Lunes, Abril 15, 2019

HUWAG NATING BALEWALAIN ANG PAG-IBIG NI KRISTO

19 Abril 2019 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42 


Hindi kaila sa atin ang ilan sa mga pahayag ng isang kilalang pulitikong inihalal sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan. Sa mga pahayag na ito, napakalinaw ang kanyang paglapastangan sa Diyos. Sa isa sa mga pahayag na ito, tinawag niyang "estupido" ang Diyos dahil nilikha Niya ang sangkatauhan kahit alam Niyang ilalabag nila ang Kanyang mga utos. Halimbawa na lamang ang ginawang pagsuway nina Adan at Eba sa utos ng Diyos na isinalaysay sa ikatlong kabanata ng aklat ng Genesis. At sa isang hiwalay na pahayag, sinabi niyang si Kristo'y "nakakawala ng bilib" dahil hinayaan na lamang Niya ang Kanyang sarili na maipako sa krus na walang kalaban-laban sa halip na gamitin ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang lipulin ang Kanyang mga kaaway at ang mga erehe. 

Bakit nga ba nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, kahit batid Niyang paulit-ulit na lamang nilang susuwayin ang Kanyang mga utos? Bakit hindi ginamit ni Hesukristo ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang lipulin ang Kanyang mga kaaway na walang ibang hangad kundi patayin Siya? Bakit hinayaan na lamang ni Kristo na Siya'y ipako sa krus? Sa unang tingin, mukhang may punto ang pulitikong ito. Kung pamantayan ng tao ang magiging batayan, kahangalan ang ginawa ni Kristo Hesus. Walang sinuman ang papayag na sila'y apihin o pagsamantalahan na lamang ng kanyang mga kaaway. Lalabanan niya sila kahit papaano. Subalit, si Kristo ay hindi man lamang kumibo noong Siya'y pinagsasamantalahan ng Kanyang mga kaaway. 

"Estupido" ba talaga ang Panginoon? Nakakawala ba Siya ng bilib? 

Sabi sa isang bahagi ng Unang Pagbasa, "Dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na tinamo Niya at sa mga hampas na Kanyang tinanggap." Ang larawang ito ay pinagtuunan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa noong si Hesus ay ipinakilala bilang Dakilang Saserdote. At bilang Dakilang Saserdote, inihain ng Panginoong Hesus ang buo Niyang sarili para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Nang dakipin sa unang bahagi ng mahabang salaysay ng Kanyang Mahal na Pasyon sa Ebanghelyo, ang mga kawal ay pinagsabihan Niyang pakawalan mga apostol. Ibinigay Niya ang Kanyang sarili sa mga kawal. Hindi tinakasan ni Hesus ang mga kawal na pumunta sa lugar na kinaroroonan Niya upang Siya'y dakipin. Bagkus, hinarap ni Hesus ang mga kawal at ibinigay ang buo Niyang sarili sa kanila. 

Ipinahihiwatig ng mga Pagbasa para sa Liturhiya ng Biyernes Santo ang dahilan kung bakit nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at kung bakit Niya iniligtas sila noong sila'y nalugmok sa kasalanan. Iisa lamang ang dahilan kung bakit nilikha ng Diyos ang sangkatauhan sa pasimula ng panahon at kung bakit Niya iniligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ang Kanyang dakilang pag-ibig ang dahilan kung bakit ginawa ng Diyos ang lahat ng iyon. Pag-ibig ang dahilan kung ipinasiya ng Diyos na tayo'y likhain, kahit alam Niyang susuwayin ng bawat isa sa atin ang Kanyang mga utos. Kahit batid ng Diyos na paulit-ulit tayong magkakasala laban sa Kanya at sa kapwa, tayong lahat ay binigyan Niya pa rin ng pagkakataong mabuhay dito sa lupa. Pag-ibig rin ang dahilan kung bakit ipinadala ng Diyos si Hesus sa lupa upang tayong lahat ay iligtas. Sa pamamagitan ng mga ito, inihayag ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. 

Dakilang pag-ibig ang dahilan kung bakit ginawa ng Diyos ang lahat ng iyon para sa bawat isa sa atin. Kahit hindi naman kinailangang gawin ang lahat ng iyon para sa atin, ipinasiya pa rin Niyang gawin ang mga iyon. Nais ng Diyos na imulat ang ating mga mata't puso sa Kanyang dakilang pag-ibig. Nais Niyang maranasan ng bawat isa ang Kanyang dakilang pag-ibig.  

"Estupido" ba ang Panginoon dahil pinili Niya tayong ibigin? Nakakawala ng bilib ba ang Kanyang pasiyang mahalin tayo sa kabila ng ating mga kasalanan? Ano ang magiging pakiramdam natin kapag ang bawat isa sa atin ay tinawag na "estupido", sinabihang nakakawala ng bilib, dahil ipinasiya nating magmahal? Kung tayong lahat ay nasasaktan kapag tayo'y sinabihang nakakawala tayo ng bilib at may tumawag sa atin na "estupido" dahil ipinasiya nating magmahal, ano pa kaya ang Diyos? Hindi ba mas masasaktan ang Diyos? 

Tiniis ni Hesus ang lahat ng hirap at pagdurusa para sa ating lahat. Ibinigay Niya ang buo Niyang sarili bilang handog sa isang kahoy na krus sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Tapos sasabihin na lamang ng bawat isa sa atin na hindi Siya nakakabilib at "estupido"? Kung iyan ang paniniwalang paiiralin natin, bakit pa nga ba tayo makikiisa sa mga pagdiriwang sa Mahal na Araw? Ano pa ba ang silbi ng pamamanata, pagdedebosyon, pananalangin, at pagsimba kung ang dakilang pag-ibig ni Kristo ay balewala sa atin? Binabalewala lamang natin ang pag-ibig ni Kristo kapag pinairal natin ang paniniwalang hindi nakakabilib ang paghahain Niya ng sarili sa isang kahoy na krus sa Kalbaryo alang-alang sa atin. 

Huwag nating balewalain ang dakilang pag-ibig ni Kristo. Tayong lahat ay hindi binalewala ni Kristo. Dahil diyan, ibigay natin ang nararapat kay Kristo. Ibigay natin ang buo nating sarili sa Kanya. Pahalagahan natin ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin. Pahalagahan natin ang Kanyang pag-aalay ng sarili sa Kalbaryo alang-alang sa ating lahat. Mahalin natin Siya sapagkat tayong lahat ay mahal na mahal Niya. Dahil sa pagmamahal Niya sa atin, inihain Niya ang buo Niyang sarili sa krus noong unang Biyernes Santo. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento