Biyernes, Hunyo 17, 2022

TUNAY NA PANANABIK

22 Hulyo 2022 
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena 
Awit ni Solomon 3, 1-4a (o kaya: 2 Corinto 5, 14-17)/Salmo 62/Juan 20, 1-2. 11-18 

Antiveduto Grammatica, Mary Magdalene at the Tomb (c. Between 1620-1622), Public Domain

Dalawang ulit na tinanong si Santa Maria Magdalena tungkol sa kanyang hinahanap sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito na inilaan ng Simbahan sa paggunita sa kanyang kabanalan. Ang unang nagtanong sa kanya tungkol sa kanyang hinahanap ay ang dalawang anghel sa libingan ng Panginoon at ang pangalawang nagtanong ay ang mismong Panginoong Hesus na Muling Nabuhay na inakala niyang isang tagapag-alaga ng halamanan. Dalawang ulit niyang sinagot na si Kristo Hesus lamang ang kanyang hinahanap. Katunayan, ang sabi ni Magdalena sa kanyang sagot ay ang bangkay ni Hesus ang hinahanap niya dahil akala niyang patay pa si Hesus (Juan 20, 13. 15). 

Bagamat akala ni Magdalena na patay pa si Hesus sa mga sandaling yaon, malinaw na nasasabik siya kay Hesus. Ang kanyang pananabik na makita at makapiling muli ang Panginoon ay hindi maipagkakaila. Napakalinaw nito sa kanyang pag-iyak dahil inakala niyang ninakaw ang bangkay ni Kristo Hesus. Kahit nagkamali siya ng akala, hindi maipagkakailang tunay niyang minahal si Kristo. Umiyak siya dahil akala niyang wala nang gumalang kay Kristo. Kahit patay na si Kristo, hindi Siya ginalang. Dahil sa kawalan ng paggalang kay Kristo, ninakaw ng Kanyang mga kaaway ang Kanyang bangkay. Hindi na nga Siya ginalang sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, hindi rin Siya ginalang noong patay na Siya. Iyon ang akala ni Magdalena.

Ang paghahangad ni Santa Maria Magdalena para sa Panginoong Hesus ay tulad ng pananabik ng mang-aawit sa Salmo para sa araw na ito. Inihayag ng mang-aawit sa Salmo ang kanyang taos-pusong pananabik para sa Panginoon. Wala siyang ibang hinangad o pinanabikan kundi ang Panginoong Diyos. Katulad ng mang-aawit na ito, walang ibang hinangad si Maria Magdalena kundi ang Panginoong Hesukristo. Ang kanyang dalamhati noong si Hesus ay namatay sa krus ay taos-puso. Ang kanyang dalamhati nang hindi niya mahanap si Hesus ay tunay at taos-puso rin. 

Kaya naman, noong ipinakilala ng Muling Nabuhay na si Hesus ang Kanyang sarili sa huling bahagi ng Ebanghelyo, tuluyang napawi ang dalamhati ni Magdalena at naging galak. Batid ni Hesus na tunay ang pananabik ni Magdalena para sa Kanya. Dahil dito, ipinagkaloob ni Hesus kay Santa Maria Magdalena ang kanyang hangad. Tinawag ng Panginoong Hesukristo si Magdalena sa kanyang pangalan upang patunayang tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli. Ang galak ni Maria Magdalena ay tulad ng galak ng babae sa Unang Pagbasa nang makapiling niya ang kanyang iniibig. 

Si Hesus ang kinasabikan ni Santa Maria Magdalena. Subalit, hindi lahat ay nasasabik para sa Panginoon. Ito ang nakakalungkot at napakasakit na katotohanan, lalung-lalo na sa kasalukuyan. Ang masaklap, may ilan sa kanila na nagmumula sa Simbahan. Sa halip na hangarin at kasabikan si Hesus, iba ang kinasasabikan at hinahangad. Ang kinasasabikan at hinahangad ng ilan ay ang mga tiwali, sinungaling, magnanakaw, at mamatay-tao. Ito ang kabaliktaran ng hinahangad ni Santa Maria Magdalena at ng iba pang mga banal. Hindi na si Hesus ang kinasasabikan at hinahangad. Ang mga tiwali naman ay naghahangad ng kayamanan, kapangyarihan, at pansariling interes. Lumalaganap ang pagkagahaman, kasakiman, pagnanakaw, panlilinlang, at iba pa dahil dito. Iba na talaga ang panahon ngayon. Ang Panginoong Hesukristo na nag-alay ng sarili para sa atin, katulad ng inilarawan ni Apostol San Pablo sa alternatibong Unang Pagbasa, ay hindi na kinasasabikan at hinahangad ng ilan.

Tinatanong tayo sa Linggong ito - sino o ano ang tunay nating kinasasabikan at hinahangad? Si Hesus ba? O may ibang nagpalit sa Kanya? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento