27 Hunyo 2022
Kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo
Isaias 7, 10-17/Salmo 71/Pahayag 12, 1-6. 10/Juan 19, 25-27
Hindi lamang ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ang ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Hindi lamang ang biyaya ng kaligtasan at kalayaan ang ipinagkaloob Niya sa atin. Marami Siyang biyayang ipinagkaloob sa atin. Sa araw na ito, itinatampok ang isang 'di inaasahang biyayang kaloob ng Diyos - ang biyaya ng isang Ina. Ang biyaya ng Mahal na Birheng Maria. Batid naman nating lahat na hinirang ng Diyos si Maria upang maging Ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Subalit, nais pa rin ng Diyos na maranasan natin ang Kanyang patuloy na pagtanggol at pagligtas. Kaya, ibinigay ng Diyos si Maria sa atin upang maging Ina ng buong Simbahan. Ang biyaya ng kaligtasan at pagtanggol ng Diyos ay patuloy na ipinapaalala sa atin ng Mahal na Birheng Maria dahil siya mismo ang magtatanggol at tutulong sa atin. Dahil dito, ang Mahal na Birheng Maria ay ating kinikilala bilang Ina ng Laging Saklolo. Ang tulong at pagsanggalang ng Diyos ay lagi niyang inasalamin bilang ating Ina.
Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Ang sanggol na lalaki na ipaglilihi at ipanganganak ng isang dalaga ang magiging ipinangakong Manunubos (Isaias 7, 14). Darating sa pamamagitan ng sanggol na lalaking ito, na tatawaging Emmanuel, ang biyaya ng kaligtasan sa lahat. Sa Ebanghelyo, kahit na nakabayubay sa krus, ipinagkaloob ng Emmanuel na si Kristo Hesus kay Apostol San Juan na kumatawan sa Simbahan sa mga sandaling yaon ang Mahal na Birheng Maria (Juan 19, 26-27). Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Juan ay nagsulat tungkol sa "isang babaeng nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya'y may koronang binubuo ng [labing-dalawang] bituin" (Pahayag 12, 1). Iyan si Maria: Reynang Ina ni Hesus at Reynang Ina nating lahat. Bilang ating Reynang Ina, lagi siyang handang isalamin ang tulong at sanggalang ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang maka-inang pagsanggalang at pagtulong sa atin.
Totoo ang pagtulong at pagsanggalang ng Panginoong Diyos na laging isinasalamin ng maka-inang pagkalinga, pagtulong, at pagsanggalang ng Mahal na Inang si Maria. Subalit, nakakalungkot isipin na hindi ito tinatanggap ng marami, lalung-lalo na ang ilan sa mga bumubuo ng mismong Simbahan. Bagamat isinisikap ng mga pari, mga obispo, mga madre, at iba pang mga katulad nila na ituro ang lahat ng mga Katoliko kay Hesus tulad ng ginagawa ni Maria, may ilang hindi nakikinig sa kanila. Bagkus, pinili nilang pakinggan ang mga tiwali at mapanlinlang na pinuno. Ang masaklap, ginawa pa nilang mga bagong diyos ang mga pinunong ito na walang ibang ginawa kundi mang-uto ng mga tao upang makamit ang kanilang mga sariling interes. Hindi na pinapanigan ang Panginoong Hesus kundi ang mga magnanakaw, mamamatay-tao, at mapaglinlang. Mas ginusto pa nilang magpauto sa mga kasinungalingan ng mga kilalang pinunong tiwali, sinungaling, at mamamatay-tao.
Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na tunay ang tulong at sanggalang ng Panginoon sa pamamagitan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo. Hindi ito hungkag tulad ng mga tiwaling pinuno na nang-uuto ng kapwa upang makamit ang interes ng kanilang mga alipores at ang interes ng kanilang mga sarili. Hindi ganyan kumilos ang Diyos. Ang Diyos ay laging handang tumulong at magsanggalang sa atin. Lagi itong ipinapaalala ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng kanyang maka-inang pagtulong at pagsanggalang. Iyan ang totoo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento