24 Hulyo 2022
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Genesis 18, 20-32/Salmo 137/Colosas 2, 12-14/Lucas 11, 1-13
"Humingi kayo, at kayo'y bibigyan; humanap kayo, at kayo'y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto'y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap, at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok" (Lucas 11, 9-10). Ito ang mga salita ng Panginoong Hesus sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo para sa Linggong ito matapos ituro ang panalanging "Ama Namin." Isinasalungguhit ng mga salitang ito ng Panginoon ang kahalagahan ng walang sawang pananalangin nang may pananalig. Hindi tayo dapat panghinaan ng loob o matakot kapag nananalangin sa Diyos. Handa Siyang makinig sa ating mga panalangin. Manalangin tayo sa Kanya nang may kababaang-loob at pananalig. Ang Diyos ay nalulugod kapag nananalangin tayo sa Kanya nang may kababaang-loob at matibay na pananalig sa Kanya.
Subalit, may mga magtataka kung bakit hindi lahat ng mga panalangin at kahilingan ay tinutupad at ipinagkakaloob ng Diyos. Sabi ni Hesus "Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit?" (Lucas 11, 13). Isa lamang ang ibig sabihin nito. Batid ng Diyos kung ano ang nakabubuti para sa atin. Minsan, magkaiba ang ating opinyon sa opinyon ng Ama tungkol sa ating ikabubuti. May mga bagay na akala nating mabuti ngunit sa paningin ng Diyos, wala namang mabuting idudulot iyon.
Isang halimbawa na lamang nito ay si Abraham sa Unang Pagbasa. Paulit-ulit siyang nanalangin sa Panginoong Diyos na huwag wasakin ang Sodoma at Gomorra. Hindi lamang si Lot ang kanyang ipinagdasal kundi ang potensyal na limampu, apatnapu, tatlumpu, dalawampu, o kaya sampung matutuwid na taong nakatira doon. Kahit na pumayag ang Panginoong Diyos na huwag wasakin ang Sodoma at Gomorra kung may sampung taong matuwid man lamang nandoon, itinuloy pa rin Niya ito. Ang mga bayan ng Sodoma at Gomorra ay ginuho pa rin ng Panginoong Diyos sapagkat wala kahit sampung matuwid na tao na nakatira roon kundi si Lot at ang kanyang pamilya. Dagdag pa rito, naging haliging asin ang asawa ni Lot sapagkat lumingon siya habang sila'y tumatakas mula sa Sodoma at Gomorra (Genesis 19, 26).
Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa pinakadakilang biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos sa Ikalawang Pagbasa. Ito ay walang iba kundi ang biyaya ng kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Ito ang pinakadakilang biyaya. Kung ang kaligtasan at kapatawaran ng mga kasalanan ay ibinigay Niya sa atin, bakit ba Siya magkakaloob ng mga masasamang bagay sa atin? Mabuti at maganda ang lahat ng ipinagkakaloob sa atin ng Diyos.
Mabuti ang lahat ng mga ipinagkakaloob sa atin ng Amang nasa langit. Tatanggapin ba natin ang mga ito nang buong pananalig, pasasalamat, at kababaang-loob? Tayo ang magpapasiya kung tatanggapin natin ang mga kaloob na ito ng Ama o ang mga inaalok ng mga tiwaling walang ibang hangad kundi mapahamak tayo samantalang sila naman ay namumuhay nang maginhawa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento