29 Mayo 2022
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (K)
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23 (o kaya: Hebreo 9, 24-28; 10, 19-23)/Lucas 24, 46-53
もう分かっているよ この世の終わりでも年をとっても忘れられない人 (I already know, even at the end of this world, even if I grow old, you're unforgettable). Ang mga salitang ito ay mula sa awiting pinamagatang "One Last Kiss" na inawit ni Utada Hikaru para sa Evangelion 3.0+1.0: Thrice Upon a Time, ang ikaapat at huling pelikula ng Rebuild of Evangelion. Napakalinaw sa pamagat ng nasabing awitin kung ano ang temang tinatalakay nito. Ang awiting iyon ay tungkol sa pamamaalam sa kasintahan. Subalit, sa kabila ng kanilang paghihiwalay, hindi nila malilimutan ang isa't isa. Hindi ibabaon sa limot ang mga alaala ng kanilang relasyon dahil ang taong inilalarawan ng mga titik ng awiting ito ay naniniwalang hindi dapat limutin ang mga iyon. Ipinasiya niyang sariwain ang lahat ng mga magandang alaala ng kanilang relasyon.
Bagamat ang Pag-Akyat ni Hesus sa Langit ay hudyat ng wakas ng Kanyang misyon sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na isinugo ng Ama, hindi ito isang pamamaalam. Ang Pag-Akyat ni Hesus sa Langit ay hindi dapat pagnilayan o unawain bilang pamamaalam ng isang tao sa kanyang mga minamahal. Bagkus, ang Pag-Akyat sa Langit ni Hesus ay ang sandali kung saan ipinakita Niya sa mga apostol na hindi na Siya sakop ng panahon. Ang Panginoong Hesus ay hindi magiging isang alaaala na ibabaon na lamang sa limot paglipas ng panahon. Bagkus, mananatili pa rin Siyang kasama ng mga apostol na hindi nasasakop ng panahon. Kikilos pa rin Siya mula sa Kanyang maringal na trono sa Langit, sa kanan ng Ama (Efeso 1, 20).
Inilarawan sa Ikalawang Pagbasa ang tungkulin ni Hesus bilang Dakilang Saserdote sa Langit. Bilang Dakilang Saserdote na Siya ring nakaluklok sa kanan ng Ama, ang Panginoong Hesukristo ay patuloy na "namamagitan para sa atin" (9, 24). Subalit, sa kabila ng Kanyang tungkulin bilang Dakilang Saserdote, ang Kanyang Simbahan ay hindi Niya pinapabayaan. Patuloy Niyang sinasamahan ang Kanyang Simbahan, kahit mayroon Siyang tungkulin bilang Hari at Dakilang Saserdote. Ang Panginoong Hesus, ang Dakilang Saserdote at Haring Walang Hanggan, ay umakyat sa Langit at naluklok sa kanan ng Ama, subalit hindi Niya pinapabayaan ang Kanyang Simbahan. Gaya ng Kanyang ipinangako sa katapusan ng Ebanghelyo ni San Mateo, "Ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan" (28, 20).
Sabi sa salaysay ng Pag-Akyat sa Langit ng Panginoong Hesukristo na mababasa sa wakas ng Ebanghelyo ni San Lucas, ang mga apostol ay bumalik sa Herusalem nang may "matinding kagalakan" (24, 52). Si Hesus na umakyat sa langit ay ang dahilan ng kanilang kagalakan. Oo, nakita nilang umakyat sa langit si Hesus. Subalit, sila'y hindi Niya pinabayaan. Hindi man ito nasasaad sa Ebanghelyo ni San Lucas, subalit may pangakong binitiwan si Hesus bago Siya umakyat sa langit. Hindi Niya pababayaan ang mga apostol. Sasamahan Niya sila, kahit na nakaluklok Siya sa kanan ng Ama. Iningatan ng mga apostol sa kanilang mga puso ang pangakong ito.
Nasusulat rin sa salaysay ng Pag-Akyat ni Hesus sa Langit sa Unang Pagbasa na ang mga apostol ay magiging mga saksi Niya "sa Herusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig" (Mga Gawa 1, 8). Nasasaad rin ito sa salaysay sa Ebanghelyo ni San Lucas dahil isa lamang ang nagsulat ng dalawang aklat na ito. Sa dalawang salaysay na ito, isinalungguhit ni Hesus na magiging Kanyang mga saksi sa iba't ibang bahagi ng daigdig ang mga apostol. Sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi, hindi Niya sila pababayaan. Mula sa langit, si Hesus ay kikilos. Patuloy Siyang kikilos at sasamahan ang mga apostol.
Umakyat si Hesus sa langit at ngayo'y nakaluklok sa kanan ng Ama. Subalit, hindi ito nangangahulugang pinabayaan na Niya nang tuluyan ang Kanyang Simbahan. Mula sa langit, patuloy na kumikilos si Hesus para sa ikabubuti ng Simbahan. Hindi Niya pababayaan ang Simbahan kailanman. Si Hesus ay hindi isang alaala na ibabaon na lamang sa limot paglipas ng maraming panahon dahil patuloy Niyang sinasamahan ang Simbahan hanggang ngayon. Hindi Siya titigil kailanman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento