Lunes, Mayo 13, 2019

MAGMAHAL KAHIT MAHIRAP

19 Mayo 2019 
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Mga Gawa 14, 21b-27/Salmo 144/Pahayag 21, 1-5a/Juan 13, 31-33a. 34-35 


Nagsimula ang Ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-alis ni Hudas Iskariote mula sa senakulo. Umalis si Hudas Iskariote mula sa Huling Hapunan upang isagawa ang kanyang planong pagkanulo kay Hesus. Subalit, kahit nalalaman ni Hesus kung ano ang balak ni Hudas Iskariote, nakuha pa Niyang mangaral tungkol sa pagmamahal. Inutusan ng Panginoong Hesus ang mga apostol sa senakulo na magmahal tulad ng ginawa Niyang pagmamahal sa kanila. Kapansin-pansin ito, lalung-lalo na't ang pag-alis ni Hudas Iskariote mula sa silid kung saan si Hesus ay nakipagsalu-salo sa mga apostol bago Siya dakipin ang bumungad sa salaysay. Nakakapanlaki ng mata. 

Agad na iniutos ng Panginoong Hesukristo ang mga apostol na umibig matapos umalis mula sa silid si Hudas Iskariote upang ituro sa kanila na ang pagmamahal ay hindi madali. Mahirap magmahal, lalo na't kapag ang kaharap ng bawat isa ay yaong kinasusuklaman at kinapopootan. Mas madaling magpakita ng pagmamahal sa mga taong minamahal kaysa sa mga taong kinasusuklaman. Alam ni Hesus ang katotohanang ito tungkol sa bawat tao. Alam ni Hesus na hindi madaling ibigin ang mga nagkanulo at mga kinapopootan. Alam ni Hesus na mas madali para sa bawat tao na ibigin ang mga tunay na nagmamahal sa kanila. 

Kung batid ni Kristo na mahirap para sa bawat tao na magmahal, bakit ipinasiya pa rin Niyang iutos ito sa mga apostoles? Bakit Niya inutusan ang mga apostoles na magpakita ng pagmamahal katulad Niya? Siya mismo ang sumagot sa tanong na ito sa wakas ng Ebanghelyo. Sinabi Niyang iyan ang patunay na sila'y Kanyang mga apostol (13, 35). Mapapatunayan ng mga apostol na tunay nga silang nasa panig ni Hesus kapag sila'y nagmahal katulad Niya, gaano mang kahirap gawin ito. Kahit nga si Hesus, nagpakita ng pagmamahal kahit alam Niyang mahirap itong gawin. Isang halimbawa nito ay ang Kanyang ginawang pagpapakita ng pagmamahal sa alagad na nagkanulo sa Kanya na si Hudas Iskariote. Kahit batid Niya ang planong pagtraydor at pagbenta ni Hudas, minahal pa rin Niya ang alagad Niyang ito. 

Iyan ang nais iparating nina Apostol San Pablo at San Bernabe noong pinalakas nila ang loob ng kanilang mga alagad sa Listra, Iconio, at Antioquia sa Unang Pagbasa. Pinatatag nina Apostol San Pablo at San Bernabe ang loob ng mga hinikayat nilang maging mga Kristiyano sa mga nasabing bayan upang manatili silang tapat sa Diyos hanggang wakas. Mapapatunayan nilang sila'y tapat sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa Kanyang utos - magmahal katulad Niya. At sa Ikalawang Pagbasa, inihayag na ang Diyos ay mananahan sa piling ng mga tao. Papawiin Niya ang mga luha mula sa mga mata ng bawat tao. Ang lahat ng bagay ay Kanyang babaguhin. Sa pamamagitan nito'y inihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig. Kung tutuusin, hindi naman kailangan ng Diyos na gawin iyon. Maaari na lamang Niyang pabayaan na lamang Niyang mabulok ang lahat ng bagay at manatili sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit. Subalit, ipinasiya Niyang mahalin ang tao, kahit mahirap itong gawin dahil sa paulit-ulit na pagkakasala ng tao laban sa Kanya. Ang pangakong ito ng Diyos ay nagpapahayag ng Kanyang pag-ibig para sa bawat tao. 

Si Hesus ay nagpasiyang magpakita ng pagmamahal sa lahat kahit mahirap itong gawin. Ginawa Niya ito para sa lahat, lalung-lalo na para sa mga katulad ni Hudas Iskariote. At ang utos Niyang magmahal katulad ng ginawa Niyang pagmamahal ay hindi lamang para sa mga apostol kundi para sa bawat isa. Kapag sinunod natin ang utos na ito ng Panginoong Hesus, mapapatunayan nating tayo'y tunay ngang nasa panig Niya. Kahit mahirap, magmahal tayo katulad ni Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento