31 Hulyo 2022
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Mangangaral 1, 2; 2, 21-23/Salmo 89/Colosas 3, 1-5. 9-11/Lucas 12, 13-21
Photo Credit: Arabs for Christ / FreeBibleimages.org under CC BY-SA.
Matapos pagsabihan ang isang tao tungkol sa kanyang problema sa mana sa unang bahagi ng Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga ng mayamang hangal. Sa pamamagitan ng pagsalaysay ng talinghagang ito, nagbigay ng isang babala laban sa kasakiman si Hesus. Inilarawan ni Hesus sa talinghagang ito kung gaano kalakas ang impluwensiya ng kasakiman sa isip ng tao. Walang magandang idudulot ang pagiging sakim. Ang kasakiman ay nagdudulot lamang ng kahibangan at kahangalan na siyang umuudyok sa isang tao na manlinlang, magnakaw, at pumatay.
Itinuturo ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung ano ang dapat asamin at hangarin. Hindi tayo dapat magpaalipin sa kasakiman. Bagkus, dapat nating asamin at hangarin ang langit (Colosas 3, 1-2). Bilang mga Kristiyano, pinagkalooban tayo ng kalayaan at kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Dahil dito, ang iba't ibang kasalanan katulad na lamang ng kasakiman ay dapat nating tutulan sapagkat si Kristo at ang Kanyang kaharian sa langit ang dapat asamin at hangarin.
Nakakalungkot at nakakadismaya sapagkat mayroong mga patuloy na nagpapaalipin sa kasakiman at kasalanan sa kasalukuyan. Ito ang umuudyok sa kanila na manloko, mangulimbat, at pumatay ng tao na walang kalaban-laban. Pinili nilang maging mga alipin ng kasakiman at kasalanan sa halip na tanggapin ang biyaya ng kaligtasan at kalayaang kaloob ni Kristo Hesus. Nakakalungkot na pinipilit rin nilang idamay ang ibang tao na ayaw naman nilang sumama sa kanila magpaalipin sa kasakiman. May balak silang ipahamak ang iba. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pambubudol, pang-aapi, pagnanakaw, at pagkitil ng buhay. Mga walang awa.
Dahil sa kanilang pambubudol at pang-aapi, marami ang nagtatanggol sa kanila. Ang masaklap, mayroong ilan mula sa Simbahan na kumukunsinti sa kanila. Sa halip na tumindig at magsalita laban sa pang-aapi at panlalamang ng mga nagpapaalipin sa kasakiman, ipinasiya nilang magbulag-bulagan at manatiling tahimik na lamang. Sa halip na gamitin ang kanilang tinig upang manindigan laban sa garapalang pang-aapi, panlilinlang, pagnanakaw, at pagkitil ng buhay, tikom ang kanilang mga labi. Kapag nagsalita ang Simbahan laban sa kulturang ito, sila pa ang galit. Nakakadismaya ito sapagkat lalo lamang lumalaganap ang kahibangan at kahangalan sa lipunan.
Ang babala ng Panginoon na inilahad sa mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tunay ngang napapanahon. Walang silbi ang pagiging sakim. Kung magpapalipin na lamang tayo sa kasakiman, pinapairal lamang natin ang kahibangan at kahangalan. Tandaan, hindi natin madadala ang mga kayamanang ito sa kabilang buhay. Higit na dakila ang mga bagay sa langit kaysa sa mga bagay dito sa lupa. Kapag may mga nagpasiya pa ring magpaalipin sa kasakiman at pinairal ang garapalang panlilinlang, pagnanakaw, pang-aapi, at pagkitil ng buhay sa lipunan, ang Diyos na ang hahatol sa inyo.
Huwag kalimutan ang mga salitang ito na binigkas ni Hesus: "Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong sanlibutan kung ang katumbas naman nito'y ang kanyang buhay? Ano nga ang mapapala niya kung siya'y mapapahamak?" (Mateo 16, 26; Marcos 8, 36; Lucas 9, 25 - especially the last part)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento