Huwebes, Mayo 26, 2022

MAGSALITA NANG DIRETSYO

23 Hunyo 2022 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista 
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80 

Bernardo Strozzi, Saint John the Baptist (c. 1620-1625), Public Domain

Mayroong dahilan kung bakit isinilang ang lahat ng tao sa mundo. Ito ang paksang nais pagtuunan ng pansin ng Simbahan sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista. Ang lahat ng tao sa mundo ay mayroong misyon na kailangang tuklasin at tuparin. Iyan ang dahilan kung bakit isinilang ang lahat ng tao dito sa mundo. Mayroon silang misyon o tungkulin. Isang patunay nito ay si San Juan Bautista. Ang kanyang misyon ay mayroong ugnayan sa planong binuo ng Panginoon upang iligtas ang sangkatauhan. Hindi isinilang ang bawat tao sa mundong ito upang gumala lamang sa mundong ito na parang mga turista. 

Ang pangalang ibinigay sa Tagapagbinyag na mauuna sa daan ng Mesiyas ay isa nang pahiwatig ng misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Sabi ng kanyang inang si Elisabet na kinumpirma naman ng kanyang amang si Zacarias sa pamamagitan ng kanyang sulat na Juan ang kanyang pangalan (Lucas 1, 60. 63). Ito ang pangalang ibinigay sa kanya ng Arkanghel San Gabriel noong nagpakita siya kay Zacarias sa loob ng templo (Lucas 1, 13). Ang ibig sabihin ng pangalang "Juan" ay "Ang Diyos ay mapagpala." Isa itong malinaw na pahiwatig ng misyon ni San Juan Bautista. Hinirang siya ng Diyos upang maging pagpapala sa lahat ng tao. Sa pamamagitan ng biyayang si San Juan Bautista, nahayag ang kabutihan ng Diyos sa lahat ng tao. 

Gaya ng nasasaad sa Unang Pagbasa para sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito: "Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng Panginoon. Pinili Niya ako para maging lingkod Niya" (Isaias 49, 5). Isang halimbawa si San Juan Bautista. Gaya ng ipinapahiwatig ng kahulugan ng kanyang pangalan, hinirang si San Juan Bautista upang maging isang tanda ng pagpapala ng Diyos. Sabi sa Ikalawang Pagbasa, bago dumating at lumitaw ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus, si San Juan Bautista ay nangaral tungkol sa pagbabalik-loob sa Diyos at pagbibinyag upang ihanda ang lahat para sa Kanyang pagdating (Mga Gawa 13, 24-25). 

Subalit, matatanto nating hindi gumamit ng mga matatamis na salita ang pagpapala ng Diyos na nagngangalang Juan Bautista. Bilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa tanan, diretsyahan siyang nagsalita sa mga tao tungkol sa katotohanan. Katunayan, marami sa mga katagang ginamit ni San Juan Bautista sa kanyang mga pangaral sa Ilog Jordan ay nakakasakit ng damdamin. Minsan, ang mga nagtungo sa Ilog Jordan upang makinig sa kanyang mga pangaral at magpabinyag ay tinawag niya nang may lakas ng loob na "lahi ng mga ulupong" (Mateo 3, 7; Lucas 3,7). Isa iyang patunay na hindi nagpaligoy-ligoy si San Juan Bautista sa kanyang misyon. Sa pamamagitan ng pagiging prangka, nagsalita si San Juan Bautista tungkol sa kabutihan ng Panginoong Diyos sa mga Israelita. Ang kabutihan at awa ng Panginoong Diyos ay ang dahilan kung bakit nagsugo Siya sa mga propeta. Ito rin ang dahilan kung bakit isinugo rin ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas nang dumating ang takdang panahon. 

Bagamat may ilang mga pagkakaiba sa mga misyong ibinigay sa atin ng Panginoon, isa lamang ang ating layunin. Ang ating layunin ay sumaksi tungkol sa katotohanang nagmumula sa Panginoon. Hindi tayo dapat magpaligoy-ligoy o mag-isip ng paraan upang pabanguhin ang ating mga sarili sa mata ng mga tao. Bagkus, dapat tayong maging prangka. Dapat diretsyahan tayong magpatotoo tungkol sa katotohanang si Kristo. Gaya ni San Juan Bautista, huwag tayong matakot magsalita nang diretsyo tungkol sa katotohanang kaloob ni Kristo. 

Ipinapaalala ng Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito na hindi tayo dapat matakot magsalita tungkol sa katotohanang kaloob ni Hesus. Hindi tayo dapat magpaligoy-ligoy o daanan na lamang sa mga matatamis na salita upang walang damdaming masasaktan. Katulad ni San Juan Bautista, dapat tayong maging prangka o diretsyo sa ating pagsaksi at pagpapalaganap ng katotohanang mula kay Kristo Hesus. Wala na tayong magagawa kung may mga damdaming masasaktan dahil sa katotohanang kaloob mismo ni Kristo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento