24 Hunyo 2022
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus (K)
Ezekiel 34, 11-16/Salmo 22/Roma 5, 5b-11/Lucas 15, 1-7
Unknown Painter, Sacred Heart of Jesus (https://www.catholicculture.org/culture/liturgicalyear/calendar/day.cfm?date=2021-06-11)
Inilarawan sa mga Pagbasa para sa araw na ito ang pag-ibig ng Diyos. Sabi ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel sa Unang Pagbasa na hahanapin Niya ang [mga] nawawalang tupa (34, 12). Ito rin ang binigyan ng pansin ni Hesus sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Inulit lamang ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang talinghaga sa Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahang ito ang pahayag ng Diyos sa Unang Pagbasa. Tinalakay naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang dakilang pag-ibig na ito ng Diyos. Ang Panginoong Hesus ay ipinagkaloob sa atin ng Ama bilang ipinangakong Tagapagligtas upang iligtas tayo mula sa mga puwersa ng kasalanan at kamatayan. Sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus, nahayag ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan.
Subalit, marapat lamang na pagnilayan kung paanong ang Mahal na Puso ni Hesus ay isa ring sagisag ng katarungan ng Diyos. Ang katarungan ng Panginoon ay naka-ugat sa Kanyang pag-ibig. Ang pahayag ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa ay isang napakagandang larawan ng katarungan ng Diyos. Sabi ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel sa Unang Pagbasa para sa Solemnidad na ito na tanging Siya mismo ang mag-aalaga sa Kanyang kawan (Ezekiel 34, 15). Hindi Niya hahayaang mapunta sa kamay ng mga huwad na pastol ang Kanyang kawan. Siya mismo ang magsasanggalang sa Kanyang kawan mula sa mga huwad na pastol na walang puso o pakialam para sa mga tupa. Kapag mayroong mga tupang naligaw ng landas, ang mga huwad at tiwaling pastol ay mag-aastang parang walang problema. Ni hindi niya isasaisip ang kaligtasan at kalagayan ng mga nasabing tupa. Wala nga ring pakialam ang mga tiwaling pastol kung mapapahamak ang mga nasabing tupa dahil sa kanilang kahinaan. Hindi iyan ang katarungan ng Diyos.
Mayroong mga pastol na hindi makatarungan. Mapalad tayo na ang Diyos ay hindi kabilang sa mga pastol na hindi makatarungan. Ang Diyos ay makatarungan, lalung-lalo na sa mga mardyinalisado. Ang katarungan ng Panginoong Diyos ay hindi lamang para sa mga elitista. Ito ay para sa lahat. Ipagsasanggalang ng Diyos ang lahat mula sa katiwalian at kasamaan. Hindi Niya hahayaang mapahamak ang Kanyang kawan dahil sa katiwalian at kasamaan ng mga tiwaling pinuno na walang ibang inisip kundi ang pansariling interes. Ang katarungan ng mga tiwaling pinuno ay para lamang sa kanilang mga sarili at mga alipores. Ang katarungan ng Diyos ay para sa lahat. Ang Panginoong Diyos ay hindi natutuwa sa tiwaling pamumuno. Iyan ang dahilan kung bakit ipinasiya Niyang maging pastol ng Kanyang kawan. Siya ang magpapastol sa Kanyang kawan upang maranasan nila ang Kanyang katarungang dulot ng Kanyang dakilang pag-ibig.
Ang katarungan ng Panginoong Diyos ay naka-ugat sa Kanyang pag-ibig. Ito ang nais ipaalala sa atin ng Mahal na Puso ni Hesus. Bilang Pastol, ang lahat ng mga tupa sa Kanyang kawan ay Kanyang aalagaan at ipagsasanggalang. Kapag mayroong [mga] tupang nawala, hindi Niya hahayaang mapahamak [ang mga] ito. Bagkus, gagawin Niya ang lahat mahanap lamang [ang mga] tupang nawawala. Hindi Niya hahayaang mapahamak ang Kanyang kawan. Isa lamang itong patunay na may puso ang Diyos para sa mga mardyinalisado. Hindi Siya katulad ng mga tiwaling pinuno na tanging sarili at mga alipores lamang ang iniisip. Iniisip ng Panginoon ang ikabubuti ng lahat, lalung-lalo na ng mga mahihina. Iyan ang katarungan ng Panginoon na naka-ugat sa dakilang pag-ibig Niyang walang hanggan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento