Linggo, Mayo 22, 2022

SA SAKRAMENTO NG EUKARISTIYA, NAHAHAYAG ANG KATARUNGAN AT PAGIGING MATUWID NG PANGINOON

19 Hunyo 2022 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (K) 
Genesis 14, 18-20/Salmo 109/11 Corinto 11, 23-26/Lucas 9, 11b-17 

Pedro Orrente, Feeding of Five Thousand (c. 1613), Public Domain

"Paalisin na po Ninyo ang mga tao nang makaparoon sila sa mga nayon sa kabukiran sa paligid upang humanap ng makakain at matutuluyan. Nasa ilang lugar na po tayo" (Lucas 9, 12). Ang mga salitang ito ay binigkas ng mga apostol sa Panginoong Hesus noong magdidilim na. Batid ng mga apostol kung nasaan sila sa mga oras na iyon. Sa ilang na lugar na iyon, mayroong limang libong tao na nagmula sa iba't ibang lugar upang makita si Hesus. Magtatakipsilim na, ang nasabing ilang na lugar ay puno pa rin ng mga taong nais makita't marinig si Hesus. Kaya, nakiusap ang mga apostol kay Hesus na pauwiin na Niya ang mga tao dahil nasa isang ilang na pook sila. Dahil dito, wala silang mahahanap na makakainan at matutuluyan sa nasabing lugar. 

Subalit, sa halip na sumang-ayon, sinabihan ni Hesus ang mga apostol na bigyan ng makakain ang mga tao (Lucas 9, 13). Sila mismo ang magbibigay ng pagkain sa mga taong nagkatipon sa ilang na pook na iyon sa mga sandaling iyon. May malalim na kahulugan ang mga salitang ito ni Hesus. Sa unang tingin o basa, hindi halata kung ano ang ibig sabihin ni Hesus. Tiyak na sasagot tayo katulad ng mga apostol noong ipinaalam nila kay Hesus na tanging limang tinapay at dalawang isda ang mayroon sa nasabing pook sa mga oras na iyon (Lucas 9, 13). Napakakaunti niyan para sa limang libong taong naroon sa lugar na iyon. 

Makakatulong ang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa Linggong ito upang lalo pa nating maunawaan kung bakit nasabi ni Hesus ang mga salitang iyon sa mga apostol. Sinabihan ni Hesus ang mga apostol na sila mismo ang dapat magbigay ng pagkain sa mga tao dahil Siya mismo ang tinapay ng buhay. Ang ibig sabihin ng mga salitang ito ni Hesus ay ituro Siya sa mga tao. Ang tanging makakapawi sa iba't ibang uri ng kagutuman at kauuhawan ng tao ay walang iba kundi si Hesus lamang. Ito ang temang nais bigyan ng pansin ng Simbahan sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon. Sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya, laging dumarating si Kristo upang ibigay ang Kanyang Katawan at Dugo bilang tunay na pagkain at inuming nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 

Kahit na nasa ilang na pook, hindi pinauwi ni Hesus ang mga tao. Isa itong patunay na batid Niya kung ano ang matuwid. Hindi lamang kawalan ng habag at malasakit ang pagpapaalis sa mga tao mula sa ilang na pook na iyon. Bagkus, hindi rin iyan matuwid at makatarungan. Si Hesus, ang tunay na matuwid, mahabagin, at makatarungan, ay hindi pumayag na paalisin na lamang ang mga tao nang hindi nila alam kung saan sila maaring bumili ng pagkain at inumin. Ayaw Niyang madisgrasya ang mga tao. Ito ang ginagawa Niya sa Banal na Eukaristiya. Ipinagkakaloob Niya ang Kanyang Katawan at Dugo upang maging ating espirituwal na pagkain at inumin. Kapag kinain at ininom natin ang Kanyang Katawan at Dugo sa Misa, ipagkakaloob Niya ang kaligtasan sa bawat isa sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang pagdating sa Banal na Misa araw-araw upang ibigay ang Kanyang Katawan at Dugo bilang tunay na pagkain at inuming walang hanggan, inihahatid Niya sa atin ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Iyan si Hesus, ang matuwid, makatarungan, mahabagin, at mapagmahal na Panginoon. 

Ang pagpapala ng Panginoong Diyos ay inihatid ng misteryosong hari at saserdoteng si Melquisedec kay Abraham sa Unang Pagbasa. Isinalaysay sa Ikalawang Pagbasa kung paanong naitatag ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Itinatag mismo ng Panginoong Hesus sa Huling Hapunan ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya, laging dumarating si Hesus upang ibigay muli ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inuming nagkakaloob ng kaligtasang walang hanggan. Kapag tatanggapin natin nang buong puso at kaluluwa ang pagkain at inuming ito, tinatanggap rin natin ang pagpapala ng walang hanggang kaligtasan. 

Batid ni Hesus na mapapahamak tayo kung hindi natin tatanggapin ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos. Kaya naman, lagi Siyang dumarating sa Misa araw-araw upang ibigay ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo bilang pagkain at inuming naghahatid ng kaligtasan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento