Sabado, Oktubre 22, 2022

ANG KATOTOHANAN TUNGKOL SA WALANG HANGGAN

6 Nobyembre 2022 
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
2 Macabeo 7, 1-2. 9-14/Salmo 16/2 Tesalonica 2, 16-3, 5/Lucas 20, 27-38 (o kaya: 20, 27. 34-48) 

Jan van Eyck, The Ghent Altarpiece: Singing Angels (detail), from the Saint Bavo Cathedral Collection, is under the Public Domain ("No Known Copyright") due to its age.

"Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae'y nag-aasawa, ngunit ang mga lalaki't babaing karapat-dapat na muling buhayin para sa kabilang buhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. At sila'y mga anak ng Diyos yamang muli silang binuhay" (Lucas 20, 34-36). Ang mga salitang ito ay binigkas ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo bilang tugon sa tanong sa Kanya ng mga Saduseo tungkol sa pagkabuhay na muli ng mga nangamatay na tao. Hindi lamang inilarawan ni Hesus sa sagot Niyang ito ang pagkabuhay na mag-uli ng mga yumao. Bagkus, inilarawan rin Niya ang katotohanan tungkol sa kabilang buhay - ang walang hanggan. Sa kabilang buhay, matatagpuan ang walang hanggan. Ang buhay dito sa mundo ay pansamantala lamang. Ang kabilang buhay ay walang hanggan. 

Muling itinutuon ng Simbahan ang ating mga kamalayan sa katotohanan tungkol sa buhay dito sa mundo at sa kabilang buhay. Hindi matatagpuan sa mundong ito ang walang hanggan. Mayroong hangganan ang buhay dito sa mundo. Ang dami ng mga libingan o sementeryo ay isang patunay nito. Ang walang hanggan ay matatagpuan sa kabilang buhay. Isa lamang sa dalawang ito ang ating mapupuntahan pagsapit ng panahong tatawid tayo sa kabilang buhay - sa piling ng Diyos sa Kanyang kaharian sa kalangitan o sa naglalagablab at hindi mamamatay na apoy ng impiyerno kasama ang demonyo at ang kanyang mga kampon. Paalala lamang na ang Purgatoryo ay pansamantala lamang dahil ang mga kaluluwang naroroon ay tutungo rin sa langit balang araw. Pinili ng mga kaluluwang nasa Purgatoryo ang langit. Dinadalisay lang sila roon bilang paghahanda para sa kanilang pagpasok sa langit. 

Inihayag ng isang ina at ang kanyang pitong anak na lalaki sa Unang Pagbasa ang paniniwala nila sa kabilang buhay at ang pagkabuhay na muli ng mga nangamatay na tao. Ito ang dahilan kung bakit hindi sila natakot mamatay bilang mga martir. Nanalig at umasa sila sa pangako ng buhay na walang hanggan sa kaharian ng Panginoong Diyos sa langit. Ang kanilang kabanalan at katapatan sa Panginoong Diyos hanggang sa huli ay gagantimpalaan.  

Nagbigay ng mga salitang nagpapalakas at nagpapanatag ng loob sa mga Kristiyano sa Tesalonica si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Humingi rin siya ng mga panalangin mula sa kanila. Sa mga salitang ito, pinagtuunan ng pansin ang kabilang buhay. Sa pamamagitan nito, itinuro ni Apostol San Pablo na ang buhay sa mundo ay isang paghahanda para sa kabilang buhay. Sa mundong ito, pinagpapasiyahan natin at pinaghahandaan ang kabilang buhay. Magiging tapat ba tayo sa Panginoong Diyos o hindi? Tayo mismo ang magpapasiya. Ipinasiya ni Apostol San Pablo na manatiling tapat sa Panginoon hanggang sa huli. Ito rin ba ang magiging pasiya natin? 

Ang walang hanggan ay hindi matatagpuan dito sa mundo. Ang walang hanggan ay matatagpuan sa kabilang buhay. Kaya, ngayon pa lamang, paghandaan na natin ang kabilang buhay. Habang namumuhay at naglalakbay tayo sa mundo kung saan may hangganan ang lahat, pagpasiyahan at paghandaan natin ang kabilang buhay. Kung nais nating makapiling ang Panginoong Diyos sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit magpakailanman, tahakin natin ang landas ng kabanalan at maging tapat tayo sa Kanya hanggang sa huli. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento