Biyernes, Mayo 24, 2019

ANG TUNAY NA UMIIBIG AT SUMASAMPALATAYA KAY KRISTO

26 Mayo 2019 
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) 
Mga Gawa 15, 1-2. 22-29/Salmo 66/Pahayag 21, 10-14. 22-23/Juan 14, 23-29 

CTTO: LightWorkers Media

Sa Ebanghelyo, inilahad ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay sa mga apostol ang mga katangian ng mga tunay na umiibig sa Kanya. Sabi ng Panginoong Hesus na ang mga tunay na umiibig sa Kanya'y tutupad sa Kanyang mga utos. Ang mga tunay na umiibig kay Hesus ay magsusumikap mamuhay ayon sa Kanyang mga utos. Ang mga tagubilin ng Panginoon ay sisikapin nilang isabuhay at isapuso. Sisikapin nilang maging kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Sisikapin nilang mamuhay nang may kabanalan. 

Iyan ang pinagtuunan ng pansin ng liham na pinadala ng Konsiliyo sa Herusalem sa mga Hentil sa Unang Pagbasa. Sabi sa liham na iyon na ang pinakamahalaga ay ang katapatan sa Diyos. Ipakita ang kanilang katapatan sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga salita't gawa. Ang mga masasamang gawain tulad ng pakikiapid at pagkain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyusan, may dugo, o ng hayop na binigti (15, 29). Ito'y matapos nilang pagpasiyahan na huwag nang pilitin ang mga Hentil na magpatuli ayon sa batas ni Moises. Hindi na kailangang magpatuli ang mga Hentil na bagong binyag sa Simbahan. Bagkus, ang kailangan lamang nilang gawin bilang mga bagong binyagang Kristiyano ay sumunod sa mga utos at aral ni Kristo na ipinangaral ng mga apostol. Layuan at itakwil ang kasalanan. Isapuso at isabuhay ang Salita ng Panginoon. Kapag ginawa nila iyon, mapapatunayan nilang tunay silang umiibig at sumasampalataya sa Kanya. Iyan ang tunay na Kristiyano. Ang tunay na Kristiyano ay umiibig at sumasampalataya sa Panginoon nang buong katapatan. Ang kanilang mga salita't gawa ang magpapatunay nito. 

Sa Ikalawang Pagbasa, inilahad ni San Juan ang gantimpala ng Panginoon sa mga tunay na umiibig at sumasampalataya sa Kanya. Nakita niya sa isang pangitain ang pagbaba ng Herusalem, ang Banal na Lungsod, mula sa kalangitan. Ano ang nais ipahiwatig ni San Juan? Nais niyang ipahiwatig na ang Diyos ay mananahan sa piling ng mga tunay na umiibig at sumasampalataya sa Kanya. Iyan ang magiging gantimapala nila mula sa Diyos. Makakapiling nila ang Diyos magpakailanman. Ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit ang magiging gantimpala nila. Iyan ang ipinapahiwatig ng pangitain ni San Juan - ang pagbaba ng Bagong Herusalem mula sa langit. Ang Diyos ay mamumuhay sa piling ng mga tunay na umiibig at sumasampalataya sa Kanya. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay nagpakita ng kanyang pag-ibig at pananampalataya sa Panginoon. Ipinakita niya ito sa pamamagitan ng kanyang pagtalima sa Salita ng Diyos. Isinantabi niya ang kanyang mga sariling interes at naisin para lamang matupad ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan niya. Ang kalooban ng Diyos ay buong kababaang-loob na tinanggap at tinupad ni Maria. Ang Salita ng Diyos ay isinapuso at isinabuhay niya hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay sa lupa. Kaya, siya'y ibinigay sa atin bilang halimbawang dapat tularan. Siya'y ating Ina na dapat nating tularan. Nararapat lamang na tularan ang kanyang halimbawa. At ang halimbawang ipinakita ng Mahal na Inang si Maria ay ang kanyang tunay na pag-ibig at pananampalataya sa Diyos. 

Katulad ng Mahal na Inang si Maria, patunayan natin na si Kristo ay tunay nating iniibig at sinasampalatayanan nang buong puso. Patunayan natin ang ating pag-ibig at pananampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Ang mga utos at aral ng Panginoon ay tuparin at sundin natin. Itapat natin sa ating mga puso't isipan ang Kanyang Salita. Iyan ang mga katangian ng mga tunay na umiibig at sumasampalataya kay Kristong Muling Nabuhay. At ang mga tunay na umiibig at sumasampalataya sa Panginoong Muling Nabuhay ay mamumuhay kapiling Niya magpakailanman sa Kanyang kaharian sa langit. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento