Biyernes, Agosto 19, 2022

PAALALA TUNGKOL SA KABABAANG-LOOB

28 Agosto 2022 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 3, 19-21. 30-31 (gr. 17-18. 20. 28-29)/Salmo 67/Hebreo 12, 18-19. 22-24a/Lucas 14, 1. 7-14

Malinaw na inilarawan sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito ang aral na nais ituro ng Simbahan sa atin sa Linggong ito. Ang aral na itinuturo sa atin sa Linggong ito ay ang kahalagahan ng kababaang-loob. Katunayan, ilang ulit na itinuro ng Simbahan ang aral na ito. Subalit, ang aral na ito ay muling itinuturo ng Simbahan upang hindi natin ito makalimutan. Dahil dito, ang mga mahahalagang aral tulad na lamang nito ay paulit-ulit na ipinapaalala ng Inang Simbahan sa atin at patuloy itong gagawin ng Inang Smbahan nang sa gayon ay hindi ito makalimutan. 

Ang pangaral sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ay nagsimula sa pamamagitan ng mga ganitong kataga: "Anak ko, maging mapagpakumbaba ka sa pagtupad ng tungkulin, at mamamahalin ka ng mga malapit sa Diyos. Habang ikaw'y dumadakila, lalo ka namang magpakumbaba; sa gayo'y kalulugdan ka ng Panginoon" (Sirak 3, 17-18). Napakalinaw sa mga salitang ito kung ano ang nais pagtuunan ng pansin ng mangangaral na ito: ang kahalagahan ng kababaang-loob. Ang mga naghahangad na kalugdan ng Panginoong Diyos ay magpakumbaba.

Kinalulugdan ng Panginoong Diyos ang mga may kababaang-loob. Bakit? Hindi nila nakakalimutan ang kadakilaan ng Diyos. Hindi nila nakakalimutan ang kadakilaan ng Diyos na inilarawan sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito. Ang Diyos ay ang pinakadakila sa lahat. Hindi Siya dapat limutin. Gaano man kalayo ang narating ng isang tao sa buhay, ilang ulit man siya magtagumpay, ang Diyos ay hindi niya dapat limutin. Dahil hindi siya nilimot ng Diyos, hindi rin niya dapat limutin ang Diyos. 

Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo na ang mga nagpapakataas ay ibaba at ang nagpapakababaa ay itataas (Lucas 14, 11). Sa pamamagitan ng mga salitang ito na binigkas ng Panginoong Hesukristo sa Kanyang pangaral tungkol sa mabuting pakikitungo at kababaang-loob, naisalungguhit ang kahalagahan ng birtud na ito. Ang birtud na ito ay napakahalaga sapagkat ipinapakita nito na ang Diyos ay hindi nakakalimutan ng tao. 

Laging ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang kahalagahan ng pamumuhay nang may kababaang-loob. Sa pamamagitan ng kababaang-loob, naaalala natin ang Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento