29 Hunyo 2022
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19
Apostol, martir, haligi. Ang mga salitang ito ay madalas gamitin upang ilarawan ang dalawang santong itinatampok ng Simbahan sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito na walang iba kundi si Apostol San Pedro at San Pablo. Si Apostol San Pedro ay ang unang Santo Papa ng Simbahan habang si Apostol San Pablo naman ay kilala bilang apostol at misyonero sa mga Hentil. Sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga apostol, misyonero, at saksi ni Kristo Hesus, ang dalawang ito ay laging nagpakita ng kagitingan. Hanggang sa kanilang kamatayan bilang mga martir, hindi sila bumitaw sa pananampalatayang kanilang pinalaganap at pinatotohanan.
Isinalaysay sa Ebanghelyo ang paghirang ng Panginong Hesus kay Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahan. Sinasagisag ito ng Kanyang pagbigay ng mga susi sa kaharian ng langit kay Apostol San Pedro. Si Apostol San Pablo naman ay hinirang naman ng Panginoong Hesukristo sa ikasiyam na kabanata ng Mga Gawa ng mga Apostol. Bagamat magkaiba ang kanilang mga nakaraan at pinanggalingan, ang dalawang ito ay hinirang ni Hesus para sa isang napakabigat na misyon. Iniatasan ang dalawang ito upang sumaksi tungkol kay Hesus sa iba't ibang bahagi ng mundo. Katunayan, mas mabigat ang tungkulin ni Apostol San Pedro sapagkat iniatasan siya ni Hesus upang maging Kanyang Bikaryo sa mundo.
Sa bawat sandali ng kanilang misyon, maraming pagsubok at pag-uusig ang kanilang hinarap at tiniis. Halimbawa na lamang ang naranasan ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa. Siya ang Unang Santo Papa ng tunay na Simbahang itinatag mismo ni Hesus. Subalit, sa kabila nito, hindi siya naligtas mula sa pag-uusig. Kung tutuusin, bagamat nagsisimula pa lamang siya sa pagtupad ng kanyang misyon bilang saksi ni Kristo at unang Santo Papa ng Simbahan, muntik na siyang mamatay. Kahit na tila masyado pang maaga para matapos ang kanyang misyon, hindi maipagkakailang si Apostol San Pedro ay muntik nang mamatay nang maaga. Naligtas lamang siya dahil tinulungan siya ng isang anghel ng Panginoon na tumakas mula sa bilangguan. Ang Diyos ang nagligtas kay Apostol San Pedro mula sa kapahamakan at kamatayan.
Pati si Apostol San Pablo ay hindi naligtas mula sa pag-uusig. Ipinahiwatig niya ito sa kanyang mga isinulat kay San Timoteo na itinampok sa Ikalawang Pagbasa para sa araw na ito. Sa bawat sandali ng kanyang pagmimisyon, marami siyang hinarap at tiniis na pagsubok at pag-uusig. Subalit, napagtagumpayan niya ito dahil lagi siyang sinamahan, tinulungan, at iniligtas ng Panginoon. Nanatili siyang tapat sa Panginoon hanggang wakas dahil tinulungan, sinamahan, at iniligtas siya ng Panginoon. Kung wala ang Panginoon, walang mararating si Apostol San Pablo at tiyak na isusuko na lamang niya agad ang kanyang pagmimisyon.
Matinding pagsubok at pag-uusig ang naranasan ng dalawang ito. Isang pahiwatig nito ay ang pamamaraan ng kanilang pagkamatay bilang mga martir. Paulit-ulit na inusig ang dalawang dakilang apostol at martir na ito dahil kay Kristo Hesus. Hindi sila naging ligtas mula sa pag-uusig, kahit na nagsisimula pa lamang sila sa kanilang pagmimisyon. Iyan ang katotohanan. Katulad ni Hesus, hindi sila tinanggap ng lahat dahil sa kanilang ipinangangaral. Katunayan, tanging si Hesus mismo ay ang dahilan kung bakit sila inusig.
Hindi naging ligtas ang Simbahan mula sa pag-uusig. Pati sa kasalukuyang panahon, patuloy na nagdaranas ng pag-uusig ang Simbahan. Ang masakit pa dito, pati ang ilang mga Katoliko, nakikisama na rin sa pag-uusig sa Simbahan. Sa halip na piliin ang Panginoong Hesukristo na pinatotohanan ng Simbahan, pinipili pa rin nila ang mga tiwali, mapanlinlang, at mamamatay-tao. Ang masakit pa nito, kung sino pa ang mga sinungaling, mamamatay-tao, at tiwali, sila pa ang ginagawang diyos. Ang tunay na Diyos ay ipinagpalit sa mga tiwali, sinungaling, at mamamatay-tao. Kung sino pa ang mga tiwali, sinungaling, at mamamatay-tao, sila pa ang sinasamba ng marami sa lipunan, lalo na ng ilang Katoliko. Ito ang pinakamasakit na katotohanan tungkol sa kasalukuyan. Napakasakit ang katotohanang ito: pinili ng ilan ang tinig ng mga tiwali, mapanlinlang, at mamamatay-tao na walang ibang layunin kundi utuin ang mga tao. Nakakalungkot. Nakakadismaya. Napakasakit. Ang Panginoong Hesus ay ipinagpalit sa mga magnanakaw, sinungaling, at mamamatay-tao na walang ibang inisip kundi ang sarili nilang interes at ang interes ng kanilang mga alipores.
Bagamat laging inuusig ang Simbahan sa paglipas ng panahon sa iba't ibang paraan, hindi siya pinabayaan ng Panginoon. Ang buhay nina Apostol San Pedro at San Pablo ay isa lamang patunay na hindi tayo pababayaan ng Panginoon. Bagkus, palagi Niya tayong sasamahan, tutulungan, at ililigtas. Subalit, nasa atin pa rin ang pasiya kung mananatili tayong tapat sa Kanya, tulad nina Apostol San Pedro at San Pablo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento