Huwebes, Hunyo 16, 2022

LAGI SIYANG DUMADALAW

17 Hulyo 2022 
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Genesis 18, 1-10a/Salmo 14/Colosas 1, 24-28/Lucas 10, 38-42 

Otto van Veen, Christ in the House of Mary and Martha (c. Between 1590 and 1620). Photo Credit: Calderdale Metropolitan Borough Council (Collection) ©, https://artuk.org/discover/artworks/christ-in-the-house-of-mary-and-martha-21560, licensed under CC BY-NC-ND

Hindi isang pangkaraniwang bisita ang tinatanggap sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang bisitang tinatanggap at inaasikaso sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Ito ang aral na itinuturo sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito. Tayong lahat ay laging dinadalaw ng Diyos, lalung-lalo na sa panahong hindi natin inaaasahan. Hindi lamang natin ito napapansin dahil sa bilis ng oras at sa dami ng ating mga ginagawa. 

Bakit tayo dinadalaw ng Panginoong Diyos araw-araw? Sabi ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa na sumasaatin si Kristo Hesus at ito mismo ang dahilan kung bakit mayroon tayong pag-asang makapiling ang Banal na Santatlo sa kaluwalhatian sa langit (Colosas 1, 26). Patuloy tayong dinadalaw ng Diyos upang ipaalala sa atin ang pag-asang Kanyang hatid sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Mayroong mga nagbubukas ng kanilang mga sarili sa Panginoong Diyos, katulad na lamang ni Abraham sa Unang Pagbasa at ng magkapatid mula sa bayan ng Betania na sina Santa Marta at Santa Maria sa Ebanghelyo (hindi binanggit si San Lazaro sa salaysay sa Ebanghelyo, subalit tiyak na nandoon din siya sa mga sandaling yaon at bukas-loob rin niyang tinanggap ang Panginoong Hesus). Lagi nilang binubuksan ang kanilang mga sarili sa Panginoon at tinatanggap nila Siya araw-araw. Ang kanilang pagtanggap sa Diyos ay taos-puso. Ang Panginoon ay inaanyayahan nilang tumuloy at maghari sa kanilang buhay. 

Subalit, hindi lahat ay nagbubukas ng kanilang mga sarili sa Diyos. Mayroong mga hindi nagbubukas ng kanilang mga sarili sa Diyos. Mas pipiliin nilang maging bukas sa mga magnanakaw, sinungaling, at mamamatay-tao. Sa halip na piliin ang mga tapat, pipiliin nila ang mga tiwali. Para sa kanila, mas mapagkakatiwalaan ang mga tiwali kaysa sa mga tapat. Kapag sinabihang magnanakaw, sinungaling, o mamamatay-tao ang kanilang sinusuportahan at pinapanigan, agad silang magagalit at ipagtatanggol nila nang may buong sigasig ang mga personalidad na ito, kahit totoo naman iyon. Sa halip na mamulat sa katotohanan tungkol sa mga nasabing personalidad, pinili nilang magpauto at magbulag-bulagan. Dahil diyan, hindi nila mabuksan ang kanilang mga sarili sa Diyos. Kung hindi nila maibukas ang kanilang mga sarili sa mga tapat na tao, paano pa kaya kapag lumapit sa kanila ang Diyos na Siyang bukal ng katotohanan? Si Hesus ang nagsabi noong gabi bago Siya mamatay: "Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay" (Juan 14, 6). Araw-araw dumadalaw si Kristo Hesus. Subalit, hindi Siya pinapansin o pinagbubuksan ng ilan dahil pinili nilang tanggapin at panigan ang mga sinungaling, magnanakaw, at mamamatay-tao. Nakakalungkot, nakakadismaya, at napakasakit tanggapin. Subalit, ito ang katotohanan, lalo na sa kasalukuyan. 

Ang masaklap, mayroong ilang mga Katoliko na pumapanig sa mga tiwali. Pumanig sila sa mga tiwali. Kahit alam nilang mga tiwali, pinagkakatiwalaan pa rin sila. Ito ang nakakalungkot. Ipinagpapalit si Kristo sa mga personalidad na tiwali. Mas madaling ipagpalit si Kristo Hesus sa mga personalidad, kahit na mga tiwali ang mga nasabing personalidad. Nakakalungkot. Nakakadismaya. Napakasakit tanggapin. 

Ipinapaalala sa atin sa Linggong ito na laging dumadalaw si Hesus sa ating buhay, lalung-lalo na sa mga sandaling hindi natin akalain o aasahan. Tatanggapin ba natin Siya nang buong puso? Bubuksan ba natin ang ating mga sarili sa Kanya? Bibigyan ba natin Siya ng pahintulot na tumuloy at manahan sa ating buhay? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento