Linggo, Mayo 8, 2022

ANG ATING INA

6 Hunyo 2022 
Paggunita sa Mahal na Birheng Mariang Ina ng Simbahan 
Genesis 3, 9-15. 20 (o kaya: Mga Gawa 1, 12-14)/Salmo 86/Juan 19, 25-34 

Sandro Botticelli, The Descent of the Holy Ghost (c. 1495-1505), Public Domain

"Narito ang iyong ina!" (Juan 19, 27). Ang mga salitang ito ay binigkas ni Hesus mula sa krus kay Apostol San Juan na kumakatawan sa buong Simbahan sa mga sandaling yaon. Ang Simbahan ay pinagkalooban ng isang napakahalagang regalo: isang Ina sa katauhan ni Maria. Hindi lamang inihabilin ng Panginoong Hesus ang Mahal na Ina sa pangangalaga ni Apostol San Juan. Bagkus, ang Simbahan ay Kanya ring inihabilin sa maka-inang pagkalinga ni Maria. Sa pamamagitan ng Kanyang pagbigay kay Mariang Birhen sa Simbahan, ibinilang ni Hesus ang Simbahan sa Kanyang pamilya. 

Bilang ating Ina, hindi pabaya si Maria. Laging sinasamahan at kinakalinga ng Mahal na Birheng Maria ang lahat ng mga bumubuo sa Simbahan. Si Maria ang babaeng inilarawan ng Panginoong Diyos sa Kanyang pahayag tungkol sa Kanyang pagtubos sa sangkatauhan sa aklat ng Genesis (3, 15). Subalit, sa kabila nito, ibinigay pa rin ni Hesus si Maria sa atin upang maging ating Ina, kahit na hindi tayo karapat-dapat na mabigyan ng ganitong karangalan, pag-aruga, at pagsanggalang. Ibinigay si Maria sa atin para sa ating ikabubuti. Bilang ating Ina, ang Mahal na Birheng Maria ay laging kasama natin upang kalingain, tulungan, at ipagsanggalang. Ang kanyang ginawa sa unang kabanata ng Mga Gawa ng mga Apostol ay isang halimbawa nito. Sa silid na pinagtitipunan ng mga apostol, nandoon siya kasama nila (Mga Gawa 1, 14). 

Mayroon tayong Ina - ang Mahal na Birheng Maria. Ibinigay siya ng Panginoon sa atin upang maging ating kasama sa lahat ng oras. Hindi niya tayo pababayaan. Lagi niya tayong sasamahan, kakalingain, at ipagtatanggol. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento