23 Abril 2019
Martes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 36-41/Salmo 32/Juan 20, 11-18
Sabi ni Apostol San Pedro sa pasimula ng Unang Pagbasa na si Hesus na ipinako sa krus ay ibinigay ng Diyos bilang Panginoon at Kristo (2, 36). Siya'y ipinagkaloob ng Diyos upang sa pamamagitan Niya'y maligtas ang sangkatauhan. Iniligtas ni Hesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang pagliligtas ng Diyos ay dumating sa daigdig sa pammaagitan ni Kristo Hesus, ang Bugtong na Anak ng Ama at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo.
Ang Panginoong Hesus na Muling Nabuhay ay ang pinakadakilang pagpapala mula sa Diyos. Sa pamamagitan Niya, nahayag ang habag at pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig at habag na nagdudulot ng kaligtasan. Ang Diyos ay dumating sa daigdig upang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan Niya. Wala Siyang ipinagdamot sa bawat isa sa atin. Kahit ang Kanyang Bugtong na Anak ay Kanyang ibinigay upang maging ating Tagapagligtas dahil tayong lahat ay tunay Niyang mahal. Wala Siyang ipinagdamot sa atin kailanman. `
Tampok sa Ebanghelyo ang salaysay ng pagpapakita ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay kay Santa Maria Magdalena. Si Santa Maria Magdalena ay umiiyak dahil inakala niyang ninakaw ang bangkay ng Panginoon. Inakala niyang hindi na iginalang ang Panginoong Hesukristo kahit patay na Siya. Dahil diyan, siya'y hindi nakapagpigil sa pag-iyak. At nang makatagpo na niya si Hesus, dalawa ang kanyang itinawag sa Panginoon. Ang unang tawag niya sa Panginoon ay "Ginoo" sapagkat inakala niyang hardinero ang kanyang kausap. At ang kanyang pangalawang tawag kay Kristo ay "Guro" nang siya'y Kanyang tawagin sa pangalan niya. Nang tawagin ni Kristo ang kanyang pangalan, doon lamang niya nakilala si Kristo, ang kanyang Panginoon at Gurong Muling Nabuhay.
Si Hesus ang Panginoong Muling Nabuhay. Siya'y ipinagkaloob ng Diyos sa atin upang maging ating Panginoon at Tagapagligtas. Siya ang tumubos sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Siya ang pumapawi sa mga luhang pumapatak mula sa ating mga mata. Siya rin ang tumatawag sa bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating mga pangalan, tulad ng Kanyang ginawa noong Siya'y nagpakita kay Santa Maria Magdalena matapos Siyang mabuhay na mag-uli. At hindi Siya magsasawa o titigil sa pagmamahal sa atin. Patuloy Niya tayong iibigin magpakailanman. Walang hanggan ang Kanyang pag-ibig para sa atin.
Muling nabuhay ang Panginoong Hesus. Patuloy Siyang nabubuhay hanggang sa kasalukuyan. Tayong lahat ay Kanyang sinasamahan hanggang sa katapusan. At patuloy Niya iibigin magpakailanman. Tulad ng mga apostol at ng mga Hudyo sa Unang Pagbasa at ni Maria Magdalena sa Mabuting Balita, tanggapin natin nang buong puso't sarili si Kristong Muling Nabuhay bilang ating Panginoon. Siya ang Diyos na Tagapagligtas. Siya ang ating Panginoon.
Muling nabuhay ang Panginoong Hesus. Patuloy Siyang nabubuhay hanggang sa kasalukuyan. Tayong lahat ay Kanyang sinasamahan hanggang sa katapusan. At patuloy Niya iibigin magpakailanman. Tulad ng mga apostol at ng mga Hudyo sa Unang Pagbasa at ni Maria Magdalena sa Mabuting Balita, tanggapin natin nang buong puso't sarili si Kristong Muling Nabuhay bilang ating Panginoon. Siya ang Diyos na Tagapagligtas. Siya ang ating Panginoon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento