Sabado, Agosto 20, 2022

DIYOS NG KATOTOHANAN

29 Agosto 2022 
Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, martir 
Jeremias 1, 17-19/Salmo 70/Marcos 6, 17-29 


Inilaan ng Simbahan ang araw na ito sa paggunita sa isang malagim na kaganapan sa kasaysayan ng kaligtasan. Matapos ihanda ang daraanan ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus, namatay bilang isang martir si San Juan Bautista. Gaya ng nasasaad sa Ebanghelyo para sa araw na ito, ang paraan ng pagkamatay ni San Juan Bautista ay pagpugot ng ulo. Inutusan ni Haring Herodes ang kanyang mga kawal na pugutan ng ulo si San Juan Bautista bilang pagtupad sa kanyang pangako kay Salome na ibigay sa dalaga ang kanyang hiling. Isang malalim na dahilan kung bakit ito hiniling ng dalagang si Salome - ito ang kagustuhan ng kanyang inang si Herodias. Malalim ang galit ni Herodias kay San Juan Bautista dahil sa kanyang mga pangaral.  

Ano ang pangaral ni San Juan Bautista na naging dahilan ng pagtanim ng matinding galit at poot sa puso ni Herodias? Ang kanyang pangaral laban sa pakikiapid. Sabi sa unang bahagi ng Ebanghelyo na nagsalita si San Juan Bautista laban sa pagsasama nina Haring Herodes at Herodias na asawa ni Felipe dahil hindi naman sila magkabiyak (Marcos 6, 18). Nagalit rin si Herodes kay San Juan Bautista, subalit 'di hamak na mas nagalit si Herodias kaysa kay Herodes dahil binalak ni Herodias na ipapatay agad ang Tagapagbinyag. Hindi matanggap ni Herodias ang napakasakit na katotohanang nagkakasala siya sa mata ng Diyos sa pamamagitan ng pakikiapid. 

Nakaranas rin ng mga pag-uusig ang mga Propeta sa Matandang Tipan, katulad na lamang ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa para sa araw na ito. Katunayan, sa Unang Pagbasa, inilarawan mismo ng Panginoong Diyos kay Propeta Jeremias kung ano ang dapat niyang asahan sa kanyang pagmimisyon bilang Kanyang Propeta. Si Propeta Jeremias ay hindi pakinggan ng marami sa bayang Israel, kahit na isinugo pa siya ng Diyos. Kahit ang Panginoong Diyos mismo ang humirang sa Kanya, hindi siya tatanggapin o pakikinggan ng marami. Kamumuhian siya ng marami at uusigin dahil isa siyang tunay na Propeta ng Diyos. 

Masakit ang katotohanan. Subalit, hindi iyon magbabago. Sa Diyos nagmumula ang katotohanan. Ang tanong - tatanggapin ba natin ito o hindi? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento