ang lahat ng bagay at ipaalala rin sa kanila ang lahat ng mga itinuro Niya sa kanila (Juan 14, 26). Sa pamamagitan nito, ang mga apostol ay tutulungan ng Espiritu Santo na tuparin ang mga utos at salita ng Panginoong Hesus bilang pagpapahayag ng kanilang pag-ibig sa Kanya. Sabi ng Panginoong Hesus, "Ang umiibig sa Akin ay tutupad sa Aking salita" (Juan 14, 23). 

Ipinahiwatig ng pasiya ng mga apostol at matatanda sa pagpupulong sa Herusalem na inilahad sa Unang Pagbasa ang tulong at gabay ng Espiritu Santo. Ang dahilan ng pagdaraos ng nasabing pagpupulong sa Herusalem ay upang talakayin ang paksa ng mga maaaring iligtas. Tinalakay sa pagpupulong kung ang mga mananampalataya ay kailangan bang magpatuli ayon sa Kautusan ni Moises upang maligtas. Nagkaroon ng 'di pagkakaunawaan dahil mayroong dalawang panig na magkaiba ang paniniwala tungkol sa usaping ito. Sabi ng mga bumuo sa isang panig na kailangang magpatuli ang mga mananampalatayang Hentil upang maligtas habang ang mga nasa kabilang panig naman ay nagsabing hindi na kailangan. Subalit, tinulungan at ginabayan sila ng Espiritu Santo sa kanilang pagpapasiya. Ang buod ng kanilang pasiya: layuan ang kasamaan at magpakabuti (Mga Gawa 15, 29). Sa tulong at gabay ng Espiritu Santo, mayroong pagkakataong maging Kristiyano ang bawat tao. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Nawa'y magpuri sa Iyo ang lahat ng mga tao" (Salmo 66, 4). Hindi lamang isa o dalawang tao o kaya naman ilang mga pangkat lamang ang makapagpupuri sa Panginoon. Lahat ng tao ay mayroong pagkakataong magpuri sa Diyos. Anuman ang lahi o liping kinabibilangan nila, hindi sila titigil sa pagpupuri sa Diyos sa tulong at gabay ng Espiritu Santo. Hindi namimili ng tutulungan at gagabayan ang Espiritu Santo na sundin ang mga utos ni Kristo. Ang bawat tao sa mundo ay Kanyang tutulungan at gagabayan. Subalit, nasa tao na ang desisyon kung tatanggapin nila ang tulong at gabay ng Espiritu Santo. 

Tinalakay ni Apostol San Pablo sa isa sa kanyang mga pangaral kung paanong ang bawat tao ay tinutulungan at ginagabayan ng Espiritu Santo upang maging mabuting Kristiyano. Sabi niya, "Hindi masasabi ninuman, 'Panginoon si Hesus' kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo" (1 Corinto 12, 3). Isa itong pahiwatig na walang maglalakas-loob na sumampalataya kay Kristo Hesus at sundin ang Kanyang mga utos kung hindi siya tinutulungan ng Espiritu Santo. Sa tulong ng Espiritu Santo, ang lahat ng mga Kristiyano ay nakapagpapahayag ng kanilang pag-ibig at pananalig kay Hesus sa isip, salita, at gawa. 

Mayroong gantimpala ang lahat ng mga magiging bukas sa tulong na ipagkakaloob sa kanila ng Espiritu Santo. Inilarawan ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa ang kanyang mga nakita sa isang pangitain tungkol sa Bagong Herusalem. Sa Bagong Herusalem, makakapiling ng Panginoong Hesukristo ang bawat mananampalatayang naging tapat sa Kanya sa tulong ng Espiritu Santo, ang Patnubay na ipinagkaloob ng Ama sa Kanyang Pangalan. Iyan ang gantimpalang inilaan para sa mga nagpasiyang buksan ang kanilang mga puso sa pagtulong at pamamatnubay ng Espiritu Santo. 

Alam ng Muling Nabuhay na si Hesus na lagi tayong mahihirapan sa pagtanggap at pagsunod sa Kanyang mga utos. Kaya naman, ipinagkaloob sa atin ang Espiritu Santo upang tulungan tayong tanggapin at sundin ang Kanyang salita. Ang ating pag-ibig at pananalig kay Hesus ay maipapahayag natin sa tulong ng Espiritu Santo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento